Nagising ako ng a las ocho nang umaga. Nagtimpla ako nang mainit na kape para maalis ang antok. Binuksan ko ang bintana at sinilayan ako ng sinag ng araw. Tumingin ako sa ibaba. Marami, maingay, magulo at syempre masaya ang lahat ng tao. Mas makikita mo ang kasiyahan sa mga bata. Paano ba naman kasi ay ikadalawampu't lima ng disyembre ngayon. Pasko. Espesyal na araw ngayon dahil kaarawan daw ni Hesukristo. Hindi ako naniniwala sa kahit anong diyos o relihiyon pero ipinagdiriwang ko pa rin ito dahil tradisyon; lalo na't Pilipino at nasa Pilipinas ako.Narinig ko ang kantang "Last Christmas" mula sa kabilang kwarto ng condo. Sinundan ng "Christmas In Our Hearts". Paskong-pasko na nga. Pero tulad ng dati, magdiriwang ako nang mag-isa. Wala ang mga magulang ko rito, nasa France at nakararanas ng niyebe. Ang kaibigan ko, syempre magdidiwang kasama ang pamilya niya. Wala naman akong pamilya e, yung nanay at tatay ko pa rin na ilang taon nang hindi umuuwi rito. Sa edad na 32, wala pa rin akong sariling pamilya. Malas lang siguro sa pag-ibig... o baka mali lang ng mga iniibig.
Pagkatapos kong kumain, naligo at nagbihis ako dahil napagdesisyunan kong sa mall na lang magdiwang at aliwin ang sarili ko. Oo, wala namang tao na gustong mapag-isa sa araw mismo ng pasko pero nasanay na ako. Hindi na ako nakararamdam ng lungkot. Ilang pasko na ang nagdaan na ako lang mag-isa at hindi gaanong masaya. Diskarte ko na ang sarili ko para hindi naman mahalata na wala akong kasama sa tuwing espesyal na araw ng disyembre at tuwing magpapalit ang taon.
Pero kahit wala akong makakasama ngayon, itinuturing ko 'to bilang pinakamasayang pasko ko mula nang umalis ang aking mga magulang. Halos isang taon na rin ang nakalilipas nang magkandaleche-leche hindi lang ang pasko kun'di pati ang buhay ko. Dahil sa pagaakalang tama na ang lahat, nasaktan ako nang sobra.
Nagmaneho ako gamit ang kotse ko papuntang mall. Tumutuloy ako ngayon sa isang condo unit dito sa Cavite para mapalapit sa kliyente ko. Sinikap ko na matapos ang trabaho sa kliyente ko bago sumapit ang selebrasyon dahil iyon ang hiling niya. Pero kung ako ang masusunod, mas gugustuhin ko na lang na magtrabaho kahit pasko tutal wala naman akong gagawin na ikasasaya ko. Pupunta ako ng mall dahil simple lang, wala akong mapuntahan. Walang dahilan para sumaya ako nang lubusan. Bibilihin ko kung ano man ang matipuhan ko tutal pera ko naman 'to at wala naman akong matatanggap na regalo mula sa iba. Ako na lang ang magreregalo sa sarili ko. Idinadaan ko na lang sa mga materyal na bagay ang atensyon, oras at pagmamahal na hindi maibigay sa 'kin ng kahit sino.
Kumakain ako sa isang restaurant nang mapansin siya. Ang lalaking naaalala ko ngayon. Nakita ko siyang may kasamang babae at isang bata na sa tantsa ko ay nasa tatlong buwang gulang pa lamang. Masaya silang tatlo. Lalo na siya. Pero nagmadali akong umalis mula sa kinauupuan ko at lumabas ng kainan. Naglakad ako nang mabilis para makalayo at para hindi na niya ako makita. Ayaw kong makita niya ko dahil alam kong masisira ang pasko nilang mag-anak. Totoo nga, may pamilya na siya. At hindi sa piling ko siya tunay na magiging masaya.
Lakad-takbo ang ginawa ko para makapunta ng palikuran. Doon ko nilabas ang lahat ng sakit na naramdaman ko nang makita ko sila. Nang makita ko ang mukha niya, lahat-lahat ng ala-ala kasama siya ay bumalik. Hindi ko maiwasang magdamdam at para bang kinukurot ang puso ko. Hindi ko alam na ganito pa pala ako maaapektuhan at masasaktan kahit siya ay masaya na; sa piling ng iba.
BINABASA MO ANG
Three Years Of December
General FictionDisyembre. Buwan kung kailan ko nakikilala ang taong akala ko, magpaparamdam sa 'kin na hindi ako nag-iisa. Buwan kung kailan nangyari ang mapagpanggap na pagmamahalan. Buwan kung kailan niya ko iniwan. -3 Years of December. @augustusaugustin