Kabanata 1

2.1K 35 1
                                    

Kung gusto ng mga magulang na maging masunurin ang mga anak nila, huwag lang nilang palabasin ang bata hanggang sa tumuntong ito sa tamang edad.

Sa loob ng labing-limang taon, nasa bahay lang nila si Everly. Wala naman siyang problema sa set up na iyon dahil hindi naman siya pinabayaan ng mga magulang. Itinuro ng mga magulang niya ang lahat ng dapat itinuro at ibinigay ang lahat sa kanya. Sinubukan na rin niyang magtanong kung bakit ngunit ang sagot lang ng mga ito, "Hindi ka pa handa."

Hindi pa siya handa. Hindi pa nga siya handang pumasok sa mundo ng mga tao. Hindi pa siya handang makipaghalubilo sa mga ito kahit na ang ibang dugong nananalaytay sa dugo niya ay tao.

Sa kaibuturan ng kanyang puso, nandoon iyong takot. Takot na baka malaman ng mga ito na kakaiba siya. Na isa siyang Nicomedu, mga magagandang nilalang ng Hancia, at mangkukulam. Mula sila sa lahi ni Nicomedu, ang mandirigmang isinumpa ni Diyosa Anion Tabu, ang diyosa ng hangin at ulan. Kilala siya bilang diyosa na pabago-bago ng isip. Sana nga lang, magbago ang isip nito na tanggalin ang sumpang ibinigay nito sa kanilang angkan. Ang sumpa na bawal silang umibig dahil iyon ang katumbas ng kanilang kamatayan. At si Crispana, ang kanyang lola ang unang nagbuwis ng buhay dahil sa sumpang iyon.

Gumagawa ng mga spells at potions ang namayapa niyang lola. Sumunod sa yapak nito ang mama niya at ginawa iyong negosyo.

Gusto niyang sumunod sa yapak ng mga ito kaya patuloy ang pag-aaral niya subalit hindi iyon madali. Ilang ulit na siyang sumubok na gawin ang isang salamangka; hindi siya nagtatagumpay.

Ginagawa niya naman ang lahat. Ano kaya ang kulang?

Emosyon. Enerhiya. Intensyon. Iyon daw ang pinakamahalaga sa paggawa ng mga salamangka.

Kung siya ang tatanungin, angkin niya ang tatlong iyon. Ngunit ayaw pa rin.

"Anong ginagawa mo, Everly?" tanong ng papa niya.

Nililinis nito ang mga bote na paglalagyan ng mga gawang gayuma.

Linggo kaya nasa bahay nila ito. Nagtatrabaho ito bilang beterinaryo sa isang klinika sa probinsya ng Misamis Oriental.

"Nagbibilang ng mga taong pumapasok sa bahay natin. Kumusta ang trabaho mo, papa?" Mula sa bintana ng kwarto niya, nakikita niya ang pagpasok ng mga tao. Hanggang tingin lang siya sa mga ito dahil mahigpit siyang pinagbabawalan ng mga magulang na makisalamuha rito.

Hindi niya maintindihan ang takot ng mga ito.

Wala naman siyang gagawin.

Dinadayo ng mga taong nasa malayo pang lugar ang tindahan nila. Ang lahat ng mga ito ay mayayaman na handang gastusin ang pera para sa proteksyon sa sarili, pampaganda, at kung ano-ano pa. Pumunta rin sa kanila ang ibang nilalang sa Hancia upang bumili ng mga gayuma sa rekomendasyon na rin ng Tiya Dovee niya, ang panganay mga Nicomedu.

"Ayos lang. Malapit na pala ang kaarawan mo. Ano bang gusto mo?"

Sa susunod na buwan na ang kaarawan niya. Labing-anim na taong gulang na siya, kung ganoon.

"Pasyalan natin iyong Lasang Secret Adventure Park sa Initao." Parte pa rin ang lugar sa probinsya ng Misamis Oriental.

Iyon na palagi ang hinihingi niya sa mga ito sa tuwing tinatanong siya kung ano ang gusto niya. Subalit kapag napag-uusapan na ang labas, hindi iyon maibigay sa kanya.

"Hmm. Matutupad na namin iyan." Sinabi ng mga ito na makakalabas siya sa bahay pagtuntong niya ng labing-anim na taong gulang.

Na-e-excite na siya!

Something is Wrong with MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon