"Ito na nga siya." Sumilay ang ngiti sa nakangising mukha ni Danger. Sa bawat galaw ng dalagang puntirya ay sumusunod ang kulay abo nitong mga mata. Mawawari sa mga mata niya ang maitim na binabalak sa pakay niya. Matagal na nitong pinaghahanap ang babaeng gigimbal sa mundo ng mga kaaway niya. Kapag napasa kaniya ang dalaga ay para na rin niyang hawak ang alas sa laban. Sumidhi ang galit sa puso niya nang maalala ang ginawa ng mga kaaway niya sa kaniyang pamilya. Ang walang awang paglapastangan sa mga ito, ang pagpapahirap sa mga ito bago nila babuyin ng walang awa ang kaniyang pamilya—tandang-tanda niya pa ang tagpong iyon sa buhay niya. Napahilot na lamang ng sentido ang binatilyo Hinding-hindi niya mapapatawad ang mga ito. Kahit ang mga kaalyado nito ay hindi ligtas sa gulong gagawin niya. Napakunot ang noo niya at unti-unting nabuo ang mas maitim na balak sa isipan niya.
Bumalik siya sa realidad. "Kapag sumapit ang alas-diyes, alam niyo na ang gagawin ninyo," ani sa mga lalaking inaasahan niyang gagawa ng mga iniuutos niya. Tumango ang mga ito bilang pagsang-ayon, walang emosyong mababakas sa kanilang mga mukha. Hinding-hindi niyo magugustuhan ang gagawin ko sa inyo, lalong-lalo na sa kaniya. Humanda kayo sa isang Andre Maximilien Seraphinus Vauclain.
§
Matanda na ako. Pero hindi ko alam kung may patutunguhan ba ang buhay ko. Mahigit viente cuatro na ako pero wala pa ring nangyayari sa buhay ko. Hindi naman ako nakatungtong man lang sa kolehiyo. Walang tumatanggap sa akin sa kahit anong trabahong tangkain kong pasukan. 'Di ko kasi kayang ipresenta ng maayos ang sarili ko. Wala akong maayos na damit dahil di ko na inaksaya sa isang walang kakwenta-kwentang bagay. Kahit damit Divisioria lang ay masaya na ako.
Takot na takot akong humarap sa tao. Bata pa lamang kasi ako ay hindi na ako pinapayagang lumabas ng bahay. Iyong pera na iniwan ng mga magulang ko, naubos na sa pagpapalibing ko sa kanila. Pero ngayon, humupa naman ng kaunti ang takot ko sa ibang tao at nakakaharap na naman ako sa kanila kahit mayroong alinlangan na tumatakbo sa isipan ko. Masuwerte pa rin nga ako at mayroon akong inuuwiang barong-barong kahit pa sa mata ng iba ay hindi kaaya-aya ang kinatitirikan ng bahay ko.
Sa bahay ko ay mayroon akong sewing machine na ginagamit ni Mama noon. Ito lamang ang meron ako na pwede kong pagkakitaan. Naturuan ako ni Mama kung paano manahi ng mga bilog na basahan na siya ko naming inilalako sa kalye. Nakakasapat naman ito para makakain ako ng tatlong beses sa isang araw.
Nasa gitna ako ng pananahi ng mga basahan na ilalako ko kinabukasan nang makarinig ako ng hiyawan at pagkalansing ng mga yero. "Huwag ninyong gawin ito!" Rinig kong pagmamakaawa ng isang ginang sa labas. Ano bang nangyayari? Binuksan ko ang pintuan ko na gawa sa pinagtagpi-tagping plywood at doon ay nasilayan ko ang mga lalaking nakasuot ng kulay asul na damit. May mga hawak silang makakapal na martilyo at makapal na plastic na panangga. Sila ang kilabot ng bawat tao dito sa aming lugar! Ni isa man sa amin ay hindi pinangarap na makita sila dito!
Mabilis kong binasta ang mga ginawa kong basahan at itinabi sa maliit na lalagyan ang electric sewing machine. Nagempake na rin ako ng mga damit at mahahalagang gamit. Hindi nila dapat ako maabutan dito! Nahagip ng mata ko ang nag-iisang litrato naming mag-anak. Napakasaya namin dito. Dali-dali ko itong isinilid sa isang plastic at ipinasok ito sa aking bra. Bago ko pa man matapos ang pageempake ko ay malakas na kumalabog ang pintuan ng bahay ko. Nahati ang pintuan kung saan tumama ang dala nilang martilyo. Sinasabi ko na nga ba! Nilukob ako ng takot, naestatwa sa kinatatayuan ko. Ang... ang mga pinaghirapan ko ipundar... nawala ng parang bula. Namalayan ko na lang na marahas akong hinaklit palabas ng bahay. Mahigpit akong napahawak sa mga dala-dalahan ko—ang binasta kong mga basahan, ang makina ko, at ang mga damit ko. Tila napansin naman ng isang lalaki mula sa demolition team na marami akong dala-dalahan. Sumilay ang masamang ngisi sa labi nito. Agad niyang hinigit sa akin ang mga bitbit ko. Hindi niya pwedeng makuha ang mga gamit ko! Masyadong sentimental ang mga ito sa akin para pakawalan ko! Hinigpitan ko pa lalo ang hawak ko sa mga gamit ko pero marahas akong naitulak ng mama, dahilan para mawalan ako ng balanse at mapasubsob sa putikan.
Wala na.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Ni tutong ay wala akong makain. Wala rin akong pera para makabili ng pwede kong makain. Napilitan akong mamalimos para kahit man lang pipisuhing tinapay ay mailaman ko sa aking tiyan. Namamalimos ako, pero hindi lang pera ang hinihingi ko. Hinihingi ko ang awa nila. Nalugmok ako sa isang malaking gubat. Parang isang sanggol na inabanduna na walang kakayanang proteksyunan ang kaniyang sarili. Ang siyudad ay isang malaking gubat. Hindi mo alam kung saan lilingon para maging ligtas ka. Kapag wala kang pera ay para ka na ring walang panangga sa mga mababangis na hayop na kahit anong oras ay kaya kang lapain. Iyon ang realidad ng buhay.
Panandalian lamang ang panlilimos ko. Kapag ako ay nakaipon ng pera ay maaari akong umangkat ng mga sampaguita upang itinda sa may bandang Quiapo. Wala na akong maisip na ibang paraan para magkaroon ng pera. Nawala pati ang matagal ko nang pinakaiingatang makina na siyang bumubuhay sa akin.
Ginabi na naman ako sa daan. Binagtas ko ang madilim na kalye makalagpas ng istasyon ng Blumentritt. Nakakatakot. Ngayon pa lamang ako napagawi dito. Halos sarado ang mga establisyementong nasa gilid ko. Tila isang ghost town ang naturang lugar. Bigla akong dinalaw ng antok. Wala na akong choice kundi ang matulog sa isang eskinita dito. Masuwerte ako at may nakita akong karton na maaari kong higaan. Sana ay maabutan pa ako ng bukas. Bukas na lamang din ako maghahanap ng pagkain. Sa tantiya ko ay mag aalas-diyes na ng gabi.
Malalim na ang pagkakatulog ko nang maalimpungatan ako sa malalakas na kaluskos na wari ko'y papalapit sa akin. Base sa mga yabag ng mga ito ay ilan silang magkakasama. Nilukob ako ng takot sa kung anong maaaring mangyari sa akin. Wala akong dalang kahit ano na maaaring maging depensa ko sa hahamak sa akin. Dumagungdong ang puso ko ng marinig ko ang yapak nila na tumigil sa harapan ko. Napasinghap ako ng malakas. Hinaklit ako patayo ng mama!
"Saan ninyo ako dadalhin? BItawan niyo ako!" Sumigaw ako ng tulong. Naalala kong alas-diyes nga pala ng gabi. Walang pwedeng tumulong sa akin. Kahit ganoon ay nagsisisigaw pa rin ako, nagbabakasakaling may tumulong sa akin. Ngunit kung gaano nila ako mabilis na kinaladkad ay ganoon din nila akong mabilis na naisakay sa kanilang dalang sasakyan. Pabalang nila akong inihagis sa likurang upuan ng sasakyan kung saan may isang lalaking napakalaki ng ngisi sa kaniyang mukha. Tanging ngisi lamang ang maaaninag sa mukha nito. Bago ko pa mawari kung ano ang hitsura niya ay natakpan na nito ng panyong may kemikal ang aking ilong.
"Sleep tight, Fiammetta Vittoria Salvatrix de Sauveterre because we have a long night ahead."
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Dangerous Love
General Fiction"Huwag kang magmarunong sa'kin Fia! Naanakan lang kita!" A woman is forced into something. Something that she does not want to be involved in. Neither she planned being affiliated with the type of people like him. Will she have the guts and dare t...