Humahagikhik kaming tatlo nina Jenna at Angela habang naglalakad kami papunta sa isang resort. Ngayon kasi makikipagkita kay Jenna ang textmate niya, at dito sa isang resort malapit sa bayan ang kanilang meeting place. Medyo may pagka-exclusive ang resort na ito at malayo sa mga kabahayan kaya magiging solong-solo talaga namin ang lugar.
"Ano kaya ang itsura ni Harold?" Kinikilig na tanong ni Jenna sa amin. Hindi niya talaga maitago ang excitement niya. Ilang buwan na din kasi silang magka-text nitong si Harold at sabik na sabik na nga siyang makita ang itsura nito. And since napaka-supprotive naman namin ni Angela na mga bestfriends niya, sinamahan namin siya.
Papasok na kami ng lugar nang mag-text na kay Jenna si Harold.
"Kyaa! Mga bes, nasa loob na daw ng resort si Harold!" Balita sa'min ng kaibigan namin. Inalog-alog niya pa kami. "Tara na!"
At nagmamadali na nga kaming hinila ni Jenna papasok ng resort. Dun sa gate ay nagbayad kami ng tigbebente pesos bilang entrance fee tapos dumiretso na kami sa loob.
"Oh my gosh! Sana gwapo siya!"
Natawa ako. "Anong gagawin mo kung hindi pala siya gwapo?" Biro ko.
Sinimangutan ako ni Jenna. "Gwapo siya, sure ako! Gwapo kaya ang boses niya sa phone!"
"Sa phone yun!" Pang-iinis ko pa sa bestfriend ko. "Iba ang sa tunay na buhay! Naku, kadalasan talaga yung mga magaganda ang boses eh yun naman ang mga mukhang na-engkanto ang pagmumukha!"
"Alam mo, grabe ka!"
"Sshh!" Pigil naman sa'min ni Angela na nanlalaki pa ang mga mata. "Wag kayong maingay!"
"Bakit naman?" Tanong ko habang naglalakad kami papunta sa dalampasigan. Nasa may part na kami kung saan ang daan ay nasa gilid ng isang bundok na puno ng mga malalaking punong-kahoy. At dahil magdidilim na, medyo parang creepy na yung effect ng dilim sa paligid.
"Hindi niyo ba alam? Marami daw engkanto sa lugar na 'to!" Sabi sa'min ni Angela nang pabulong.
Natawa dun si Jenna pero no comment lang ako.
"Ano na naman ba yan, Angela? Nagpapaniwala ka pa sa mga engkanto?" Hirit ni Jenna.
Pinanlakihan siya ng mata ni Angela. Seryoso pa rin ang mukha niya at nakalagay pa rin ang daliri niya sa labi niya na parang sinasabi niyang wag talaga kaming mag-iingay. Napatigil tuloy sa pagtawa si Jenna.
"Dito nagtrabaho ang Lolo ko noon," sabi sa'min ni Angela. "At marami siyang kwento tungkol sa lugar na ito."
Tumaas ang mga kilay ko. At dahil sa biglaang change of topic namin, bumagal din tuloy ang lakad naming tatlo.
"Kaya pala ayaw mo na dito makipagkita itong si Jenna sa Harold niya," sabi ko. "Pero curious ako, ano daw ang meron dito na nakwento sa'yo ng Lolo mo dati?"
"Yun nga, sabi ni Lolo tahanan daw ng mga engkanto ang lugar na 'to," kwento pa ni Angela. "Pano, nasa gilid ng isang bundok na nasa bukana ng dagat. Ito daw yung mga klase ng lugar kung saan namamahay ang mga engkanto."
"Grabe talaga kayo!" Reklamo ni Jenna na parang natakot na. "Talagang dito kayo nagkwento tungkol diyan!"
"Eh totoo naman," ani Angela. "Sabi noon ng Lolo ko, isa daw sa mga katrabaho niya dito sa resort ang kinuha ng mga engkanto."
Hindi ako matatakutin. In fact, mahilig ako sa mga ganitong kwento pero iba yung atmosphere sa lugar na ito at pati na rin sa kwento ni Angela. Dumagdag pa na biglang nag-ingay yung mga insekto sa gubat na dinadaanan namin kaya lalong naging creepy yung pakiramdam ko.