Author's Note:
Sorry, medyo natagalan ang update. Di bale, mahaba-haba itong Chapter 6.
Enjoy!++++++++++++++++++++++++++
Copyright © AMYUZMAN
(Amy de Guzman)
All rights reserved
2016KABANATA 6
Habang pinipilit kong imulat ang mga mata ko'y unti-unti ko nang nararamdaman ang sakit ng aking katawan at ulo. Oo nga pala, nandirito pa 'ko sa isinumpang bahay namin. Akalain mo 'yun, buhay pa pala 'ko.
Nang tuluyan ko nang naimulat ang mata ko'y hiniling ko na sana ay hindi na lang ito bumukas. Akala ko ay panaginip lang yon. Totoo pala. Nandito pala si George, walang malay at nakagapos. Lalapitan ko sana siya nang mapag-alaman kong nakagapos din pala ako. Lintik na buhay!
Nagpalinga-linga ako't hinanap si mama, ngunit wala akong makita ni anino niya maging ng hinayupak kong ama.
"Ugh..." Natigil ako sa paglilinga-linga at napatingin sa kasama ko. Unti-unti na itong nagigising. Nang naimulat na nito ang kanyang mga mata'y agad na tumingin sa'kin. "S-stacy, ayos ka na ba?" Sa lagay niyang yan, nagawa pa niya kong alalahanin.
Imbes na sagutin siya'y tumingin na lamang ako sa ibang direksyon. "George, ano bang naisipan mo at pumunta ka rito?"
"Naramdaman ko kasing may mangyayaring masama sa'yo?" Kung ordinaryong araw lang ito ay baka nangisay na 'ko sa kilig. Kaso, hindi, e.
"Alam mo bang sa ginawa mong ito ay maaari kang mapahamak?"
"Alam ko. At hindi ko pinagsisisihang ginawa ko ito." Tiningnan ko siya nang puno ng pag-aalala.
"Hindi mo alam ang ginagawa mo. Tingnan mo nga ang sarili mo." Tiningnan naman niya ang nakagapos niyang mga paa't kamay.
"Oo na. Tanga na kung tanga! Pero nagawa ko lang naman ito dahil nag-aalala ako sa'yo, Stacy. Nag-aalala ako sa'yo dahil..." Napahinto siya't tiningnan ako nang mata sa mata. "...mahal kita."
Bagama't medyo nagulat ay napabuntong-hininga na lang ako. Kung alam mo lang, George kung gaano kita kamahal. Pero hindi ko dapat sabihin ito sa iyo dahil alam kong mas lalo mo lang ipagpapatuloy ang kabaliwang ito. Kailangan kong makaisip ng paraan para hindi ka maramay sa kamalasan ko.
"Kung pagmamahal man 'yang nararamdaman mo, papatayin ka niyan, George," malamig kong sabi sa kanya. "Kaya't hanggang maaga pa'y..." Humugot muna ako ng hininga bago nagsalita. "...itigil mo na 'yan." Alam kong nasaktan siya sa sinabi ko at maging ako man ay nasaktan din. Ngunit ito ang mas makabubuti para sa kanya.
"Stacy," maluha-luha niyang pagkakasabi. Biglang kumurot ang puso ko sa pangitaing iyon. Pero kailangan kong lakasan ang loob ko kahit gaano man kasakit.
"Maghanap ka na lang ng iba, George. Puro kamalasan lang ang idudulot ko sa'yo."
"Kung pwede lang, Stacy." Ngayon ay tuluyan na siyang napaiyak. Ang sikip sa dibdib na makita ang minamahal mong nasasaktan. "Kung pwede lang... pero hindi, e. Lintik na puso to!"
"Mahal...laga ka na sa'kin, George. Kaya't hindi ko kakayanin kung mapahamak ka ng dahil sa'kin." Umiling-iling siya.
"Mas hindi ko kakayanin kung wala man lang akong nagawa para iligtas ka."
Nanahimik na lang ako dahil alam kong kahit na anong sabihin ko ay hindi ko siya mapipigilan.
Kapwa kami nasa gitna ng pag-iisip nang biglang bumukas ang pinto. Binalot na naman ng kilabot ang buo kong katawan sa kung sino man ang nasa kabila ng pintong iyon.
Ngunit mas lalong hindi ko inaasahan ang aking makikita.
"D-dad?" Nagtatakang tanong ni George.
Seryoso lang itong nakatingin sa amin. May babae namang sumulpot mula sa likod nito at umiiyak na pinuntahan at niyakap si George.
"Anak, ano bang nangyari sa'yo? Bakit ka nandito?" Hindi naman umimik si George. Ako nama'y napayuko na lang. Nagsilapitan na rin ang mga pulis at inalis ang mga gapos namin.
"Elena, iuwi mo na 'yan si George," utos ng papa niya sa kaniyang ina. Sa tono ng pananalita nito ay mahahalata mong istrikto ito.
Nang maitayo na si George ay huminto ito sa harap ng kaniyang daddy. "Teka, Dad. Paano siya." Bumaling ang tingin nito sa direksiyon ko. Tiningnan lamang ako nito.
"Mga pulis na ang bahala sa kaniya. Umuwi na kayo."
"Pero, Da--"
"Uuwi ka o kakaladkarin pa kita?"
"U-umuwi na tayo, anak," natatarantang wika ng kaniyang ina. Lumingon muli sa'kin si George at halatang tutol siya. Tinanguan ko na lang siya para sundin na ang daddy niya.
---
Hindi ko mapigilang hindi mag-isip habang nakahiga ako ngayon sa hospital bed. Gaano katagal na kaya ako rito?
Bigla na lang bumalik sa ala-ala ko ang kahindik-hindik na nangyari nang gabing iyon.
Nang maibaba nila ako no'n sa bahay ay nasaksihan ko ang kakila-kilabot na ginawa ni papa. Nagwawala siya nang huhulihin na siya ng mga pulis. Sa ayaw na pagbayaran ang mga kawalanghiyaan niya ay nakipag-agawan siya ng baril.
Ang buong akala namin ay babarilin niya kami. Ngunit, nagimbal kami nang itinutok niya ang dulo ng baril sa kaniyang sentido at walang anu-ano'y pinaputok iyon.
Sariwang-sariwa pa sa ala-ala ko ang katakot-takot na alingawngaw ng baril at pagtilamsik ng mga pira-pirasong utak sa sahig.
"AAAAAAAHH!!!" Umiling-iling ako at pumikit nang mariin. Lalo lang nasisira ang utak ko sa bagay na iyon.
Ang isa pang inaalala ko ay kung nasaan na si mama. Nakatakas ba siya? Sana'y maayos lang siya. Si George? Kumusta na kaya ang lalaking iyon? Siguradong napagalitan iyon dahil sa katigasan ng ulo niya.
Napatigil ako sa pagmumuni-muni nang bumukas ang pinto nitong silid na tinutuluyan ko.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong si mama pala ang dalaw ko. Dali-dali siyang lumapit sa akin at niyakap ako. Ginantihan ko rin siya ng yakap.
"Mabuti, ma at ligtas ka." Humiwalay naman siya ng pagkakayakap sa'kin at hinalikan naman ako sa noo. Nakapagtatakang ang tahimik ngayon ni mama. Siguro'y tulad ko ay hindi pa rin nakakalimutan ang nangyari.
Niyakap niya akong muli. Naninibago man ay niyakap ko rin siya... ulit. Humigpit nang humigpit ang yakap niya.
"Ma, wag ka nang mag-alala... ligtas na tayo."
Hinawakan niya lang ang kabilang pisngi ko. At tiningnan ako nang mabuti.
Sa wakas ay nagsalita rin siya,
"Mahal na mahal na mahal kita , Stacy, anak.." Hinalikan niya akong muli sa noo. "Palagi kang mag-iingat. Wag na wag mong pababayaan ang sarili mo."
"Ikaw naman ma. Kinakabahan ako sa'yo." Ginantihan niya lang ako ng matamis na ngiti.
Tumayo na siya't nagsimulang maglakad papunta sa pinto.
"Saan ka pupunta, ma?"
Tuluy-tuloy lang siya patungo sa pintuan. At bago pa man siya lumabas ay muling lumingon sa akin at nagwikang, "mahal na mahal kita, anak." At tuluyan na siyang lumabas.
"Ma! Saan ka pupunta?!"
Naguguluhan na talaga ko sa mga ikinikilos ni mama. Sinikap kong makatayo kahit na nananakit pa rin ang binti ko. Paika-ika akong naglakad palabas ng pinto. Kaliwa't kanan kong nilingon ang hospital. Wala na 'kong nakita ni anino niya.
***
***
End of Chapter 6
Thank You For Reading!
★VOTES and ⇩COMMENTS
are highly appreciated

BINABASA MO ANG
Fixed and Broke
RomanceFixed And Broke Abangan ang tatlong iba't ibang kuwento na susubok sa inyong katatagan. *** First Story: The Rape Victim [COMPLETED] *George and Stacy* *** Second Story: Disable to be Able [ON-GOING] *Ford and Sofia* *** Third Story: (Undecided Titl...