Walang mapagsidlan ang kasiyahan ni Teressa nang makasal na sila sa wakas ng kasintahan niyang si Roger. Isang taon na rin silang naging magkasintahan nang mag-propose sa kanya ang nobyo. Hindi na rin siya tumanggi dahil mahal niya naman ito at nasa tamang edad na rin naman sila.
Mula sa siyudad ay lumipat sila sa probinsiya ni Roger kung saan sila magsisimula ng kanilang bagong pamilya. Nakapagtrabaho si Roger sa isang malaking farm sa bayan kung saan supervisor siya ng mga produkto o hayop na binebenta ng may-ari ng farm. Samantalang pumirmi naman si Teressa sa kanilang bahay bilang maybahay. Agad din siyang nabuntis kaya hindi na rin sila makapaghintay na maipanganak niya ang kanilang panganay ni Roger.
Naging maayos naman ang pamumuhay nilang mag-asawa. Wala na ngang mahihiling pa si Teressa, dahil napakabait at alagang-alaga siya ng kaniyang asawa. Kahit buong araw siyang naiiwan sa kanilang bahay habang nasa farm si Roger, hindi naman nababagot si Teressa dahil marami din siyang ginagawa tulad na lang nang pagtatanim ng mga bulaklak. Madalas ding dumalaw ang mga biyenan niya na swerte niyang mababait at gusto siya.
Masaya si Teressa dahil tahimik ang kanilang bagong buhay mag-asawa dito sa lugar nila Roger. Ngunit hindi niya alam na hindi magtatagal at makakaranas siya ng mga bagay na magdudulot sa kanya nang matinding takot.
Isang beses ay madilim na ngunit hindi pa umuuwi ang kanyang asawa. Kadalasan kase ay alas singko pa lang ng hapon ay nakakauwi na ito. Tinext na niya ito kung nasaan ito, ngunit hindi nagre-reply si Roger. Kahit nag-aalala, inisip na lang ni Teressa na baka napadaan ito sa bahay ng kanyang mga magulang, o ng isang kaibigan.
Nagpupunas siya ng mga plato nang marinig niyang may kumakatok sa pinto nila. May kalakasan ang katok sa pinto kaya nagulat pa siya. Sa pag-aakalang ang asawa na niya iyon ay dali-dali niyang binuksan ang pinto. Ngunit laking gulat niya nang makitang wala namang tao sa tapat ng pinto nila.
"Roger?" Tawag niya at napalabas tuloy siya ng bahay. Wala naman siyang nakitang tao sa labas ng bahay nila, pati na sa garden niya na madadaanan ng sinumang pupunta sa bahay nila. Tahimik din ang kabahayan ilang hakbang mula sa kanila. Ganito kasi dito sa probinsya, maagang nagsisitulog ang mga tao.
Nagtatakang bumalik sa loob ng bahay si Teressa. Hindi niya maipaliwanag pero nakaramdam siya ng kaba sa nangyari. Tinext niya ulit ang asawa niya, ngunit hindi pa rin ito sumasagot kaya nanood na lamang siya ng tv sa sala habang hinihintay ng kanyang asawa.
Ngunit hindi umuwi nung gabing yun si Roger. Sa takot na baka may masama nang nangyari sa asawa niya, kinabakusan ay agad nagtungo si Teressa sa kaniyang mga biyenan upang humingi ng tulong.
Wala ring alam ang mga magulang ni Teressa kung bakit hindi nakauwi kagabi si Roger kaya pinuntahan na nila ang farm kung saan ito nagtratrabaho. Pagkapasok nila doon, nagulat pa sila sa isang eksena doon.
Sa damuhan kung saan pinapastol ang mga alagang hayop sa farm ay nakahandusay ang ilang patay na mga kambing. Inuusisa ito ng ilan sa mga tauhan ng farm. Napatakip pa sa bibig niya si Teressa nang makita niya nang malapitan ang mga kawawang hayop. Warak ang mga tiyan nito at nakalabas ang mga lamang-loob nito na para bang may lumapa sa mga ito.
"Anong nang-nangyari sa kanila?" Nahihintakutang tanong ni Teressa sa mga tauhan ng farm.
Umiiling-iling ang matandang tauhan. "Hindi nga namin alam eh. Basta nagising na lang kaming ganito na sila..."
"Hindi kaya isang mabangis na hayop ang gumawa nito?"
"Imposible," sagot naman agad nang matandang tauhan. "Walang mga mababangis na hayop rito... Ang hula tuloy namin ay isang Agta ang may kagagawan nito..."
"Agta? Ano po yun?"
Seryoso ang mukha ng matanda, at napansin ni Teressa na parang bigla itong natakot, pati na rin ang mga kasamahan nito. Hindi rin nila masagot ang tanong niya, at napapatingin sila sa mga magulang ni Roger sabay tungo.