Galit na galit si Imok ng makita ang nangyari sa itinanim niyang mga kamoteng kahoy. Pinagbubunot ito sa lupa at animo basurang basta na lang itinapon. Hinayang na hinayang siya lalo pa ng makita niyang nag-uumpisa ng magkaroon ng laman ang mga ito.
" Demonyo talaga ang gumawa nito," sambit ni Imok sa sarili. " Pagkatapos kong paghirapang sunugin ang gilid ng bundok na ito, tapos nilinis ko pa para mapakinabangan, ganito pa ang gagawin nila."
Isa-isa niyang dinampot ang mga kamoteng-kahoy . Halos hindi pa nalalanta ang mga dahon ng mga ito kaya sigurado siyang kagabi lang binunot ang mga ito.
" Imposible namang baboy-ramo ang may kagagawan nito," sabi ni Imok sa sarili habang pinagmamasdang mabuti ang mga tanim. " Hindi kinain ang mga laman ng kamoteng-kahoy. Binungkal lang ang lupa na parang may hinahanap."
Sa kanyang pag-iikot sa kanyang mga nasirang pananim ay may napansin siyang kakaiba sa isang bahagi kung saan malambot ang lupa.
May mga bakas ng paa ng isang hayop malapit sa mga sinirang pananim.
Umupo si Imok at tiningnan ng mabuti ang mga bakas. Kilala niya ang mga bakas na ito. Maaaring bakas ito ng paa ng isang baka, kalabaw o hindi kaya ay isang kabayo.
Napaisip si Imok sa natuklasan.
Hindi ito maaaring gawa ng isang kalabaw. Tiyak na kakainin nito ang mga dahon ng kanyang pananim at hindi lang basta bubunutin. Ganun din naman ang baka o kabayo.
Ang isa pa, hindi nagagawi dito sa bahagi ng bundok ang kalabaw o baka. Medyo matarik na ang gilid ng bundok na ito at dahil madalas ito kinakaingin, walang damo na humahawak sa lupa kaya dumadausdos ito kapag inapakan. Hindi makakaakyat ang isang kalabaw o baka dito.
Imposible din naman na isang kabayo ang gumawa nito. Kilala niya ang mga kababaryo niyang may kabayo at sigurado siyang hindi pupunta ang mga iyon dito para lang sirain ang kanyang mga pananim. Kilala siya sa kanilang baryo bilang si " Imok da Amok" at alam ng kanyang mga kababaryo ang kaya niyang gawin sa kanila sa oras na tinalo siya ng mga ito.
" Kung sino man ang gumawa nito sa mga pananim ko, patay siya sa akin kapag nahuli ko siya." galit na sambit ni Imok.
Isang balak ang nabuo sa kanyang sarili. Huhulihin niya kung sino man ang gumawa nito.
At alam na niya kung ano ang gagawin.
Mabilis na umuwi si Imok upang kumuha ng mga gagamitin.
Kinabahan si Mang Berting ng marinig ang ikinuwento ni Imok tungkol sa pagkasira ng kanyang mga pananim.
" Sinabi ko naman sa 'yo, huwag mong sunugin ang bahaging iyon ng bundok," galit na sabi nito sa anak. " Ang daming parte diyan na puwedeng pagtaniman, doon mo pa gusto sa ipinagbabawal."
" Ayan na naman kayo 'Tay eh. " paangil na sagot ni Imok, " Ano ba pinagkaiba ng parteng iyon sa ibang parte ng bundok at ipinagbawal doon? "
" Sa parte lang na yun tumutubo ang damong laua-laua. " sagot ni Mang Berting. " Ang laua-laua ang ...."
" pagkain ng Tayhu." sabat ni Imok na natatawa. " Ayan na naman kayo sa mga pamahiin ninyo. Hindi totoo yun!"
" Totoo yun at isang Tayhu ang sumira sa pananim mo. Hinahanap nila ang mga damo na sinunog mo." sagot ni Mang Berting. " Huwag ka ng bumalik doon. Magkaingin ka na lang sa ibang parte ng bundok. "
"Mataba ang lupa sa parteng iyon ng bundok kaya doon ko napiling magtanim. Pagkatapos kong paghirapan, iiwanan ko na lang? Mag-aagawan ang mga kababaryo natin kapag iniwan ko yun." sagot ni Imok. " Ang isa pa, hindi ako natatakot sa mga Tayhu. Sila ang dapat matakot sa akin."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang mga Ugrit ng Igbanglo (BOOK IV)
AdventureAno ang gagawin mo kung ang taong palaging nagliligtas sa iyo ay siya namang nasa panganib at kailangan mong iligtas? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Angelo at Joshua sa lugar na kung saan ang tanging pagpipilian ay kung mamatay na w...