Ang Mga Alaga

350 14 8
                                    

Tuwang-tuwa ang bente sais anyos na dalagang si Gilda nang tanggapin siya bilang isang kasambahay sa isang malaking bahay sa bayan ng Iloilo. Lalo niya pang ikinatuwa ang balitang dalawang matatandang mag-asawa lamang ang magiging amo niya.

Hindi kasi naging maganda ang karanasan niya sa unang pamilya kung saan siya namasukan. Bukod sa napakadami ng gawain ay napakaliit din ng sweldo niya noon.

Ngunit iba ang bago niyang mga amo. Bukod sa ang paglilinis lang ng bahay ang kailangan niyang gawin, maaga din siyang pinapagpapahinga ng mga ito. Halos doble din ng dating sahod niya ang sahod niya ngayon.

Mabait ang dalawang matanda at magiliw ang mga ito sa kanya. Siguro ay dahil na rin ito sa walang naging anak ang mag-asawa kaya naging mabuti ang mga ito sa kanya. Kaya hindi rin napigilang maging magaan ang loob ni Gilda sa kanyang mga amo.

Lumipas ang mga araw at linggo na naging maayos naman ang lahat. Hanggang sa isang araw, habang naglilinis siya sa basement ng bahay, nakarinig siya ng mga kakaibang huni na parang galing sa mga tuta. Hinanap ni Gilda kung saan nagmumula ang mga huni ng hayop hanggang sa narating niya ang pinakadulo ng basement. Doon ay may isang silid na kahoy ang pinto, at sigurado siyang doon nanggagaling ang mga tunog ng hayop.

May siwang sa pinto ng silid dahil sa gawa nga ito sa kahoy kaya sinubukan ni Gilda na sumilip doon. Akala niya ay makakakita siya ng mga tuta roon ngunit wala siyang nakitang kahit ano sa silid. Maaliwalas naman ang loob ng silid na iyon mula sa butas kung saan siya sumisilip kaya imposibleng hindi niya lang makita ang mga tuta. Sadyang wala lang talaga sigurong hayop doon sa loob at baka nagkakamali lang siya nang dinig. Sinubukan niya ding buksan ang pinto ngunit matibay ang pagkakasara nito. Naka-padlock iyon at hindi niya naman iyon pwedeng sirain dahil baka mapansin iyon ng kanyang mga amo. Hinayaan niya na lang ang pangyayaring iyon.

Ngunit simula palang iyon ng mga kakaibang bagay na nangyayari sa malaking bahay. Isang beses naman, buong maghapong hindi lumabas ng kwarto nila ang mag-asawa. Panay na ang katok niya sa pinto dahil nag-aalala na siya na baka kung ano na ang nangyari sa mga amo niya. Ngunit hindi siya sinagot o pinagbuksan ng mga matatanda. Gabi na nang lumabas ang dalawa at pinagsabihan siyang huwag nang kumatok sa susunod na mangyayari iyon. Paliwanag ng mag-asawa, may mga araw daw na sadyang mahina ang pakiramdam nila at ayaw nalang nilang lumabas. Gustuhin mang mabahala ni Gilda sa sinabi sa kanya ay hindi niya rin naman pwedeng suwayin ang utos sa kanyang hayaan na lamang niya ang mga amo niyang ganun. Basta ba lalabas sila sa gabi, magiging panatag siya.

Isang beses naman, nasa kalagitnaan na nang pagtulog niya si Gilda nang magising siya at mauhaw. Alas tres na iyon ng madaling araw nang magpasya siyang bumaba sa kusina upang uminom ng tubig.

Ngunit tila nakalimutan niya ang pagkauhaw nang marinig niya ang kakaibang ingay galing sa kusina. May naririnig siyang parang kung anong tunog ng kahoy sa kahoy.

Sa pag-aakala niyang may kawatan nang nakapasok sa kusina, patago siyang sumilip mula sa likod ng isang cabinet kung sino ang nandoon sa kusina.

Nakita niya ang kanyang mga amo. Nakatayo silang nakaharap sa mesa, at doon sa mesa--- may isang napakalaking piraso ng karne ang nakalatag at saka ito nakita ni Gilda na tinadtad ng mag-asawa gamit ang naglalakihan at naglalaparang mga kutsilyong panadtad.

Ipinagtaka iyon ni Gilda at alam niyang hindi siya dapat makita ngayon ng dalawa. Alam niyang may kakaiba at may pakiramdam siyang manganganib siya sakaling makita siya ng kanyang mga amo.

Natakot kasi siya kung paano tinatadtad ng dalawa ang karne. Parang napakalakas pa ng dalawa at kung atakehin nila ang karne ay para itong mga matador na walang mga rayuma.

Napansin din ni Gilda na tila matinik at makaliskis ang karneng hinihiwa-hiwa ng mag-asawa na parang mula sa isang malaking isda. Saka ito nilagay ng kanyang amo sa isang bilao at dinala iyon pababa sa basement.

Hindi na makita ni Gilda kung anong nangyayari dahil nasa basement na ang dalawa, ngunit base sa masisigla at nakakatakot na huni na narinig niya mula doon, alam na niyang totoong may mga hayop doon at alam na niya kung para saan yung karne ng isda.

Hindi nun pinatulog si Gilda. Pinag-iisipan niya kung babanggitin niya ba sa mga matatanda ang mga nakita niya bukas. Nagdadalawang isip lamang siya dahil may kung anong nagsasabi sa utak niya na malalagay siya sa panganib kapag ginawa niya iyon. Kaya napagpasyahan niyang manahimik na lang.

Kinabukasan sa kusina ay hinanap niya sa basurahan ang mga tinik at kaliskis ng isda ngunit hindi niya iyon nakita. Naghanap siya ng ebidensya ng tinadtad na isda kagabi ngunit kahit ang lansa sa mesa ay hindi niya naamoy. Talagang walang iniwang bakas ang mag-asawa sa ginawa nila kagabi.

Lalo pang ipinagtaka ni Gilda ang sumunod na pangyayari. Hindi na naman kasi lumabas sa kwarto nila ang dalawa at tila hindi aksidenteng kagabi ay may tinatadtad silang kung anong karne noong madaling araw kaya ngayon ay pagod na pagod naman sila. Nahihiwagaan na talaga si Gilda sa mga nangyayari kaya napagpasyahan na rin niyang mag-imbestiga.

Gabi-gabi, hindi siya agad natutulog upang alamin kung umaalis ba ang mga amo niya. Hindi naman kasi sila umaalis sa umaga kaya naisip ni Gilda na baka sa gabi umaalis ang mga ito.

Nakatiyempo siya isang gabi dahil lumabas nga ang mag-asawa. Alas onse na iyon ng gabi kaya ipinagtaka niya iyon. Kaya hindi na nagdalawang isip si Gilda at sinundan niya ang mga amo. Naging maingat siya upang hindi siya mapansin ng dalawa.

Mabilis ang lakad ng dalawang matanda hanggang sa tumigil ito sa may bakanteng lote. Nagtago naman sa malapit si Gilda upang hindi siya makita ng mga ito. Naglakad sa lampas-taong mga talahib ang dalawa at nawala na iyon sa paningin ni Gilda. Ilang minuto na din ang lumipas at naiinip na siya. Papunta na sana siya roon sa mga talahib nang may biglang sumulpot doon.

Dalawang malalaking itim na aso ang parang may bitbit na tao na hinihila nila gamit ang kanilang bibig. Ikinagulat iyon ni Gilda at napatakip siya ng kanyang bibig.

Nakakagat ang mga aso sa magkabilang kamay ng tao na parang wala ng buhay. Hinihila ng dalawang aso ang bangkay papunta sa may kalye.

At laking gulat ni Gilda nang makitang yung dalawang aso ay biglang nag-anyong tao--- ang kanyang mga amo!

At yung bangkay kanina ng lalaki ay bigla na lang naging isa ng malaking isda sa paningin niya!

Nakita ni Gilda na pinagtulungang buhatin ng dalawa ang isda pabalik ng bahay nila. Samantalang nagdadalawang-isip na rin siya kung babalik pa ba siya doon. Sa takot niya sa nakita niya ay gusto niya na lang magtatakbo palayo.

Dahil kung ano man ang mga nakita niya, iisa lang ang sigurado siya.

Hindi mga tao ang mga amo niya!

Nakapagpasya agad si Gilda na wag umuwi ngayon doon sa bahay. Panigurado, nasa kusina ulit ang dalawang matanda ngayon at tinatadtad ang mga karne nung isda upang maipakain sa mga alaga nila. Bukas siya babalik doon upang kunin ang mga gamit niya, bukas ng umaga kapag hindi na naman lumabas ng kwarto nila ang mag-asawa.

Ngunit nang bumalik siya kinabukasan, wala siyang naabutan doon sa bahay. Maski ang kwarto ng mag-asawa ay walang tao.

Dahil akala niyang walang tao sa bahay, agad siyang nag-empake doon sa kwarto niya. Binilisan pa ni Gilda ang pagligpit sa mga gamit niya. At nung palabas na siya ng kwarto niya, saka niya nalamang naka-lock ang pinto niya mula sa labas.

Ikinulong siya dito sa loob!

Pinilit niya iyong buksan, ngunit ayaw talaga. Saka siya nakarinig ng mga huni ng hayop na parang nagmumula sa ilalim ng kama niya. At nang sumilip siya doon...

Isang malakas na sigaw ang ginawa ni Gilda.

@jepoylee

SINDAKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon