Kabanata 5 -Tipsy

16 1 0
                                    

Napahaba ang kwentuhan naming anim. Nagkaroon pa ng mga palaro na sinalihan nila maliban lang sa 'kin. Nang makaramdam ako ng gutom, itinuro sa akin ni Keith kung saan nakapwesto ang mga pagkain. Umalis ako saglit para kumuha ng makakain ko, maraming mapagpipiliang putahe. Lahat mukhang masasarap at nakakatakaw-tingin talaga. Kaunti lang naman ang kinuha ko at dinamihan ko na lang ng mga matatamis na panghimagas. Nang matapos akong kumuha ng pagkain, nagsimula na akong maglakad pabalik sana sa pwesto ko pero may nakabungguan ako. Para akong nabangga sa semento sa tigas ng katawan niya. Hindi ko pa siya masyadong maaninag dahil madilim, tumingala ako para magpasensya sana pero parang nakaramdam ako ng kakaiba nang makita ko ang mukha niya.

" Miss, sorry "-nagsalita siya.

Naamoy ko pa ang alak sa hininga niya.

" No. I'm sorry "-sabi ko naman habang nakatingala pa rin sa kaniya.

" Hindi, ako dapat ang mag-sorry. Hindi kasi ako tumitingin sa daan. Pasensya na medyo madilim e " -ngumiti ako nang matipid at yumuko.

" Uhm, Miss, may kasama ka ba? Tara kwentuhan tayo " -nagsalita siya ulit.

" Ha? "

" Wala. Sorry ulit. Sige... enjoy "

" No! Sige. I'll come with you "

" Talaga? " -tumango naman ako.

Sumama ako sa kaniya para makipagkwentuhan. Hindi ako naniniwala sa 'love at first sight' pero parang 'yon ang naramdaman ko nang makita ko siya. Hindi naman siya kagwapuhan pero malakas ang sex appeal. Moreno, matangkad, siguro mga nasa 5'8 at malaki ang katawan. Gustong gusto ko yung ngiti niya. Pamatay. Napakaamo pa ng mukha kaya mapapasama ka talaga kung siya ang nagyaya. Pero kahit kinikilig ako, hindi ko naman syempre pinapahalata, kailangan ko pa ring kumalma.

Nang maubos ko ang mga pagkaing kinuha ko, binigyan naman niya ko ng wine na iniinom niya. Habang nagkukwento siya, may napansin ako. Nakikita ko sa mga mata niya ang lungkot. Medyo may tama na nga siya pero malinaw pa rin naman ang pasasalita't pagiisip, wine lang naman kasi ang iniinom namin pareho. Habang nagsasalita siya, nakatingin ako sa kaniya. Gustong-gusto ko yung paraan ng pakukwento niya, kalmado lang at malumanay. Isa pa sa pinaka nagustuhan ko ay ang lalakeng-lalakeng boses niya pero may lambing pa rin. Maskulado siya pero maamo ang mukha at mabait. Alam ko rin na maginoo siya. Hindi ko talaga maiwasang titigan siya, para sa 'kin, nakakaadik ang mukha niya. Mahilig siyang magbiro kaya naging komportable akong kasama siya. Para ba kaming matagal nang magkakilala at ngayon lang ulit nagkita. Ewan ko ba, pero kakaiba 'tong nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag. Para bang may dalawang kamay na humihila sa magkabila kong pisngi dahil hindi ko talaga mapigilang mapangiti. Matagal na kong nakangiti sa kaniya at tumatawa pero hindi pa rin nangangalay ang pisngi ko. Nagtatanong na nga ako sa sarili ko kung tama ba 'to? Normal pa ba 'to? Parang hindi na e. Oo, hindi na nga... dahil nababaliw na ko sa kaniya.

Sa kalagitnaan ng pagkukwentuhan namin, narinig namin si Erik na sumigaw at tinawag ang pangalan niya. Lumapit si Erik sa amin at nasorpresa nang makita kaming magkasama. Nalaman kong magkaibigan pala silang dalawa. Katulad ko, wala rin siyang kakilala rito sa party dahil niyaya lang din siya ni Erik. Ang sabi naman ni Erik sa 'kin, hindi naman nagdalawang isip na sumama ang kaibigan niya dahil tama nga ako, may problema siyang dinadala at gustong magpakasaya. Sakto nga raw ang pagkakakilala naming dalawa. Pero sa hinaba-haba nang aming napagkwentuhan, wala siyang naibanggit na kahit anong problema. Ipinakilala lang niya ang sarili niya sa 'kin at ganoon din naman ako. Mabilis kaming nagkapalagayan ng loob. Dahil siguro, madali ko siyang nasakyan at madali naman niya akong napakisamahan.

Pagkatapos kaming kamustahin ay umalis na si Erik, bumalik sa dati niyang mesa kung nasaan sila Keith. Lumalalim na ang gabi at unti-unti nang nababawasan ang mga tao. Nakita ko na rin si Keith na sinesenyasan ako dahil nagyayaya nang umuwi, sinabi kong magpapaalam lang ako sa lalakeng kausap ko. Nang sinabi ko sa kaniya na kailangan na naming umuwi ni Keith, hindi ko inaasahan ang magiging sagot niya...

" Really? Uuwi ka na? Aw... sayang naman. Ang saya mo pa naman kasama "

Medyo namula ako sa sinabi niya.

" Oo e. Gusto na kasing magpahinga ng kaibigan ko saka syempre, ako. Ako rin naman, I really enjoyed your company. Salamat "

" Salamat din. Uhm, kung pwede lang naman... kunin ko 'yung number mo? "

Parang gusto kong lumundag nang marinig ko 'yun mula sa kaniya. Sobrang kinabahan ako at bumilis ang tibok ng puso ko.

" Sure. Why not " -pautal-utal na sabi ko.

Sumabay na sa 'kin si Keith at inihatid ko siya sa bahay niya. Umuwi ako nang nakangiti at kinikilig. Hindi ko akalain na mangyayari 'to, sobrang hindi ko inaasahan. Ang akala ko, ang tanging gagawin ko lang ay samahan si Keith pero ibang-iba ang nangyari. Makakatagpo pala ako ng isang lalake na magiging dahilan para matulog ako nang may kakaibang pakiramdam at saya. Iyon ay kung makatutulog pa ako, para kasing gusto ko na lang palipasin ang gabi sa kaiisip sa kaniya.

Three Years Of DecemberTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon