Chapter 2

285 10 3
                                    

Huminto ang tren at nagkaroon ng bakanteng upuan malapit sa kanya. Nang muling hanapin ng mga mata ni Feby ang lalaking parang modelo ng toothpaste nang makaupo na siya, hindi na niya iyon nakita pa. Marahil bumaba na.

Normal na araw iyon at normal na biyahe. Pero ang engkuwentro niya sa guwapong lalaking gaya niyon ay bihira lang kung mangyari. Ilang minuto lang ang lumipas, parang bumalik yata ang pagka-teenager niya.

Naalala niya bigla ang dating college crush kung makangiti tila walang pasaning problema sa grades. At sa ngiti ng lalaking iyon, katulad na katulad ang ganoong pakiramdam niya noon. Obviously, hindi naman iyon ang dati niyang hinahangaan. Malayong-malayo ang hitsura. Dahil di-hamak na napakaguwapo nitong huli, na binigyan na nga niya ng secret code-si toothpaste model. Sa lahat ng lalaking nasilayan niya sa loob at labas ng LRT, dito niya lang yata naramdaman ang ganoon.

Mukhang tama nga yata si Rose, mananakawan pa yata siya ngayon. Pero hindi pa naman iyon puso, sigurado siya. Nagka-crush lang siya, sana.
Napatingin siya sa cell phone. Naalala niya bigla si Rose. Nalimutan niyang kausap pa nga pala niya ang kaibigan. Ganoon ba talaga ang dating ni toothpaste model sa kanya? Naisasantabi ang kaibigan nang hindi namamalayan? Na-gi-guilty si Feby na baka isipin ni Rose na binabaan niya ito kanina. Imbes na tawagan ulit si Rose ay pinadalhan na lang niya ito ng text message.

Dahil wala pa naman ang dalawang best friend niya nang makarating sa pinag-usapang mall nagdesisyon muna si Feby na pumunta sa pharmacy. She just remembered she had to buy her monthly needs as a lady. Nakatanggap siya ng message sa mga kaibigan na pupuntahan na lang daw siya ng mga ito kung nasaan man siya naroon.

Matapos i-send ang reply, palabas na siya nang matanaw ang tila pamilyar na lalaki. Sumingkit ang mga mata niyang sinuri iyon. Matapos ay bahagya namang namilog sa gulat nang matukoy niya kung sino ito. Waring tumindig sa galak ang dibidb niya nang muling masilayan ang guwapong mukha at ngiti niyon. Iyon na naman kasi ang lalaki. Si toothpaste model!

Naging marahan ang paglakad niya. Hindi ba siya namamalikta? Sa kanya ba talaga nakatingin ito? Siya ba ang nginingitian ulit nito?

Itinaas niyon ang isang daliri at inaaya siya palapit roon. Sa ginagawa nito para yata siyang inaakit na lumapit. Hindi naman naiwasan ni Feby ang magtaka. Hindi naman sila magkakilala kaya't bakit naman ganoon ang mga ikinikilos nito.

Huminto siya.

At nang lilingunin sana niya ang kanyang likuran para siguruhin kung siya nga ba ang pinalalapit ni toothpaste model ay saktong nabunggo naman siya ng isang babae.

"Sorry," unang paumanhin nito sa kanya na napansin niyang nakahawak sa tiyan.

"Sorry," sambit niya din dito habang sapo ang sariling balikat.

Nasiko niya ba ang sikmura nito? Hindi niya alam. Mabilis ang nangyari. Nagulat na lang si Feby nang ibalik niya ang tingin kay toothpaste model. Palapit na iyon sa kanya.

"Ayos ka lang ba?" pag-aalala ni toothpaste model sa babaeng nakabunggo ni Feby. Samantalang si Feby, napaawang ang bibig. Sekretong pinagalitan ang sarili sa labis na pag-aakalang siya ang lalapitan nito. Hindi naman pala!

"Oo. Okay lang," sagot ng babae dito at bumaling sa puwesto ni Feby.

Nakakahiyang tinitingnan ni Feby ang dalawang iyon kaya't iniba na lang niya ang direksyon ng mga mata. Nang maramdaman niyang hindi na nakatuon sa kanya ang babae hindi pa man siya kumukurap, muli niyang ipinihit ang leeg sa mga ito. At doon muling nagtama ang mga mata nila ni toothpaste model. Titig na titig ito sa kanya. Siguro'y namumukhaan siya nito sa kutob ni Feby. At sa ngiting muling ibinigay nito sa kanya ay nakasiguro nga siyang naalala nga yata siya nito.

Ikaw Ang Pag-Ibig Na Hinintay (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon