Chapter 1: Unseen

871 143 157
                                    

"Teka, teka. Ano'ng nandoon ka? Eh tatlo lang kami doon sa loob?" 

LAKAD. Takbo. Lakad. Takbo.

Ito ang ginagawa ni Rixon habang nilalakbay ang pasilyo patungo sa comfort room. Ihing-ihi na siya. Medyo marami-rami pa ang mga tao sa paligid kaya hindi muna siya magpapahalata. Sira kasi ang pinakamalapit na CR na nasa may gym kaya heto at patungo siya sa CR ng kabilang building. 

Meron pa namang event sa school kaya siksikan at maraming tao. Hindi na niya mabilang kung ilang estudyante na ang nabangga niya dahil sa pagmamadali. 

Nang malapit nang marating ni Rixon ang CR at kokonti na lang ang mga tao sa paligid ay tumakbo na siya patungo roon. At dahil sa sobrang pagmamadali ay hindi na niya napansin kung ano ang pinasukan niya. Dire-diretso na siya sa pagpasok at tinungo ang cubicle sa pinakadulo.

Nakahinga nang maluwag si Rixon nang matapos sa kanyang ginagawa. Binuksan niya ang pinto ng cubicle at papalabas na nang may pumasok na tatlong estudyante na babae sa CR. 

Nagulat si Rixon at napahinto. 

Ang tatlong estudyanteng babae ay dumiretso sa malaking salamin na nasa tabi ng pintuan ng CR. Nagkukuwentuhan ang mga ito tungkol sa gaganaping birthday party ng kaklase ng mga ito at kung ano ang isusuot. 

Hindi nakagalaw si Rixon dahil sa sobrang pagkagulat. Tiningnan niya ang paligid at nalaman niya na pambabae pala ang CR na pinasukan niya. 

Inaasahan na ni Rixon ang magiging reaksiyon ng tatlong babae. Sigurado siyang sisigaw ang mga ito pagkakita sa kanya at sasabihan siya ng bastos.

Nakatayo lang si Rixon sa may pinto ng cubicle na ginamit niya. Nagdesisyon siyang hindi muna gumalaw para hindi magulat ang tatlong babae. Ayaw niyang matakot ang mga ito sa kanya. 

Bahagyang nagtaka si Rixon dahil lumipas na ang tatlong minuto ay hindi pa rin siya napapansin ng tatlong babae. Oo nga at nasa pinakadulong bahagi siya ng CR pero hindi ito gaanong kalakihan at imposibleng hindi siya mapansin ng kahit sinong pumasok dahil nasa labas na siya ng cubicle na ginamit niya. 

Dalawa ang naisip niyang posibilidad kung bakit parang walang reaction ang tatlong estudyanteng babae na nasa loob siya ng CR.

Una, maaaring hindi talaga siya napansin dahil busy ang tatlo sa pakikipagkuwentuhan. Pangalawa, maaaring nakita naman siya pero wala lang pakialam sa kanya. 

Still, nagdecide siya na kunin na ang atensiyon ng tatlong babae upang humingi ng paumanhin sa ginawa niyang pagpasok sa CR na para lamang sa mga babae. 

Tumikhim muna si Rixon bago nagsalita.

"Miss..." panimula niya. 

Natigilan sa pagkukuwentuhan ang tatlong babae. Hindi siya nilingon ng mga ito pero nakita niya sa repleksiyon ng salamin ang pagkagulat sa mga mukha nito.

"Ahmm... miss..." ulit ni Rixon upang makuha ang atensyon ng mga ito. Natigilan siya dahil hindi lang pagkagulat ang nabasa niya sa mga mukha nito. May kalakip na iyon na takot.

Gusto agad niyang ipaalam na hindi sila dapat matakot sa kanya dahil hindi niya sinasadya ang ginawang pagpasok sa CR ng mga babae kaya nagdesisyon siya na lapitan na ang mga ito. 

Nang papalapit na si Rixon ay nasipa niya nang hindi sinasadya ang maliit na basurahan na walang laman. Napunta ito sa may paanan ng tatlong babae. 

Napalingon ang mga ito at tiningnan ang basurahan na nasipa niya. Bago siya makapagsalita ay biglang sumigaw ang isang babae. Sumunod na sumigaw ang dalawa pa. 

Hindi na sana siya magugulat pa sa naging reaksiyon ng tatlong babaeng estudyante kung hindi lang biglang tumili at tumakbo palabas ang mga ito. 

"Multo!" sigaw ng isa sa mga ito habang nagtatatakbo palabas ng CR.

The Heart of Laveris: The Rise of Laverians Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon