Part 7

1 0 0
                                    

Ang sabi nila, kapag daw nakaharap mo na ang taong dati mong mahal na wala ka nang nararamdamang kahit anumang kirot sa dibdib, nakapag-move on ka na daw.

Ang sabi nila, kapag masaya ka para sa kanya dahil may nakita na siyang taong nagpapangiti sa kanya, nakapag-move on ka na daw.

Pero paano kapag hindi na kumikirot at puso mo dahil naturuan mo na lang ito na ikubli ang totoo mong nararamdaman? Paano kapag masaya ka para sa kanya pero nasasaktan ka para sa sarili mo?

Matagal-tagal na rin akong naglalakad-lakad, nag-iisip ng mga bagay na maaaring makapagpa-intindi sa akin ng mga nararamdaman ko. Mula ng may nangyari sa amin ni Billy ay tila nanumbalik sa akin ang mga nararamdaman ko para sa kanya. Pero nang makita ko ulit si Francis, naalala ko rin ang mga masasayang pangyayari sa amin kahit na mahirap ang naging pagsasama namin.

Kung sana mas naging simple lang ang buhay ko. Sana nakilala ko na agad ang taong para sa akin. Pagkatapos ng dalawang taon ng relasyon ay aayain nya akong bumukod. Nakatira kami sa isang maliit na apartment na may maliit na sala, isang kwarto, isang banyo at maliit na kusina sa likod. May anak rin kami, si Sammy, isang Siberian husky. Yun ang binigay niya sa akin nung 2nd anniversary namin dahil alam nyo kung gaano ko kagusto nun. Araw-araw, papasok kami sa mga opisina namin. At dahil mas maaga akong nakakauwi ay ako ang naghahanda ng dinner. Sabay kaming kakain, tapos ay manonood ng paborito naming teleserye habang si Sammy ay nangungulit sa amin. Kapag weekend naman ay lalabas kamiat magfufood trip.

Kung sana ganun lang ka-simple ang buhay ko.

Nagmumuni-muni pa rin ako habang naglalakad na makareceive ako ng text mula kay Billy. Pabalik na raw siya ng condo at tinatanong rin niya kung nasaan ako.

"Bakit andito ka pa? Asan si Francis?" ang mga tanong sa akin ni Billy nang makarating siya sa kung nasaan ako. Nang sinabi ko kasing hindi pa ako nakakauwi ay sinabi niyang pupuntahan na lang niya ako.

"Wala lang. Gusto ko lang mag-isip-isip. Medyo nakakabaliw yung mga nangyayari lately," matamlay kong tugon sa kanya.

"Huwag mo na muna isipin 'yan," nakangiti niyang sabi sa akin. "Halika mag-grocery na lang tayo para may laman naman yung kitchen natin. Hindi ko alam kung paano ka nabubuhay dun. Walang kalaman-laman yung kitchen mo."

Natuwa ako na kahit papaano ay sinusubukan ni Billy na aliwin ako at ibaling ang isip ko sa ibang bagay.

"Huwag kang mag-alala. Dahil doon na ako nakatira, bubusugin kita araw-araw," ang pagpapatuloy niya. Sige lang Billy, tuloy mo lang 'yan. Nakakatulong ka sa pagpapalinaw ng isip ko e.

Nagpunta kami sa malapit na mall para magrocery.

Aaminin ko na kahit papaano ay may kilig akong naramdaman sa ginagawa namin. Para lang kaming mag-asawa sa ginagawa namin. Pero siyempre, lahat ng 'to ay ilusyon ko lang dahil una, hindi pa siya nakakamove on sa relasyon nila ni Patrick at pangalawa, marami pa akong kailangan ayusin sa buhay ko.

"Paano gagawin natin? Per aisle?" ang maikli niyang tanong.

Sobrang saya lang ng ginawa naming pamimili ni Billy. Inisa-isa namin ang bawat aisle at tiningnan kung ano ang maaari naming bilhin. Dahil biglaan iton, hindi kami nakapaghanda ng listahan ng mga kailangan namin.

Isang cart lang ang meron kami. Madalas ay ako ang nagtutulak nito dahil masyadong abala si Billy sa pagkuha ng kung anu-anong pagkain sa mga shelves.

"Huy tigilan mo nga pagkuha ng mga kung anu-ano. Baka mamulubi tayo," sita ko sa kanya.

Natawa ako sa naging reaksyon ni Billy. Animo'y isa itong batang inagawan ng lollipop sa sinabi ko sa kanya. Sumabay na lang ito ng paglalakad sa akin at tinulungan akong itulak ang cart.

Kung minsan ay lumalayo ito para kumuha ng gustong pagkain. Pagkahawak muli nito sa handle ng cart ay hindi sinasadyang naipatong niya ang kamay niya sa kamay ko.

Namula ako sa nangyari.

"O, bakit pulang-pula yang mukha mo?" tanong nito.

"Wala, halika na magbayad na tayo," nahihiya ko pa ring tugon.

"Ay nahiya?" pang-aasar nito. Nabigla ako sunod niyang ginawa. Lumapit ito sa akin at bumulong, "tandaan mo Mike, hindi lang kamay mo ang nahawakan ko sa katawan mo."

Mas lalo akong namula sa kanyang sinabi na siya namang naging dahilan kung bakit ngingisi ngisi ang loko.

"Tigilan mo nga ako, Billy. Halika na, magbayad na tayo," ang naiinis kong sabi.

Dahil halata niyang hindi ako natuwa sa joke niya ay nilambing ako nito, "Sorry, bad joke."

Dahil inis pa rin ako sa kanya at dahil halos lahat ng nasa cart ay siya ang pumili, nagdecide si Billy na siya na lang ang magbabayad ng pinamili namin. Inis na inis pa rin ako sa kanya dahil sa sinabi niya.

Nasa taxi na kami nang kausapin niya ako. "Akala ko okay nang pag-usapan natin yun. Sorry. Sore topic pala yun sayo."

"Alam mo naman kasing ang dami nang gumugulo sa isip ko tapos hihiritan mo pa ako ng ganun," tugon ko sa kanya. Halata sa boses ko na medyo may inis pa rin ako.

Pagdating namin sa condo ay dumiretso kami ng kitchen upang ayusin ang pinamili namin. Hindi ko pa rin siya kinakausap at minabuti na lang ni Billy na huwag magsalita para hindi na kami mag-away pa.

Matapos maayos lahat ng pinamili ay dumiretso ako ng kwarto upang magpahinga. Patuloy pa rin akong binabagabag ng mga nangyari. Habang nag-iisip, at marahil ay dahil na rin sa pagod, ay nakatulog ako.

Nagising na lang ako ng marinig kong kumakatok si Billy sa pintuan ng kwarto ko.

"Mike, okay ka lang ba? Kain na tayo," wika nito.

Hindi ko dapat siya sasagutin dahil medyo naiinis pa rin ako sa kanya.

"Nagluto ako ng dinner natin. Peace offering ko," patuloy nito.

Dahil ayoko rin namang lumabas na masamang kaibigan ay lumabas ako ng kwarto at sinundan siya sa sala kung saan nakahanda ang mga niluto niya.

Nagulat ako sa itsura ng sala namin. Nakasarado ang bintana pati na ang mga ilaw. May nakasindi lamang na kandila sa may gitna ng lamesa. May naririnig rin akong mahinang kanta na tumutugtog. Napaka-romantic ng itsura.

"Alam kong pangarap mo magkaroon ng romantic dinner at alam kong never nyo nagawa yun ni Christian. Well, dahil naubos ang pera ko sa grocery, hindi muna kita mailalabas kaya nagluto na lang ako," nakangiti nitong sabi habang iginiya niya ang upuan ko. Naks, ang gentleman ng loko.
Nawala ang inis ko sa ginawa niya. Ang sweet ni Billy. Pero bakit?

"I know you're wondering why I'm doing this. I just want to say that I'm very sorry for being a jerk earlier. And do not think too much into this. Wala itong ibang meaning," aniya na tila nababasa ang iniisip ko.

Umupo na rin siya kaharap ko at nagsimulang kaming kumain. Medyo tahimik pa rin kami dahil hindi ko pa rin siya kinakausap. Hindi na ako naiinis sa kanya. Hinihintay ko na lang na magsalita siya.

"So, what do you think of the food?" sa wakas ay pagbasag nito ng katahimikan.

"Okay lang," maikli kong tugon. Patuloy ako sa pagkain at hindi ko siya tinitingnan habang nagsasalita.

"Okay lang?" tanong nito. "Yun lang talaga ang masasabi mo? Hindi ka nasarapan 'no?"

"Okay naman siya. Pero parang may galit ka sa asin," pagsagot ko na may halong ngisi. Nakita ko naman na parang nagtampo siya sa sinabi ko kaya bumawi ako, "But I really appreciate the effort. So everyday nang ganito? Ikaw na palagi magluluto?"

Baka sa mukha niya ang pagkatuwa sa narinig. "Asa ka. Ngayon lang 'to dahil may atraso ako sa 'yo."

Napangiti ako sa sinabi niya. Alam niya talaga kung paano ako aamuhin. Tahimik na naming inubos ang inihanda niyang pagkain.

"Alam mo," pagsasalita niya, "Gusto ko yung taong mamahalin ko ay masasakyan yung mga kalokohan ko. Yung maiintindihan yung bawat kilos ko. Yung mamahalin ako sa kung sino ako."

Tumingin ako sa kanya ng may pagtataka.

"Gusto ko yung mamamahalin ko," pagpapatuloy niya, "ay yung katulad mo."


Not Over YouWhere stories live. Discover now