Pumagitna ang tagatawag upang tawagin na ang susunod na lalaban.
" Ang susunod na maglalaban ay ang alaga ni Butung na si Pola at ang alaga ni Tagung na si Kanit!"
Muling naghiyawan ang mga manonood.
" KANIT! KANIT! KANIT!"
Umugong ang bulungan ng nakita ng mga dinala ni Butung sa gitna si Paula.
" Isang babaeng mababang-uri pala yung Pola? Talo na yan!"
" Oo nga. Ano kaya ang naisip ni Butung bakit yan ang kinuha niya?"
" Kalalabasan niyan, kung hindi mapapatay yan, baliw din yan gaya ng iba."
" Mukhang matapang naman. Yung ibang babae na dinala dito, walang ginawa kundi ang umiyak."
" May pakinabang din yan. Puwede yan gawing Baylo kapag nabaliw gaya ng iba."
Naputol ang usapan ng dinala ni Tagung ang kanyang alaga sa gitna. Muling naghiyawan ang mga nanonood.
" KANIT! KANIT! KANIT!"
Noon nasilayan nina Joshua at Paula kung anong klase ng nilalang si Kanit.
Isa itong Dasipus, isang uri ng laman-lupa. Mahiyain ang mga ito kaya sa gabi lamang lumalabas. Likas sa mga ito ang mabagal kumilos. Payat at malambot ang katawan nito ngunit nababalot ito ng baluti na animo bahay ng pagong at hindi tinatablan ng kahit anumang sandata. Ang tanging kahinaan nito ay ang mga parte ng katawan na nakalabas sa baluti gaya ng ulo, mga braso hanggang sa kamay , at ang mga hita nito pababa hanggang sa paa.
Alam ni Tagung ang kahinaan ng kanyang alaga kaya gumawa siya ng mga bagay para mawala ang kahinaan na ito.
Nilagyan niya ng baluti na tila helmet na gawa sa bakal ang ulo ni Kanit. Nakasuklob ito sa ulo at umaabot hanggang sa batok at leeg. May pahalang na butas sa harapan upang makakita ito at makahinga.
Ang mga balikat nito ay balot din sa bakal hanggang sa siko. Panibagong bakal uli pagdating sa ilalim ng siko hanggang sa braso. Ginawa ito upang maigalaw ni Kanit ang kanyang mga braso
Ganun din ang ginawa sa ibabang parte ng katawan nito. Bakal mula sa hita pababa hanggang sa tuhod, pagkatapos ay panibagong bakal mula sa ibaba ng tuhod hanggang sa paa. Gaya ng nakakabit sa kanyang mga braso, ang mga bakal ay nakadisenyo upang makalakad o makatakbo siya ng maayos.
Ang kanang kamay ni Kanit ay nakapaloob sa isang bakal na hugis maso at ang kaliwang kamay naman, ay nakapaloob sa isang pabilog na bakal na may nakakabit na isang matalas na karit sa dulo.
Kung titingnang mabuti, maliban sa mga pagitan ng siko at tuhod, si Kanit ay literal na balot sa bakal.
Sa bigat ng mga bakal na nakabalot sa payat nitong katawan, halos hindi na makahakbang si Kanit.
May isang katangian ang mga Dasipus na gaya ni Kanit na alam ni Tagung gamitin. Bagamat likas na mahihina at mahiyain ang mga Dasipus, nagiging bayolente at malalakas ang mga ito kapag nagagalit.
Lumapit ang tagatawag kay Butung bago pa simulan ang laban.
" Napakarami ng pumusta sa alaga ni Tagung at walang pumusta sa alaga mo. Nais mo bang labanan ang lahat ng iyon?"
" Kung ganon, nais kong humingi ng isang kondisyon," sagot ni Butung. " gusto kong doble ang mapapanalunan ko kapag nanalo ang alaga ko."
Bumalik ang tagatawag at kinausap si Tagung. Kinausap din ang iba pang mga pumusta . Mayamaya ay bumalik na ang tagatawag.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang mga Ugrit ng Igbanglo (BOOK IV)
AdventureAno ang gagawin mo kung ang taong palaging nagliligtas sa iyo ay siya namang nasa panganib at kailangan mong iligtas? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Angelo at Joshua sa lugar na kung saan ang tanging pagpipilian ay kung mamatay na w...