Bumili ako ng christmas tree na may anim na talampakan ang taas. Kulay asul ito. Lahat ng palamuting binili ko para sa pagdidisenyo sa buong bahay ay asul dahil iyon ang gusto kong maging kulay sa kabuuan. Malamig kung titignan kaya naman natuwa ako nang matapos ko ang pagdedekorasyon. Napakaganda.
Limang araw na ang lumipas nang maganap ang gabing hindi ko inaasahan at limang araw na rin kaming naguusap ni Lars. Masaya siya kausap at interesante. Mabilis siyang sumagot sa mga text ko kaya pakiramdam ko naman ay interesado rin siya sa 'kin, pero ayaw kong umasa nang lubos dahil baka masaktan lang ako sa huli. Pinipigilan ko naman ang sarili ko na tuluyan na talagang mahulog sa kaniya dahil hindi pa kami gaanong magkakilala at isang beses pa lang kaming nagka-usap nang personal. Isa pa, kahit hinahangaan ko siya nang ganito ay hindi pa rin ako sigurado sa kaniya. Sa limang araw na pag-uusap naming dalawa, mas nakilala pa namin ang isa't-isa. Siya si Lars Ashton de la Torre, taga Makati rin at nagtatrabaho bilang photographer sa isang magasin. Nagulat ako nang malaman kong mas bata pala siya kaysa sa akin. Siya 26 anyos samantalang ako, 29 anyos na. Ang akala ko, magkasing edad lang kami dahil sa kilos at pananalita niya pa lang, 'matured' na siya kung tatawagin. Hindi tulad ng ibang lalake na sa ganiyang edad ay isip-bata pa rin at makitid ang utak. Mas hinangaan ko siya lalo dahil doon. Hindi ko pa siya lubos na kilala pero parang perpekto na ang turing ko sa kaniya. Matipuno, maapil, matangkad, palabiro, mabait at may direksyon ang buhay.
Nagulat ako isang araw, habang nag-uusap kami sa pamamagitan nang pagpapalitan ng mensahe, niyaya niya kong kumain sa labas. Sa gulat ko, ilang daang beses ko 'yon binasa. Hindi ako makapaniwala. Hindi ako kaagad makasagot sa kaiisip ng magandang paraan kung paano ko sasabihin na pumapayag ako sa alok niya. Parang gusto kong lumundag sa sobrang kilig, isipin mo na lang na ang taong hinahangaan mo, niyaya kang sumama sa kaniya para kumain kayo sa labas. Kahit pa na sabihing 'friendly date' lang ito ay date pa rin.
Pinaghandaan ko ang pangalawang pagkikita namin ni Lars. Sobrang nakakasabik pero sobrang nakakakaba rin. Pinilit kong maging kalmado para naman maging natural ang pagkilos ko sa harapan niya.
Nakangiti akong pumasok sa isang kapehan. Nakita ko siyang nakaupo sa lugar na malapit sa bintana; nakasulyap sa labas. Naglakad ako papunta sa kanya at bago ako umupo...
" Hi " -bati ko.
Nagulat siya at nakita ko ang kanyang ngiti na walang halong pagpapanggap. Kitang-kita sa mga mata niya ang kasiyahan na makita ako. Pinaupo niya ako at sinimulan na naming pumili ng pwede naming kainin. Noong una, nahihiya pa rin akong kausapin siya pero dahil sa magaling siyang makisama, habang tumatagal ay unti-unti rin akong nagiging komportable sa kaniya.
Pagkatapos sa kapehan, nanood kami ng pelikula sa sinehan at pagsapit ng hapon, Nagpahinga kami sa paggagala. Napagdesisyunan namin pareho na pumunta muna sa tabing-dagat at panoorin ang paglubog ng araw. Nagsisimula na ring lumamig ang simoy ng hangin. Magkatabi kaming nakaupo at pinagmamasdan ang pagkawala ng araw habang unti-unting dumidilim at lumilitaw naman ang buwan.
" Breath taking no? " -pagbasag niya sa katahimikan.
" Oo nga. Sobrang ganda " -sabi ko habang nakatitig nang diretso sa araw.
" Tama. Sobrang ganda mo "
" Ano? " -tatawa-tawa kong sagot.
" Sus. Narinig mo naman e " -sabi niya na may halong ngiti sa mga labi.
" Thank you " -sagot ko at napangiti rin ako. Aaminin ko, medyo kinilig ako sa sinabi niyang 'yon.
Ang pagkakataong pinanuod namin ni Lars ang paghalik ng araw sa dagat at ang tuluyang pag-lubog nito ay siguradong hindi ko malilimutan. Nang tuluyan nang makalubog ang araw at dumilim na, niyaya na muna niya akong kumain bago kami tuluyang maghiwalay. Pagkakain, nagpasya na kaming umuwi pero nagpupumilit siyang ihatid ako.
" Sige na. Para sure ako na safe ka pauwi. At saka para malaman ko na rin kung saan ka nakatira " -sabi niya.
"Don't worry, I'll be safe naman e "-sagot ko naman sa kaniya.
" Parang walang silbi 'tong kotse ko kung hindi naman pala kita maihahatid "
" Uhm, o sige na nga! Ang kulit mo e "
Napasigaw naman siya sa tuwa dahilan para magsitinginan ang mga tao sa amin. Natawa kami pareho. Inihatid niya ko hanggang sa tapat ng unit ko at doon na kami nagpalitan ng paalam sa isa't-isa.
" O sige, una na 'ko. Bye... ingat ka ha. Tawagan mo ko kung kailangan mo ng kasama "
" Oo sige na. Umuwi ka na dahil gabi na. Ikaw din, ingat ka sa pagmamaneho " -at saka siya umalis.
Maraming tanong ang naipon sa isipan ko. Bakit niya ko niyaya? Bakit niya ba 'to ginagawa? Bakit parang may pakialam siya sa 'kin sa ibang paraan? Bakit ganito? Totoo kayang ito na ang simula para sa aming dalawa? Hindi. Ayaw kong maniwala sa kahibangan kong ito dahil ayaw kong umasa nang tuluyan kay Lars. Pero ano man ang mangyari, alam kong maaaring hindi ko iyon mapipigilan.

BINABASA MO ANG
Three Years Of December
General FictionDisyembre. Buwan kung kailan ko nakikilala ang taong akala ko, magpaparamdam sa 'kin na hindi ako nag-iisa. Buwan kung kailan nangyari ang mapagpanggap na pagmamahalan. Buwan kung kailan niya ko iniwan. -3 Years of December. @augustusaugustin