Chapter 11

4 0 0
                                    


Sa paglipas ng mga araw ay napagpasyahan niyang pumunta sa isang parte ng isla na madalas niyang puntahan sa tuwing may libre siyang oras. Gamit ang kotse ay tinungo niya ito. Labis ang kanyang pagkumbinse sa kanyang ina upang payagan siya na pumunta dito. Pagkatapos nga ng nangyari ay naging mas mahigpit ito ngunit kahit ganun pa man ay nananatili pa rin itong isang napakabait na ina.

Nung nakaraang araw lamang ay nagkita silang muli nina mang Nestor at aling Presing. Niyakap niya ang mga ito sa oras na makita niya ang mga ito. nalaman niyang nakikituloy ang mga ito sa isang kamag-anak ni mang Nestor pagkatapos ng pagkasunog ng kanilang tahanan. Ikinwento niya ang mga nangyari sa kanya at inihain ang kanyang mga dalang pagkain para sa kanila. Isang masayang tagpo ang nangyari na kanyang mataimtim na pinapahalagahan.

Pagkatapos ng isang oras na biyahe ay nakarating na rin siya. Ito na marahil ang huling beses na makikita niya ang tanawing ito. Isang mataas na bahagi ang kinalalagyan niya ngayon dahilan upang tanaw niya ang dagat at ang napakaraming mga puno nito. Maulap ang kalangitan at mahangin sa mga oras na ito. Napaupo siya sa damo habang nasa gilid lamang ang kotse. Pinagmasdan niya ang kagandahan ng lugar. isa ito sa kanyang mga hindi malilimutan. Bukas ay aalis na sila papunta sa syudad pagkatapos ang halos isang buwan na pamamahinga simula nung nagkita sila ng kanyang ina.

"Anong ginagawa mo diyan?" pagkarinig niya

Tiningnan ni Lanze ang isa sa malapit sa kanyang puso at ito nga ay si Grace.

"Wala lang"

Sa ngayon ay tanging sila lamang dalawa sa lugar. Nakaupo si Lanze sa madamong lupain na ito habang nasa unahan lamang si Grace na nakasuot ng kanyang paboritong puting damit. Naglalakad ito at dinadama ang pagiging kaaya-aya ng lugar.

"Halika nga dito" pag-anyaya ni Grace

Napangiti na lamang si Lanze.

"Dito lang ako"

Lumapit si Grace at kinuha ang kamay ni Lanze. Hinila niya ito dahilan upang mapatayo na lamang ang kasintahan. Ngayo'y hinahayaan na lamang ni Lanze na hilaan siya nito at tila dinadala siya nito pababa sa maburol na parteng ito ng isla. Dito'y sinabayan na niya ito. Magkahawak ang kanilang mga kamay habang tinitingnan ang tanawin na inihahatid ng karagatan. Ilang sandali pa'y nakaupo na silang dalawa. Napasandal si Grace sa kanyang balikat habang hawak-hawak pa rin niya ang kanyang kamay. Ngayo'y napakagaan nang pakiramdam ni Lanze na malayong-malayo sa kanyang mga pinagdaanan dito sa isla. Kahit ganunpaman ay hindi maiwasan ni Lanze na magbaliktanaw sa mga panahon bago pa man dumating ang puntong ito sa kanyang pananatili dito sa isla.

Ilang araw pagkatapos mahuli si Harris ay nasa kotse si Lanze at ngayo'y pupuntahan ang isang kaibigan. Kung tama ang kanyang pagkakaalala ay nasa kanilang bahay si James na kanyang bibisitahin. Alam niya ang sitwasyon na nariyan ang kaibigan ngayon. Nasa likod siya ng kotse habang nagmamaneho si mang Rodolfo. Ilang mga minuto ay makakarating na sila sa kanilang destindasyon.

"Magandang umaga!" bati ni Lanze.

"Lanze" sabi ni James, "ikaw pala."

Nasa loob ng kanilang tahanan si James at kita niya ang kanilang ginagawa. Sa puntong ito ay tumigil muna si James sa pag-iimpake ng kanilang mga gamit at itinuon ang pansin sa bagong dating na kaibigan.

"Buti naman at napadalaw ka" sabi ni James.

"Tama lang yun bago ako bumalik sa syudad."

Sa Isla Mga AlaalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon