Chapter 23. Ang Bitag

7.1K 343 29
                                    

                                       Hindi sumang-ayon si Ilak sa mungkahi ni Namaki na patayin na si Joshua.

" Si Pogi ay alaga ni Isung," sagot nito kay Namaki," at ngayon lang nakatagpo si Isung ng isang alaga na magaling makipaglaban. Kapag pinatay natin si Pogi ng walang sapat na dahilan o katibayan, maaaring ikagalit ito sa atin ni Isung."

" Tauhan mo lamang si Isung," sagot ni Namaki. " Wala siyang magagawa kapag ginusto mo."

" Hindi pangkaraniwang tauhan si Isung," sagot ni Ilak," siya ang aking punong mandirigma, at hindi mo nanaisin na magalit ang isang kagaya ni Isung."

" Ano ang gusto mong gawin natin?"

" Matyagan natin si Pogi. Suriin nating mabuti ang bawat kilos niya. Marami na rin tayong naging alagang  mga mababang-uri dito at agad nating malalaman kung naiiba siya sa kanila."

Hindi kumibo si Namaki. May iba siyang paraan para malaman kung engkantado nga si Pogi.


                                                Pakiramdam ni Angelo ay sasabog ang dibdib niya dahil sa matinding kaba na nararamdaman  habang papalapit si Isung.

Napansin niyang lumuhod ang dalawang matanda kaya mabilis din siyang sumunod at iniyuko ang ulo sa lupa.

" Ano ang kanilang nais?" narinig niyang tanong nito sa mga Ugrit na naroon.

" Nais daw nila na sa Istaran na tumira. Tinutugis daw sila ng mga mababang-uri." sagot ng isang Ugrit.

" Kunin natin yung bata na lang," sabi ni Tagung," Nais ko siyang maging alaga. Ang dalawa naman ay pawang matatanda na at wala ng pakinabang kaya huwag na natin silang kuhanin."

" Si Pinunong Ilak  ang mas higit na nakakaalam kung ano ang marapat na gawin sa kanila," sagot ni Isung. 

Lumapit ito sa kinaroroonan nina Angelo at ng dalawang matanda.

" Iangat ninyo ang inyong mga ulo. Nais kong makita ang inyong mga mukha." utos nito.

Lalong kinabahan si Angelo sa narinig.

" Putek, yari yata ako ngayon," sabi niya sa sarili.

Isa-isa silang tiningnan ni Isung. Huminto ito sa tapat ni Angelo at tinitigan ito ng mabuti.

Halos hindi humihinga si Angelo sa sobrang kaba. 

Biglang umangat ang kamay ni Isung patungo sa leeg ni Angelo!

Nagulat man, nagawang pigilan ni Angelo ang sarili na sanggahin ang kamay ng Ugrit.

Inabot  nito ang tirador na nakasabit sa leeg ni Angelo.

" Ano ang ginagawa ng isang aswang sa isang bagay na laruan ng mga paslit na mababang-uri?" tanong nito. "Itapon mo yan. Ayokong pumasok ka ng Istaran na may dalang gamit ng mga mababang-uri."

Mabilis na nag-isip si Angelo. Kailangang makumbinsi niya si Isung na hindi niya iiwanan ang kanyang tirador. Dito nakasalalay ang kaniyang kaligtasan.

" Paumanhin po ngunit ito ay isang alaala mula sa  isang kaibigan," sagot ni Angelo. " Hindi ko po maaaring iwanan ito."

" Nakikipagkaibigan ka sa isang mababang-uri? " tanong ni Isung. " Ang isang kagaya mo ay hindi dapat nakikipagkaibigan sa kanila. "

" Iniligtas niya po ang aking buhay," sagot ni Angelo.

" Inilgtas ng isang mababang-uri ang isang aswang?" natatawang tanong ni Isung. " Tila baliktad ang mundong iyong pinanggalingan. Paano nangyari ang sinasabi mo?"

Si Joshua Lagalag at ang mga Ugrit ng Igbanglo   (BOOK IV)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon