"Malaman ko lang na ikaw ang nagpapatay sa Daddy ko, Ephilus, hindi ako mangingiming sunugin ka nang buhay. " — Brent
HINIHINGAL na pumasok si Brent sa CR ng mga lalaki. Sinigurado muna niya na walang ibang tao sa loob bago niya ini-lock ang pinto. Katatapos lang ng practice ng mga basketball varsity players ng university, ang Harford Blue Warriors, kung saan kabilang na kaagad siya pagkatapos niyang magtry-out noong isang araw.
Sabado ngayon at wala masyadong estudyante sa university. Halos buong araw silang nag-practice kaya pagod at pawis na pawis siya. May sariling locker room ang mga players pero pinili niyang dito na lang sa CR magpalit ng damit dahil iniiwasan niya ang mga maiingay at nag-aasarang mga kasamahan. And besides, he's not really a people person. Madalas ay gusto niyang mapag-isa.
Pumunta siya sa harap ng lababo at naghilamos. Nang matapos ay itinukod niya ang kanyang dalawang kamay habang tinitingnan ang sarili sa malaking salamin na nasa harap.
Huminga siya nang malalim at napapikit. Naaalala na naman niya ang huling araw na nakapiling niya ang Daddy niya at ang totoong dahilan kung bakit lumipat siya rito sa Harford University.
ITINIGIL niya ang kanyang kotse sa kanto malapit sa mga nag-uumpukang tao at bumaba. Halos tinakbo na niya ang distansya sa pagitan ng kotse at sa biktimang pinagkakaguluhan ng mga tao na walang iba 'kundi ang Daddy niya.
Halos tatlong minuto pa lang ang nakakalipas nang tinawagan siya ng mga pulis upang ipaalam ang masamang nangyari sa business tycoon na si Arnel Jacinto, ang Daddy niya, sa lugar na malapit lang sa building ng A.C. Jewelry Corporation na pagmamay-ari nito.
Naabutan pa niyang humihinga ang Daddy niyang duguan dahil sa ilang tama ng bala ng baril na tinamo sa katawan habang isinasakay ito sa ambulansiya. Ibinilin niya ang susi ng kanyang kotse sa isa sa mga empleyado ng Daddy niya na naroon din bago sumakay na rin sa ambulansiya upang sumama sa pagdala ng Daddy niya sa pinakamalapit na ospital.
Habang nasa loob ng ambulansiya ay pinipilit ng Daddy niya ang magsalita. "E... Eph... Ephilus... "
"Dad?" nakakunot-noong tanong niya habang hawak nang mahigpit ang duguang kamay ng Daddy niya.
"Ephilus... " patuloy ng Daddy niya kahit hirap na hirap nang magsalita at huminga. "Ha... H-Hanapin m-mo siya... at a-ang... blue... gem. A-ang... b-box... n-na... naroon la... lahat."
Dahil sa sobrang takot at pag-aalala sa kalagayan ng Daddy niya at sa maaaring mangyari rito ay hindi na niya nagawang intindihin pa ang mga huling sinambit nito hanggang sa malagutan ito ng hininga. Hindi na ito nakaabot sa ospital. Dineclare na itong dead on arrival.
Ilang oras siyang naghinagpis sa pagkawala ng natitira niyang mahal sa buhay. Kahit hindi niya ito tunay na ama ay higit pa sa isang tunay na kadugo ang naging turing nito sa kanya. Ganoon din ang Mommy Carla niya. Higit pa sa tunay na anak ang turing ng mga ito sa kanya at labis niyang ipinagpapasalamat iyon. Hindi niya kailanman malilimutan na kahit hindi niya alam kung saan o kanino siya nanggaling ay hindi siya kahit kailan nakaramdam ng kakulangan sa pagkatao niya.
Pagkatapos asikasuhin ang lahat ng kailangan para sa libing ng Daddy niya ay saka pa lang niya naalala ang mga huling sinambit nito sa loob ng ambulansiya. Dali-dali siyang bumalik sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Mabuti na lang at may naabutan pa siyang ilang pulis na nag-iimbestiga sa nangyari.
Kinausap niya ang mga pulis at nagpakilalang anak ng biktima pagkatapos ay nagtanong kung ano ang nalaman ng mga ito. Ayon sa mga nakausap ng mga ito na nakasaksi sa nangyari ay hinarangan daw ang kotse ng Daddy niya ng mga hindi nakilalang suspect na sakay ng pulang kotse. Pinababa raw ito at may sapilitang kinuha sa kotse. Nang manlaban daw ang Daddy niya ay saka pa ito pinagbababaril, kinuha ang pakay at tumakas. Siya naman ang tinanong ng mga pulis kung may kilala ba siyang kaaway ng Daddy niya at posibleng may kagagawan sa nangyari pero wala siyang naisagot.
BINABASA MO ANG
The Heart of Laveris: The Rise of Laverians
FantasyLAVERIANS Sila ay mga kakaibang nilalang na naninirahan dito sa mundo ng mga tao simula nang sinira ng mga reficuls, sa pamumuno ni Caine, ang kanilang mundo -- ang Laveris. Ang kanilang anyo ay katulad ng isang tao kaya madali lang para sa kanila...