Malayo pa lang ay nakikita na ni Joshua ang paparating na si Namaki. Sa kasuotan at itsura pa lang nito ay alam niyang isa itong Aves.
Ang dinadasal niya ay sana hindi siya kilala nito. Bagaman alam sa buong kaharian ng mga Aves ang kanyang ginawa at naging bukambibig ang kanyang pangalang Lagalag, hindi lahat ay kilala siya sa mukha.
" Saan ang sinasabi ninyong isang engkantado?" tanong nito ng makarating sa kinaroroonan ni Joshhua.
" Siya ang sinasabing engkantado ni Dakung," sagot ni Ilak sabay turo kay Joshua. " Isa daw siyang Aves na kagaya mo."
Tinitigang mabuti ni Namaki si Joshua at pagkatapos ay inikut-ikutan ito na tila sinusuri ng mabuti.
Huminto ito sa harap ni Joshua at tinitigan itong mabuti. Hinawakan nito sa ulo si Joshua at pumikit.
Nagulat man sa ginawa ni Namaki, mabilis na nag-isip si Joshua. Maaaring may kakayahang magbasa ng iniisip si Namaki at inaalam nito ang pinagmulan niya.
Kailangang hindi nito malaman na siya si Lagalag, ang minsang naging bayani ng mga Aves. Bago pa man nagsimulang pumikit si Namaki ay inisip agad ni Joshua ang bakasyon kina Luigi, ang bus ng kapahamakan at ang pagkakahuli sa kanila ng mga Ugrit.
" Ano ang iyong pangalan?" tanong ni Namaki sa binata.
" Joshua po panginoon," sagot niya.
Minabuti ni Joshua na huwag ng sabihin ang pangalang Lagalag. Maaaring alam ni Namaki ang tungkol sa kanyang ginawa sa Bundok Mari-it.
Nakahinga siya ng maluwag ngayong alam na niya na hindi siya kilala ng engkantadong kaharap niya.
" Nasaan ang nagsabing isa siyang engkantado?" baling ni Namaki kay Ilak.
" Ako ang nagsabi na engkantado siya," sagot ni Tandang Dakung.
" Dapat kang bigyan ng pabuya na nararapat para sa iyong ginawa." sabi ni Namaki sa matanda,
Napangiti si Tandang Dakung. Hindi nga siya nagkamali sa kanyang hinala.
Ngayon ay may pabuya pa siyang matatanggap.
" Ibigay mo sa kanya ang nararapat," utos ni Namaki kay Ilak. " Parusahan mo siya!"
Hindi makapaniwala si Tandang Dakung sa narinig.
" B-b-bakit po?" Mali ba ang aking hinala?"
" Isang kalapastanganan at malaking insulto sa aming lahi ang sabihing isang Aves ang nilalang na ito." galit na wika ni Namaki. " Ang aming lahi ang may pinakamataas na antas ng kapangyarihan sa lahat ng mga engkantado at ang aming pinuno ang siyang pinakamataas sa buong pamunuan ng lahat mga engkantado. Pagkatapos ay sasabihin mong kalahi namin ang isang mababang-uri na kagaya niya? Parang hinahamak mo ang aming lahi, tanda!"
" Ngunit kakaiba po ang aking nararamdaman sa kanya?" kinakabahang sagot ni Dakung.
" Tama siya. Ako man ay may nararamdamang kakaiba sa nilalang na yan kumpara sa mga kasamahan niya na wala akong maramdaman." sabat ni Ilak.
" Ikinumpara ba ninyo siya sa akin?" tanong ni Namaki," magkapareho ba kami ng kapangyarihan?"
" Mas mataas ng di hamak ang kapangyarihan mo sa kanya," pagsang-ayon ni Ilak.
" Paano ninyo nasasabi na isa siyang Aves kung ganon? Ni sa kalingkingan ng aking kakayahan ay hindi aabot ang kakayahan ng nilalang na ito."pagalit na sabi ni Namaki.
" Patawad po ngunit..." sasabat sana si Tandang Dakung ng pinutol ni Namaki ang kanyang sasabihin.
" Tama na! Sapat na ang oras na inabala ninyo ako sa aking pamamahinga. Sa susunod na ihambing mo ako sa isang nilalang na walang kapangyarihan ay kamatayan ang ipapataw ko sa iyo."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang mga Ugrit ng Igbanglo (BOOK IV)
AdventureAno ang gagawin mo kung ang taong palaging nagliligtas sa iyo ay siya namang nasa panganib at kailangan mong iligtas? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran nina Angelo at Joshua sa lugar na kung saan ang tanging pagpipilian ay kung mamatay na w...