Hindi na bago sa mga estudyanteng kagaya ko ang mga kwento tungkol sa mga multo at mga ligaw na kaluluwa sa mga paaralan. Likha man nang malilikot na isip ang mga horror story na ito o may katotohanan, aminado akong interesado ako pagdating sa mga ganitong klase ng kwento. Kaya ganun na lang ang excitement ko ng sa isang Catholic school ako mag-aaral ng high school sa kabilang bayan.
Hitik sa mga kwento ng katatakutan ang naturang paaralan, ayon na rin mismo sa pinsan kong nag-aaral din doon. Lumang-luma na kasi ang school at dati daw ay naging kuta ito ng mga Hapon noong World War II. Kaya kung mga multo at katatakutan daw talaga ang hanap mo, nasa tamang lugar ka.
Nang maging estudyante na nga ako dito ay agad kong naramdaman ang kakaibang aura sa paligid. Di ko masabi kung dahil lang ba ito sa itsura ng mga buildings, o nang pagiging tahimik nito ang bigat na nararamdaman ko pero meron talaga eh. May mga lugar dito sa school na talaga namang nakakaramdam ako nang paninindig ng aking mga balahibo sa katawan at may mga pangyayari din akong na-experience na hanggang ngayon ay hindi ko maipaliwanag.
School Gymnasium
Dito naganap ang pinakauna kong paranormal experience. Ang school gym namin ay nasa dulo ng school, malayo sa ibang mga buildings at nasa paanan ng isang bundok. 'Dinarayo' pa namin ito kapag gusto naming tumambay dito.
Nakahiligan naming tumambay dito nung una dahil malamig dito tuwing tanghali. Natutulog kasi kami sa tanghali at madalas sa school gym kami umiidlip ng mga classmate ko sa mga nakahilerang mga mesa.
Natutulog na ako nun ng may narinig akong tunog ng takong ng sapatos nang isang naglalakad. Nagising ako at napabalikwas dahil sa pag-aakalang isang teacher ang paparating. Ayoko namang madatnan kami nito sa ganoong eksena at tiyak na magagalit yun.
Ngunit wala akong nakitang kahit sino. Nilibot ng aking paningin ang malawak na gymnasium ngunit wala naman akong nakitang ibang tao bukod sa aming magkakaklase. Tahimik lang sa loob at bumalik ako sa pagtulog. Tinakpan ko ng libro ang mukha ko.
Ilang minuto siguro ang lumipas ay may naramdaman akong dumaan sa gilid ng mesa kung saan ako nakahiga. Nahulog din ang librong pinantakip ko sa mukha ko kaya napatayo ako bigla. Akala ko kasi ay may tao na talaga this time. Pero wala pa rin akong nakita.
Medyo kinabahan na ako dun. Naiihi na rin ako kaya tinungo ko ang cr ng gymnasium sa pinakadulo at habang naglalakad ako papunta doon, nakita kong bukas ang pinto ng cr ng mga babae. Hindi ko na lamang iyon pinansin at pumasok na ako sa katabing cr ng mga lalaki.
Naghuhugas na ako ng aking mga kamay nang marinig ko na naman ang tunog ng takong ng sapatos sa semento sa labas ata. Malakas ang tunog nun at nanggagaling talaga siya sa labas ng cr. Lumabas na ako ng banyo at bigla na lang bumalibag ang pinto ng cr ng mga babae. Napatakbo tuloy ako pabalik sa mga classmates ko.
School Chapel
Kinuwento ko sa mga classmates ko ang nangyari. Nalaman kong narinig din pala ni Joshua, isa sa mga close kong classmate, ang tunog ng takong sa semento pero hindi niya daw yun pinansin dahil natakot din daw siya. Pakiramdam niya rin daw ay may nahagip ang mga mata niya na isang babae na naglalakad papunta sa cr ng mga babae na katabi lang ng cr na pinuntahan ko. Hindi niya na lang raw ito namukhaan dahil mabilis nga daw itong nawala sa paningin niya. Simula nun ay hindi na kami tumambay sa school gym at kumalat ang kwento sa buong school.
Isa naman sa mga second year students na nakarinig sa kwento nang nangyari sa amin ang nagsabing baka nakita daw namin si Miss Cuizon.
Isang dating teacher daw sa school si Miss Cuizon at kilala daw ito sa pagsusuot nang matataas na takong. Natagpuan daw siyang wala ng buhay sa cr ng school gym ilang taon na ang nakakaraan. Ang sabi naman ng iba, doon daw ito nakitang patay na sa chapel. Baka daw ito ang nagparamdam sa'min. Ang sabi pa niya, nagpaparamdam daw talaga si Miss Cuizon sa ilang students bilang paraan niya ng 'pag-welcome.'