Chapter 21. Ang Kuwento ni Baskug

7.5K 349 38
                                    

                                Papalapit pa lang sina Queenie sa kakahuyan ay agad naramdaman nito ang mga matang nakatingin sa kanila.

" May mga nagmamasid sa atin," mahinang sabi nito kay Diana.

" Ang tinutukoy mo ba ay ang mga unggoy sa itaas ng mga punongkahoy? " 

" Sa tingin ko ay hindi sila mga unggoy," sagot ni Queenie.

Lumapit si Diana sa isa sa mga puno at ipinatong ang kamay niya sa katawan nito. Kung pagmamasdan ay tila nagpapahinga lang ito ngunit sa katunayan ay nakikipagtalastasan ito sa puno upang malaman kung ano ang mga nilalang na nasa sanga nito.

" Tama ka Pitta," sabi ni Diana makaraan ang ilang saglit. " hindi nga sila mga unggoy. Hindi nila pinipitas ang mga bunga ng punong ito kahit na ang bunga ng punong ito ang isa sa mga paboritong kainin ng mga unggoy  sa gubat."

" Sa tingin ko ay mga bantay na Ugrit sila at nag-anyong unggoy lamang," sagot ni Queenie. " Binabantayan nila tayo. Anumang oras na mapalapit tayo sa kanilang  kuta ay susugurin tayo ng mga 'yan."

" Ano ang balak mong gawin?" tanong ni Diana.

" Pumasok pa tayo sa gubat. Kung tama ang hinala ko ay susundan nila tayo kahit saan tayo magpunta. " sagot ni Queenie.

Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa. Gaya nga ng sinabi ni Queenie, sumunod ang mga unggoy sa kanila. 

Nang nasa kalagitnaan na sila ay napansin ng dalawa na hindi lamang ang mga unggoy ang unti-unting dumaraming hayop sa kanilang likuran.

May mga kambing, baboy-ramo at usa na kunwaring nanginginain sa damuhan ngunit nakikita naman nilang sumusunod sa kanila kahit saan sila magpunta. May mga naglitawan ding iba pa mula sa iba't ibang direksiyon .

" Dumadami na sila Pitta," puna ni Diana habang naglalakad sila papasok sa gubat. " At tila unti-unting pinapaikutan na tayo."

" Ang ibig sabihin ay malapit na tayo sa kanilang pinagkukutaan," sagot ni Queenie. " Anumang oras ay susugurin na nila tayo kapag natunton natin ang tamang lagusan patungo sa kanilang pinagkukutaan."

" Lubhang napakarami nila," sagot ni Diana. " Mahihirapan tayo kapag sabay-sabay sumugod ang mga iyan kahit sabihin pang mas makapangyarihan tayo sa kanila."

Biglang lumitaw sa magkabilang kamay nito ang kanyang mga palakol.

" Kung gusto mo ay bawasan ko na sila ngayon."

" Huwag!" pigil ni Queenie sa kaibigan. " hintayin nating sugurin tayo bago tayo gumawa ng hakbang. Lalo nating hindi makikita ang kanilang kuta kapag nakipaglaban na tayo ngayon pa lang."

Muling naglaho ang mga palakol sa kamay ni Diana.

Itinuloy ng dalawa ang paglalakad hanggang sa mapansin nilang palabas na sila ng kakahuyan.

" Mukhang wala sila dito," sabi ni Diana habang tinitingnan ang paligid. " Hindi sila maaaring magkuta sa isang lugar kung saan kaunti na lang ang mga puno."

" Napansin ko nga, " sagot ni Queenie, " mukhang patungo na tayo sa lugar kung saan maaaring may mga nakatira ng mga tao. "

" Tumingin ka sa paligid," sabi ni Diana," halos wala na rin ang mga sumusunod sa atin."

Nang tingnan nga ni Queenie ang paligid ay napansin niyang ang mga malalaking unggoy na nakita nila sa bungad kanina ang mga patuloy na sumusunod sa kanila. Wala na ang ibang mga hayop.

" tingin ko ay lumagpas na tayo," sabi ni Queenie. " Mukhang hinayaan na nila tayo ng makitang lumagpas na tayo sa kanilang kuta."

" Babalik ba tayo?" tanong ni Diana.

Si Joshua Lagalag at ang mga Ugrit ng Igbanglo   (BOOK IV)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon