"Apoy at yelo. Nahanap ko na sila." — Xander
MAINGAT at mabagal na humakbang si Rixon sa kaliwa. Patuloy namang nagpalinga-linga si Brent nang may halong gulat at labis na pagtataka sa mukha dahil sa biglaan niyang paglaho sa harap nito. May nakita siyang lubid na nakasabit sa may gilid ng maliit na bintana ng CR sa dulo. Plano niyang itali muna ang kaklaseng kampon yata ng demonyo bago lumabas upang hindi na siya mapigilan nito.
Dahil sa nakita ay maraming tanong ang nabuo sa isip niya. Pinsan ba talaga ito ni Greg? Ito ba talaga ang pinsan ni Greg? O hindi alam ni Greg ang tungkol sa mala-demonyong kakayahan ng pinsan nito?
Saan ka nakakita ng taong naglalabas ng apoy? Hindi ba't masama iyon? Maraming tao ang maaaring mapahamak dahil sa ginagawa nito. Dapat lang talaga itong isumbong at ipahuli sa mga awtoridad para mapigilan itong makapanakit ng ibang tao.
Then I will be a hero! Napangiti siya sa naisip. Isa ito sa mga pangarap niya noong bata pa siya na ngayon ay maaari nang matupad. Ito na ang pagkakataon niya. Kailangan lang niyang maging matapang.
"Rixon, nasaan ka?" malakas na tanong ni Brent habang patuloy siyang hinahanap sa paligid.
Napangisi si Rixon habang dahan-dahang kumikilos para kunin ang lubid. Iniiwasan niyang makalikha ng ingay. Kahit hindi siya nakikita ni Brent ay kailangan pa rin niyang mag-ingat. Hindi nito pwedeng malaman kung nasaan siya.
Natutuwa siya sa nakikitang gulat sa mukha ni Brent. Akala siguro nito ay ito lang ang may tinatagong kakaibang abilidad.
Pwes, nagkakamali ito. Simula nang makumpirma niya sa sarili na may kakayahan siyang maging invisible mahigit isang linggo na ang nakakaraan ay laking tuwa niya. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Inalam niya kaagad kung paano paganahin at kontrolin ito na hindi niya inakalang magiging madali lang pala para sa kanya. Kung gugustuhin niya ay magagawa niya. Ganoon kasimple lang.
Pero ang mas nakakamanghang bagay na natuklasan niya ay hindi rin nakikita ng ibang tao ang kahit na anong mahawakan niya kapag invisible siya. Minsan na niyang napatunayan ito nang kinuha niya ang laruan ng kapatid niya. Naglaho rin ito sa paningin nito katulad niya kaya laking tuwa rin nito para sa kanya pagkatapos niyang ipakita rito ang kakaibang abilidad niya.
Tiniyempo muna ni Rixon na nakatalikod si Brent saka kinuha ang lubid at mabilis na ipinulupot sa katawan ng huli kasama na ang dalawang braso nito. Kagaya ng inaasahan niya ay nagulat ito at pumalag. Pero ang hindi niya inaasahan ay ang biglaang paglabas ng malakas na apoy hindi lang sa mga kamay nito kundi pati na rin sa buong magkabilang braso.
Napaatras siya dahil sa init at nabitiwan niya ang lubid. Sunog na sunog ito habang nahuhulog sa sahig. Galit na binalingan siya ni Brent. Huli na nang mapagtanto niyang nakikita na siya nito dahil hindi niya naiwasan ang malakas na suntok na ipinadapo nito sa kaliwang bahagi ng mukha niya.
Muntik na siyang matumba. Mabuti na lang at napahawak siya sa handle ng mop na nakasandal sa dulong bahagi ng pader. Gawa ito sa kahoy. Kinuha iyon at agad na binalingan si Brent. Malakas niyang itinama ang dulong hawakan ng mop sa sikmura nito. Nang mapahawak ito sa nasaktang bahagi ng katawan ay pinalo niya ulit ito sa tagiliran kaya pahiga na itong natumba sa marmol na sahig ng CR.
Hindi na nag-aksaya ng pagkakataon si Rixon. Mabilis niyang sinunggaban at pinaibabawan si Brent. Ilang beses muna niya itong sinuntok sa mukha bago sinakal. Hindi na nakakapagtaka kung sa pagitan nilang dalawa ni Brent ay mas lamang siya pagdating sa pakikipagsuntukan at pakikipag-away. Hindi naman siguro siya mapapabilang sa grupo ni Greg kung lalampa-lampa siya. Bukod sa nag-aaral siya ng mixed martial arts ay masasabing mas sanay rin siya sa pisikal na pakikipaglaban dahil hindi na rin mabilang kung ilang beses nang nasangkot ang grupo nila ni Greg sa mga gulo at rumble sa loob at labas ng university.
BINABASA MO ANG
The Heart of Laveris: The Rise of Laverians
FantasyLAVERIANS Sila ay mga kakaibang nilalang na naninirahan dito sa mundo ng mga tao simula nang sinira ng mga reficuls, sa pamumuno ni Caine, ang kanilang mundo -- ang Laveris. Ang kanilang anyo ay katulad ng isang tao kaya madali lang para sa kanila...