Tahimik na tinitingnan ni Everly ang presentation ng mga magulang katabi si Gwen. Bumalik na sa normal ang lahat. Nagkapalit na sila ng hitsura. Kung hindi lang siya pinilit ng babae na um-attend, hindi siya pupunta. Tapos na ang gawain niya sa mundo ng mga mortal.
Hindi na niya sinabi sa mga magulang ang lahat ng nangyari sa kanya. Ayaw na niyang pag-alalahanin pa ang mga ito. Wala pa ring gamot na nakita ang mga tiyahin niya subalit patuloy ang pagdarasal niya. Basta kahit na anumang mangyari, nandiyan lang siya sa tabi ng mga ito.
"Nakapagpasalamat na ba ako sa iyo?" tanong ni Gwen.
"Sampung beses na, Gwen. Ayos na iyon. Saan na pala kayo titira ngayon?" Ipinakulong nito si Mang Nicanor. Mabuti naman.
Nagsalubong ang kilay nito. "Kina Fiona muna kahit nakakahiya na. Pagkatapos ng off-campus namin, maghahanap na ako ng trabaho. Ayoko nang bumalik sa kalye. Hindi iyon ang buhay na gusto ko para sa kapatid ko. Ikaw? Anong plano mo?"
"Napag-usapan namin na pupunta muna sa Hancia, sa mansiyon ni Tiya Dovee. Doon, mas lalong mababantayan nila si mama. Kung may nahanap na silang gamot, madali lang nila iyong maipapaalam sa akin. Mag-aaral na rin ako ng mga spells. Kung paano iyon gamitin."
Mahina itong tumawa. "Dapat ka ngang mag-aral."
Pumalakpak sila nang matapos ang presentation ng mga parents.
"Maam Gwen!"
Hindi siya lumingon. Hindi na siya si Gwen ngayon. Siya na si Everly.
Kinurot siya sa tagiliran ni Gwen. Isang lihim na senyales na humarap sa bagong dating. Hindi pa rin nito kabisado ang mga estudyante ng Daisy.
Pinanatili niyang blangko ang mukha nang makita ang buong section ng Daisy palapit sa kanila. Pinangungunahan iyon ni Carla. Nasa likod naman sina Ray at Zach. Nagtama ang paningin nila ni Ray. Sumimangot siya. So far, wala pa naman itong ginagawa.
"Mamaya na sana namin ibibigay ang regalo namin pero itong si Alvin, hindi na makapaghintay. Baka raw hindi ka sumipot mamaya."
Nagkatinginan sila ni Gwen.
"N-nag-abala pa kayo," saad ni Gwen.
Humalukipkip siya.
Hindi siya nasasaktan. Wala siyang pagsisi na nararamdaman. Ayos lang sa kanyang iwan ang mga taong ito. Totoo.
Hindi.
Ma-mi-miss niya ang mga taong ito.
Sila ang nagbigay panlasa sa buhay niya nang makalabas siya. Sila ang nagturo sa kanya kung paano maging matapang sa bawat hamon ng buhay. Kung paano hindi sumuko. Kung paano tanggapin sa sariling may naitutulong din ang mga mortal.
"Tadaa!" Inilabas nina Carla ang isang laptop. "Kami na ang tutupad sa pangarap ng lola mo. Teka. Bakit wala siya?"
"A..." Siniko siya ni Gwen, nanghihingi ng tulong.
"Sumakit ang tuhod kaya hindi makakapunta rito," salo niya.
Pumunta sa harap si Alvin. "At ikaw ay si? Maari bang malaman ang pangalan ng isang magandang binibini? May nobyo ka na ba? Pwede bang ako na lang?" tanong ni Alvin na sinabayan ng kindat.
Nanlisik ang mga mata ni Gwen.
Napatawa siya.
Sayang at hindi nito makikita kung ganito ka-awesome ang Daisy. Hindi na magbabago ang lalaking ito. "Ako si Everly."
"Anong masasabi mo, Maam Gwen?"
Napakamot ng batok si Gwen. "Mahal iyan. Hindi na sana kayo nag-abala. Baka i-report ako ng mga magulang ninyo."
"Hindi. Hati-hati kaming lahat dito." Ibinigay nito ang laptop kay Gwen.
She was touched. Naaalala pa pala nila ang sinabi niya noon. That means they were listening.
Nag-aalala pa rin itong tinanggap ni Gwen.
"Salamat sa pagtuturo, Maam Gwen."
Parang hinaplos ang puso ni Everly. Para na ring sinabi ni Carla sa kanya ang mga salitang iyon. Ito ang pakiramdam na may nakaka-appreciate ng effort mo.
"Walang anuman," sagot ni Everly.
"Everly, may spell ako rito tungkol sa-" suhestiyon ni El.
"Huwag na..." Simula ngayon, hindi na siya aasa kay El. Magsisikap siyang matuto sa paggawa ng spells na walang anumang hinihinging tulong sa libro.
"Maam Gwen, since aalis na kayo, ibibigay namin iyong mga numbers namin. Paki-phonebook na lang sa cell phone mo. Huwag mo kaming kalimutang i-text ha kapag may load ka."
Alangang napangiti si Gwen. "Hindi ko nadala ang cell phone ko. Sa susunod na lang."
"Sa notebook po. Sinong may notebook na dala riyan?"
Napatingin ang lahat sa kanya. Siya lang ang may dalang bag. "Everly, may notebook ka ba riyan?"
Tiningnan niya ang bag. May ball pen siya pero walang notebook. Si El lang. Hindi rin naman niya magagamit ang bakanteng pahina nito dahil mabubura lang.
"Wa-"
"Anong wala? Ako? Anong tingin mo sa akin?" Wala siyang nagawa kundi sumunod kay El. "Carla, anong number mo?"
"Alam mong pangalan ko?"
"Ahm...narinig kong tinawag kang Carla ng isa sa mga kaklase mo."
Nagkibit-balikat ito. "09053265212. Ilagay mo Carla."
Tapos na. Hinintay niyang mabura ang mga sulat. Ilang minuto ang lumipas ngunit hindi iyon nangyari. "El..." hindi makapaniwala niyang sabi.
"Yup...nararapat ka nang tawaging isang Nicomedu. Napatunayan mong hindi ka mahina. Hindi mo pa nalalagpasan ang kakayahan ni Crispana at Nadia subalit unti-unti mo na iyong inaabot. Ipagpatuloy mo lang iyan, Everly."
Bumalik ang tingin niya sa Daisy. "Sinong susunod?"
WAKAS
BINABASA MO ANG
Something is Wrong with Me
AventuraMaituturing na isang perpektong anak si Everly. Walang problema sa kanya ang mga magulang niya ngunit nang mapadpad sa tindahan nila si Gwen, nagawa niyang suwayin ang utos ng mga magulang. Gumawa siya ng potion para sa babae sa kabila ng pagbabawal...