Bahay na Bato

157 5 2
                                    

Bagong salta ako sa Maynila nung mga panahong yun. Kaka-graduate ko lang nun ng kolehiyo at naghahanap pa lang ako nun ng trabaho. Wala akong matutuluyan sa Maynila ngunit may kapatid ang tatay ko na nakatira sa Marikina at doon muna ako nakikituloy habang hindi pa ako nakapaghahanap ng mauupahan.

Tinatawag ng mga tao ang bahay na yun bilang 'Bahay na Bato.' Siguro kasi gawa ito sa malalaking tipak ng bato, na sabi ng tito ko ay luma na at panahon pa raw ng mga Hapon ng ito ay itinayo.

Tulad ng pangalan nito, yari nga ang buong bahay sa mga bato na hindi ko ma-imagine kung paano naitayo ng walang halong semento. At sobrang laki ng bahay na ito--- sa katunayan sa sobrang laki nito ay tatlong pamilya ang nakatira rito. Bale sa unang palapag, hinati ito sa dalawa, at dalawang pamilya ang nakatira doon. Sa ikalawang palapag naman, hinati rin ito sa dalawa ngunit ang pamilya lang ng Tito ko ang nakatira doon. Ang kabilang bahagi ng palapag ay naka-lock. Sabi nila matagal na raw na walang nakatira doon.

Maayos naman ang pagtira ko sa kanila. Bale sa isang kwarto sa may kusina ako natutulog, na nakatapat sa isang pinto palabas ng bahay. Sinubukan kong silipin kung saan papunta ang pinto ngunit naka-lock din ito. Sobrang higpit ng bakal na pinto na halos nakadikit na ito sa batong pader. Hula ko kadugtong ito sa kabilang bahagi ng palapag, at sinadyang naka-lock lang iyon upang hindi pasukin ng kung sino-sino lang.

Nang matanggap na ako sa isang trabaho, naging madalang na akong namamalagi sa bahay. Gabing-gabi na rin kasi ako nakakauwi galing ng trabaho at madaling araw naman ako umaalis kinabukasan kaya halos mas matagal akong wala sa Bahay na Bato kesa sa mga oras na narito ako. Linggo nga lang ako nakakapagpahinga dito. Masyado akong naging tutok sa aking trabaho kaya hindi ko agad napansin ang kababalaghang nakabalot sa lumang bahay.




Sa May Hagdan

Una kong naramdaman ang kakaibang pangyayaring ito isang beses na madaling araw na akong nakauwi sa Bahay na Bato. Araw kasi iyon ng sweldo at dahil Linggo naman kinabukasan, nagkayayaan kaming magkakatrabaho na mag-inuman sa isang bar, kaya medyo lasing na rin ako nang makauwi ako ng Marikina. Sa isang hagdan sa likod ng malaking bahay ang daanan paakyat sa ikalawang palapag (dahil nga may mga nakatira sa unang palapag) na papunta sa malaking balkonahe dun sa second floor. Mula naman doon ay papasok ako sa isang pasilyo papunta sa bahagi ng palapag kung saan nakatira ang pamilya ng Tito ko.

Nung madaling araw na yun, umaakyat na ako ng hagdan ng may marinig ako.

"Psst."

Napahinto ako at napalingon sa likod ko. Wala namang tao doon. Madilim na at wala din naman akong maaninag. Inisip ko na guni-guni ko lang siguro yun kaya nagpatuloy ako sa pag-akyat.

"Psst."

Sa pagkakataong ito siguradong-sigurado na ako na may narinig nga ako. Napatingin ako sa baba. Katahimikan. Napatingin ako sa taas. Sobrang dilim, wala akong maaninag.

"Psst."

Nangilabot na 'ko. Napatakbo na ako paakyat hanggang sa marating ko ang balkonahe. Muntik pa nga akong matumba dun sa hagdan dahil sa aking pagmamadali, lalo pa't 'yung hagdan ang 'yung spiral na tipo ng hagdan na gawa sa bakal, at maluluwang ang espasyo sa pagitan ng mga hakbangan kaya naging magalaw ito nang magmadali akong umakyat.

Pagkarating ko naman sa balkonahe, napahinto muna ako dahil sa kaba. Nagsisitayuan na nga ang mga balahibo ko sa katawan at mistulang naglaho ang tama ko. Naglakad na ako sa pasilyo at pumasok ng bahay, at agad akong nahiga sa kama ko pagkapasok ko sa kwarto ko.

Siguro hindi pa matagal ang pagtulog ko nang magising ako dahil sa isang kakaibang pakiramdam. Yung pakiramdam na may nagmamasid sa'kin. Pagdilat ko ng mga mata ko, agad akong napatingin sa pinto ng kwarto ko na bukas pala--- at nakatapat sa'kin ang isa pang pinto, na alam kong naka-lock. Yun nga lang, bigla akong nakarinig ng langitngit ng pinto na parang pabukas na ito. Sobrang tinis ng tunog ng bakal na pinto na mabagal na bumubukas, at kitang-kita ko kung paano unti-unting bumubukas ang pintong yun...

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 29, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

SINDAKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon