Dalaga

405 19 3
                                    

Kapag bata ka, minsan hindi mo alam na ang mga nangyayari sayo o sa paligid mo ay hindi na normal. Dahil na rin sa murang edad, hindi mo pa maiisip na yung mga nangyayari ay kakaiba na at dapat mo nang ikatakot. Saka mo lang malalaman na nagkaroon ka pala ng isang misteryosong karanasan kapag lumaki ka na at maalala mo yung nangyari sayo. Tulad na lang ng aking karanasan noong walong taong gulang pa lang ako.

Sa Bicol kami nakatira noon malapit sa isang napakalaking ilog. Dahil probinsya, hindi na kakaiba na naging parte na ng aming araw-araw na pamumuhay ang ilog, tulad ng aming mga kapitbahay. Dito kami naliligo, naglalaba, at naglalaro noon. Kapag taga samin ka normal na umikot ang buhay mo sa ilog. At minsan hindi mo rin maiiwasang dito makatagpo ng pag-ibig.

Tulad ng kuya ko.

"Hasmin ang pangalan niya," nakangiting sabi ni Kuya Miguel.

Naghahapunan kami noon nang inanunsyo ni Kuya sa amin na may nobya na siya. Nakikala niya daw iyon sa kabilang baranggay, na nasa kabilang dako ng ilog. Upang makapunta ka doon ay kailangan mong magbangka, dahil may kalakihan ang ilog at may kalaliman ang gitna nito. Sa sobrang lalim nga raw nito ay kayang dumaan ng isang barko dito.

At nakilala daw ni kuya ang kanyang kasintahan sa pamimista niya doon sa kabilang baranggay, kaya nalaman ng aming Tatay na namangka na naman si Kuya.

Mahigpit kasing ipinagbabawal sa aming magkapatid ang sumakay ng bangka. Marami na kasing bangka ang tumaob sa gitna ng ilog at marami na rin ang nalulunod doon. Ayon sa mga kapitbahay namin, ang mga pagkalunod ay gawa daw ng isang engkantong nakatira sa ilog.

Kaya ganun na lang ang galit ng mga magulang ko nang sumakay na naman sa bangka si Kuya. Kaya natural din na pinagbawalan na siyang makita ang nobya niya. Napapadasal na lamang si Nanay na harap ng Birheng Maria sa aming altar dahil sa takot sa posibleng mangyari sa kuya ko.

Apat na taon ang tinanda sa akin ni Kuya kaya binatang-binata na talaga nung mga panahong yun. Ilang linggo na rin silang hindi nagkikita ni Hasmin mula nang ibalita niya ang tungkol sa kasintahan niya at kahit ako ay nalulungkot na rin para sa kanila.

Inidolo ko kasi si Kuya nang magkaroon siya ng nobya kahit hindi ko pa personal na nakikita si Hasmin. Para sa akin noon, napaka-astig ng Kuya ko dahil nagkaroon na siya ng kasintahan. Kaya madalas ay nagpapakwento ako kay Kuya tungkol kay Hasmin. Kaya kahit ako ay hindi na rin makapaghintay na makita at makilala siya.

Upang hindi kasi sumama ang loob ng Kuya ko sa mga magulang ko, pinayagan nilang makipagkita si Kuya kay Hasmin basta ba may kasama itong nakatatanda katulad ng aming tiyuhin. Maraming beses na niyang dinadalaw ang nobya niya sa kanila ngunit hindi ko pa rin iyon nakikilala dahil ayaw naman akong isama ni Kuya Miguel sa kabilang dako ng ilog.

Hanggang sa dumating ang araw na aking pinakahihintay.

Lumuwas ng Maynila ang aming mga magulang upang dalawin ang aming tiyahin doon na may sakit. Naiwan kami ni Kuya sa bahay. Nang bandang hapon na ay nagpaalam sa akin si Kuya na pupuntahan daw niya si Hasmin. Ayoko ngang umalis siya noon dahil ayokong maiwang mag-isa sa aming bahay. Umiyak pa nga ako nun.

Pero ipinangako naman ni Kuya na isasama niya daw si Hasmin pagbalik niya at makikilala ko na siya, kaya kahit natatakot ako sa bahay na mag-isa ay pumayag na rin ako. Gustong-gusto ko na rin kasing makita si Hasmin.

Umalis na ang kuya ko at ako na lang mag-isa sa bahay. Nainip ako sa sobrang tagal nina Kuya at Hasmin kaya nakatulog na ako sa may sofa namin mga bandang alas siyete ng gabi.

Nagising lamang ako nang may marinig akong katok sa aming. pinto.

Sa pag-aakala kong si Kuya na iyon, dali-dali kong binuksan ang aming pinto ngunit ibang tao ang tumambad sa harap ng pinto namin.

Isang dalaga ang nakatayo sa harap ko. Nakasuot siya ng parang itim na mahabang kasuotan at hanggang beywang ang napakalagong buhok niya. Puting-puti din ang balat niya at sa pagkakatanda ko noon ay parang may kakaiba din sa mga mata niya. Parang mas malalaki ang mga itim sa mga mata niya kesa sa normal. At ang pinaka-kakaiba sa kanya, basang-basa siya na tila ba lumusong siya sa ilog.

"Sino ka?" Tanong ko agad nun.

Pero hindi niya iyon sinagot. Bagkus ay nagtanong din siya.

"Asan si Miguel?"

Yun ang tanong niya. Matinis at malambing ang boses niya.

"Wala si Kuya. Ikaw ba si Hasmin?"

Nginitian ako ng dalaga at inisip kong siya na nga si Hasmin.

"Hindi ba't sinusundo ka ni Kuya?" Tanong ko pa nun pero hindi na naman siya sumagot. Nakatingin lang siya sa akin.

"Melvin, pwede ba akong humingi sayo ng pabor?" Tanong niya bigla. Nakatayo pa rin siya sa labas at inisip ko nun na baka nilalamig na siya at gusto niyang manghiram ng tuwalya pero nabigla ako sa sunod na sinabi niya.

"Pwede bang ilabas mo ang babaeng nasa loob ng bahay niyo?"

Umiling ako agad. "Walang ibang tao rito, Ate," giit ko. "Ako lang ang nandito."

Pero umiling din siya. "Meron, Melvin. Ilabas mo siya dito. Pinipigilan niya kasi akong makapasok sa bahay niyo. Pinipigilan niya akong kunin kayo ng Kuya mo."

"Wala dito si Nanay, umalis kasama ni Tatay," sagot ko naman dahil akala ko noon ang nanay namin ang tinutukoy niya.

"Hindi siya," sagot ulit ni Hasmin. "Yung isa pang babae. Yung nakatayo sa may altar," sagot niya at dahil bata nga ako noon, hindi ko iyon naintindihan. Pero sa tuwing maaalala ko yun ngayon, kinikilabutan na ako.

Parang nanlilisik na noon ang mga mata ni Hasmin sa akin nang marinig kong biglang umalulong ang mga aso ng mga kapitbahay. Napalingon siya sa mga kabahayan at saka bigla na lang siyang umalis  dahil dun.

Pero bago siya makaalis nang tuluyan, may sinabi pa siya sa akin.

"Pakisabi sa kanya, babalik ako. At isasama ko na kayo," saad niya. Hindi ko rin yun naintindihan noon. Akala ko nun si Kuya naman ang tinutukoy niya. Kaya pagkaalis niya, natulog ako ulit.

Mga dalawang oras pa ang lumipas bago dumating si Kuya kasama si Hasmin. At nagulat ako na ibang babae pala sa kumatok kanina si Hasmin. Maiksi ang buhok niya at may maliit lamang siyang babae. Hindi tulad ng kaninang dumating.

Ikinuwento ko agad sa Kuya ko ang tungkol sa naunang babae at tinawanan niya lang ako. Nanaginip lang daw ako. At para hindi na daw ako managinip ng ganun, huwag ko daw kalimutang magdasal bago matulog.

At ginawa ko yun, nagdasal ako sa altar namin bago ulit ako matulog. Doon ko nakita ang imahe ng Birheng Maria sa altar at inisip ko kung siya ba ang tinutukoy ng dalagang yun.

Hanggang ngayon palaisipan pa rin sa'kin kung sino ang dalagang yun na dumalaw sa akin. At tingin ko ayoko nang malaman pa kung sino yun.

@jepoylee

SINDAKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon