Kabanata 2 - Kliyente

22 1 0
                                    

Disyembre taong 2012

Simula nang umalis ang mga magulang ko at matirang mag-isa dito sa Pilipinas, napagdesisyunan kong tuunan at pagbutihin na lang ang trabaho ko. Dahil sa solong anak ako, sanay ako na nasusunod ang lahat ng gusto ko. Hindi naman mahirap sa mga magulang ko 'yon dahil may kaya naman kami.

Tatlong buwan mula nang umalis sila papuntang France, lumipat ako ng Batangas dahil sa isang kliyente. Binisita ko ang kanyang mansyon na bagong gawa. At dahil nabendisyunan na iyon, ako ang kinuha niya para magdisenyo sa loob ng buong mansyon.

Isang matandang negosyante ang naging kliyente ko. Mayaman talaga siya, may-ari ng isang malaking hacienda at kolektor ng mga antigong kagamitan. Sa kanyang ikatlong mansyon, malulula ka sa laki ng loob at aakalain mong nasa langit ka dahil sa puting-puting pintura nito. Napakalawak. Sobrang laki ng bintanang salamin kaya naman kitang-kita ang magandang tanawin ng mga bulubundukin at palayan sa labas. Wala pa ni isang kagamitan sa loob maliban na lang sa mga gamit ng mga karpintero't pintor. Umakyat ako sa ikalawang palapag nito. Katulad ng kulay sa ibaba, puting-puti rin. Pero ang pinakaminanghaan ko sa kabuuan ng mansyon ay ang bubong nito sa ikalawang palapag na purong salamin. Literal na napanganga at nanlaki ang mga mata ko sa sobrang ganda. Kitang-kita ang kalangitan na kulay kahel pati ang mga ibon na lumilipad.

Naibalik ako sa ulirat nang may magsalita. Isang baritonong boses. Ang kliyente ko pala na kahit 60 anyos na ay hindi pa rin halata. Mas bata ang itsura niya kumpara sa kaniyang tunay na edad at ganoon din ang boses niya. Tinanong niya ako kung bakit ako nakatulala sa itaas at sinabi ko naman na namangha lang ako nang sobra. Binola niya naman ako sa pagsasabing mas maganda pa raw ako kaysa sa langit. Natawa naman ako. Napag-usapan namin lahat ng gusto niyang gawin sa kabuuan ng bahay; konsepto, kulay, disenyo at magiging tema nito. Sa tono pa lang ay mahahalata na ang awtoridad sa pagsasalita niya. Simple lang siya pero praktikal. Mabait at palabiro pero seryosong tao kaya naman hindi ako nahirapan na makisama sa kaniya. Dahil gumagabi na, nagpaalam na ko sa kliyente ko at sinabing bukas ko na sisimulan ang trabaho.

Inabot ng dalawang araw ang pagdidisenyo sa loob ng malaking mansyon. Sobrang naging magiliw ako sa naging trabaho ko dahil napakalawak at hindi ako gaanong nahirapan. Nakatanggap pa ako ng papuri mula sa kaniya dahil nakuha ko ang eksaktong konsepto na gusto niya para sa bahay. Totoo ngang sa paggawa ng mga bagay na gusto mo tunay kang magiging masaya.

Pero bago ako umalis sa kliyente ko, binigay niya muna sa 'kin ang kaniyang numero. Baka raw sakaling kailanganin ko siya at pwede ko siyang matawagan. Noong una pa lang, nagbibigay na ng motibo ang matandang kliyente na 'yon. Ewan ko, alam ko naman na may asawa na siya at lima pa ang anak nila pero hindi ko alam kung bakit para bang binata pa siya kung umasta. Minsan naikwento sa 'kin ng tagamaneho niya ng sasakyan na ganiyan daw talaga ang kaniyang amo. Marami nang naging babae na ilang beses nang napagawayan ng kaniyang asawa at mga anak. Kung sa bagay ay hindi naman ito bago lalo sa mga milyonaryong katulad niya. Itinapon ko ang binigay niya dahil kahit kailan ay hindi ko naman siya tatawagan at kakailanganin.

Three Years Of DecemberTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon