Pero bumalik naman na sa mood si Fernand nang humarap sa mga sinadyang suppliers. Akala nga ni Feby ay pakitang tao lang iyon pero kalaunan nalaman niyang hindi naman pala. Dahil maganda na rin ang pakitungo nito sa kanya. Mabilis din naman palang mag-hilom ang kasupladuhan nito. At dahil gusto nila parehas na sulitin ang araw, talagang pinag-tuunan nila ng husto ang preparasyon. Inabot na sila ng gabi kaya naman nag-prisinta na rin si Fernand na ihatid siya pauwi.
"Salamat sa paghatid," sabi ni Feby nang itigil nito ang sasakyan sa tapat ng gate nila.
"No problem. Remember my skirt code. Above the knee is not allowed." muling paalala nito.
"Oo na," pilit niyang tugon.
"Good. Mabuti na 'yung nagkakalinawan."
Bababa na sana si Feby sa kotse nang tawagin siya ni Fernand. Kaya naman napabaling siya dito."Bakit?" tanong niya.
"Friends?"
Napakunot noo naman si Feby. Hindi dahil sa literal na ibig sabihin nito kundi dahil sa hindi niya yata inaasahang sasabihin nito iyon. Sa kabila noon, napagtanto nga niyang hanggang dito na nga lang siguro muna ang sitwasyon nila.
"Of course, friends. Basta huwag ka lang mangingialam sa diskarte ko."
"It depends."
She sighed. Kahit kailan talaga palaging may kondisyones ang lalaking ito. Umalis na si Fernand pagkababa niya. Gayon na lang ang tuksong ipinukol sa kanya ng pamilya nang makapasok sa loob. Mabuti na nga lang at wala dito ang ate April niya dahil malamang na kaya siyang ibugaw noon nang harap-harapan kay Fernand.
"Wala nga kaming relasyon Mama. Nagkataon lang na siya ang makakasama ko sa event ko ngayon," paulit-ulit niyang pagpapaliwanag. At naalala niya na naman ang sinabi ni Fernand. Hindi niya talaga inaasahang na-friend zone siya nito.
"Hayaan mo anak ipagdadasal ko ang partnership niyo," litanya pa rin ng Mama niya.
"Aasahan ko 'yan Mama," sagot naman niyang hindi na rin nakapagpigil pa.
"Asus... Si ditse gusto din!" tudyo naman ng kapatid niyang si Julie na noo'y naghahaing na. Hindi naman na bago ang eksenang ito kapag umuuwi siya. Ang kaibahan nga lang ay gusto niya ang itinutukso ng pamilya sa kanya.
Habang namimili ng susuotin sa tokador pag-panhik sa kuwarto, nahagip ng mga mata ni Feby ang bago sa koleksyon. Gayon na lamang ang malapad na ngiting kumawala sa kanya. Sayang at nawala sa isip niya kanina sa diskusyon nila ni Fernand ang ibinigay nito noong birthday niya. Isa lang naman kasi iyong lavender above-the-knee stupid skirt!
"Feby, may bisita ka."
"Anga anga aman yan tay. Hino ngaman?" tanong ni Feby na punong-puno ng bula ang bibig sa pagsisipilyo. Sa halip na sagutin siya ng ama ay narinig na lang niyang may pinaupo ito. Minadali na niya ang ginagawa para maharap na ang napakaaga niyang bisita. Mula sa kusina tumungo na siya sa salas. At doon tumambad kaagad ang napakaguwapong... almusal.
"Good morning," bati ni Fernand suot ang malapad nitong ngiti. Pero bago pa man ni Feby tugunan ang sinabi nito ay napahawak na siya sa buhok niya at mabilisang umakyat kaagad sa kuwarto ng wala man lang sinabi.
Kainis! Kainis! Ang pangit ko yata! Humarap nga siya sa salamin para siguruhin. At ayun nga, pwede nang itlugan ang napakagulo niyang buhok. Isama pa ang kaunting natuyong bula ng toothpaste sa gilid ng bibig niya. Naiinis siya kung bakit naman kasi nandito si Fernand ng ala-sais ng umaga. Nakita tuloy nito ang hitsura niyang walang pakialam kapag bagong gising.
BINABASA MO ANG
Ikaw Ang Pag-Ibig Na Hinintay (Soon To Be Published)
Roman d'amourFeberly "Feby" Soriano was indeed career oriented. A real stubborn at times na mahilig sa mga nauusong palda. Iyon nga lang pagdating sa mga manliligaw ubod ng pihikan at suplada. Kahit pa pawala na sa kalendaryo ang edad niya! Though secretly, she...