"THALEIA! THALEIA!"
Hinahanap ni Ephilus si Thaleia sa isang magulong parte ng Laveris. Kailangan niyang makita si Thaleia. Kailangan niyang mailigtas ang prinsesa. Kailangan niyang mailigtas ang pinakamamahal.
Hindi nila inaasahan ang pag-atake ng mga reficuls pero mas lalong hindi nila inaasahan ang ginawang pagtatraydor ng kanyang pinakamatalik na kaibigan na si Caine.
Nagawa man nilang lumaban ay huli na ang lahat. Marami ang nagulat at hindi nakapaghanda sa ginawang paglusob ng mga reficuls.
Nagkakagulo na sa paligid. Marami na ang nasawi. Karamihan sa mga nasawi ay mga laverians. Ang iba naman ay pilit pa ring lumalaban hanggang sa kanilang huling hininga. Ang iba ay nagtangkang tumakas pero hindi pa rin nakaligtas.
Maraming tahanan na ang nagiba. Maraming buhay na ang nawala. Natatalo na sila at wala nang matakbuhan ang iba. Ang mundo na dati ay puno ng saya, liwanag at ganda ng iba't ibang klase ng mahika ay nababalot na ng takot, kaguluhan at kadiliman.
Halos lahat ng mga laverians ay nawawalan na ng pag-asa — pero hindi si Thaleia.
Meron pang natatanging paraan na si Thaleia lang ang nakakaalam para makaligtas at makabangon ang mga natitirang laverians.
Iyon ang iniutos sa kanya ni Thaleia noong huli silang magkita. Hindi niya masyadong maintindihan kung bakit iyon ipinapagawa sa kanya at labag man sa kalooban na iwan ito ay sinunod pa rin niya ang kahilingan nito.
Kaya heto si Ephilus, hinahanap si Thaleia upang ipaalam dito na natupad na niya ang kahilingan nito.
Pinuntahan niya ang paboritong lugar ni Thaleia sa buong Laveris - ang Ovila.
Hindi nga siya nagkamali. Naroon nga ito. Pero hindi na ito nakatayo sa gitna at tinatanaw ang buong kaharian ng Laveris kagaya ng dati.
Nakahiga ito at walang malay. Agad niya itong pinuntahan sa kinaroroonan na may labis na pag-aalala. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama rito.
"Thaleia..." pukaw niya.
Bahagyang dumilat ang mga mata ni Thaleia. Akmang marami itong gustong sabihin sa kanya dahil batid nito ang takot na kanyang nararamdaman ngunit isang salita lamang ang namutawi sa mga labi nito.
"C-C-Caine...." nahihirapang sagot ni Thaleia.
Hindi napigilan ni Ephilus ang mapaluha. Batid niyang malapit nang bawian ng buhay si Thaleia, ang kanyang pinakamamahal.
Hinawakan ni Ephilus ang mga kamay ni Thaleia at biglang may eksenang lumitaw sa kanyang isipan. Dahil sa kapangyarihan niya na mabasa ang isipan ng kahit sino na kanyang mahawakan ay nalaman niya ang lahat ng mga nangyari kay Thaleia pagkatapos nilang magkahiwalay.
Pero hindi lang iyon. Nakita rin niya ang imahe ng kanyang mortal na kaaway - ang pinaka-kinamumuhian niyang nilalang sa buong Laveris. Walang iba kung hindi si Caine!
Nakita niya ang lahat. Si Caine ang dahilan kung bakit napahamak si Thaleia!
Pagbabayaran niya ang ginawa niya!
Pagkatapos basahin ang isipan ni Thaleia ay naramdaman niya na bahagya nitong hinawakan ang kanyang kamay bago ito tuluyang bawian ng buhay.
Tuluyan nang napahagulhol si Ephilus. Hindi na niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Wala na si Thaleia. Wala na ang kanyang pinakamamahal. Hindi niya alam kung kaya pa niyang lumaban sa ganitong sitwasyon. Hindi niya alam kung kaya pa niyang mabuhay. Ngayong wala na si Thaleia ay para na rin siyang namatay.
Tiningnan niya ang maamo at napakagandang mukha ni Thaleia. Para lang itong natutulog. Kung hindi nagkakagulo sa paligid ay talagang iisipin niya na natutulog lang ito.
BINABASA MO ANG
The Heart of Laveris: The Rise of Laverians
FantasyLAVERIANS Sila ay mga kakaibang nilalang na naninirahan dito sa mundo ng mga tao simula nang sinira ng mga reficuls, sa pamumuno ni Caine, ang kanilang mundo -- ang Laveris. Ang kanilang anyo ay katulad ng isang tao kaya madali lang para sa kanila...