Habang hinihintay ang pagkain na dadalhin ng matandang babae sa kanya ay hindi mapakali si Angelo. Panay ang lakad niya at mayamaya ay tinatanaw ang bahay ng matatanda.
" Ang tagal naman ni Lola dalhin yung pagkain ko," sambit nito sa sarili habang pabalik-balik na nanglalakad sa kanyang kinalalagyan.
Mayamaya pa ay nakita na niya na bumaba na ang matanda sa bahay.
" Ayun, sa wakas bumaba na din."
Mayamaya pa ay dumating na ang matanda dala ang pagkain niya.
" Ano ba ang nanyayari sa 'yo bata ka at para kang pusang hindi maihi," sabi ng matanda. " kanina pa kitang nakikitang pabalik-balik."
" May iniisip lang po ako Lola," sagot ni Angelo. " hanggang kailan po ako ganito?"
" Hanggang sa pagpunta mo sa Igbanglo, sa teritoryo ng mga Ugrit," sagot ng matanda.
" Matagal pa ho ba yun?" tanong ni Angelo," baka kasi kung ano na nangyari sa kaibigan ko."
" May mga inihahanda pa ang Lolo Miguel mo," sagot ng matandang babae. " Kapag kumpleto na ang kailangan niya ay pupunta na rin kayo doon. Habang hindi pa ay ituloy mo muna ang pinapagawa sa 'yo para lalong kapani-paniwala na isa kang aswang."
" Sige po," sagot ni Angelo. " Maiba ho pala ako . Karne ho ba itong kinakain ko? Nagkatay kayo ng hayop?"
" Tapang usa yan," sagot ng matandang babae. " Hindi ako nagkatay. May mga nasalubong ako kanina dun sa kabilang ibayo na luluwas para magtinda. Pinagpalit ko ng bagong saing na kanin yan."
" Kanin ho kapalit ng usa?"
" Malalayo kasi ang mga pinanggalingan ng mga yun at wala naman silang dalang lutuan. Naawa ako at ang baon lang ay nilagang kamote. Binigyan ko ng kanin. Hayun at inabutan ako ng ilang pirasong tapa."
" Ang akala ko ay isang araw lang sa isang linggo ang palengke sa San Jose? Hindi ba katatapos lang ho ng araw ng palengke?"
" Hindi naman sila sa San Jose pupunta. Araw din ng palengke ngayon sa San Isidro. Medyo malayo pa pero doon lang naman ang pagkakataon para makapagtinda kaya pumupunta sila kahit malayo."
" Ahh okey po," sagot ni Angelo. Biglang may pumasok sa isip niya ng marinig niya ang araw ng palengke.
Gusto niya sana sabihin ito sa matanda ngunit alam niyang hindi papayag ito kaya minabuti na lang niya na hindi na magsalita.
" Mukhang nandoon na sa bahay si Miguel," sabi ng matanda ng maaninag nito na dumating na ang matandang lalaki. " Pa'no, mauuna na ko. Sumunod ka na lang kapag patay na ang ilaw."
" Sige po," sagot ni Angelo.
Hindi maalis sa isip niya ang aswang sa silong. Alam niyang hindi ito titigil hanggat hindi nakukuha ang sanggol.
Ang aswang na mismo ang nagsabi na bihira lang ang makatagpo ng ganun klaseng sanggol.
Ngayong narinig niya ang araw ng palengke, naisip ni Angelo na maaaring nagtinda na naman ang mga kasamahan ng mag-asawa at sila na naman ang maiiwan sa bahay.
Maaaring bumalik ang aswang ngayon upang kunin ang bata.
Isang plano ang nabuo sa isipan niya.
Pupuntahan niya ang bahay ng mag-asawa.
Hinintay ni Angelo na makapasok sa bahay ang matandang babae bago tumayo at dahan-dahang umalis. Alam niyang kahit madilim ang gabi, nakikita siya ng mag-asawa at ayaw niyang malaman ng mga ito ang kaniyang gagawin.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang mga Ugrit ng Igbanglo (BOOK IV)
AventuraAno ang gagawin mo kung ang taong palaging nagliligtas sa iyo ay siya namang nasa panganib at kailangan mong iligtas? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Angelo at Joshua sa lugar na kung saan ang tanging pagpipilian ay kung mamatay na w...