Kabanata 6 - Magandang Gising

16 0 0
                                    

Pagkatapos kong maiparada ang kotse, sumakay ako ng elevator para makapunta sa ikapitong palapag. Nang akma ko nang hahawakan ang seradura para sana buksan ang pinto, tumunog ang cellphone ko. Nakatanggap ako ng text.

' Mag-iingat ka. Goodnight ' -galing sa hindi kilalang numero pero napangiti na rin ako dahil alam ko na kung sino 'to.

Wala pang isang minuto, may natanggap ulit akong mensahe...

' Ay sorry. Ako to, si Lars :) '

Pumasok ako sa loob at inilapag ang susi ng kotse at bag. Nakakapagod pero masaya. Sobrang saya ng gabing ito, hanggang ngayon hindi ko pa rin makalimutan ang maamong mukha niya at ang boses niya. Napapangiti na naman ako. Tuwing iisipin ko ang nangyari kanina ay parang masisiraan ako sa kilig at tuwa. Kinuha ko ang cellphone para basahin ulit ang mga texts niya. Napagdesisyunan kong hindi na muna siya sagutin, bukas na lang nang umaga. Hahayaan ko na lang muna siya ngayong gabi.

Hiniga ko ang katawan ko sa kama na siya pa rin ang iniisip. Parang ayaw kong matulog, baka mawala pa ko sa panaginip ko na 'to. Pero alam ko namang hindi ito isang panaginip kaya napapikit ako sa kilig. Ang gulo ng isip ko pero iisang tao lang ang nandoon, walang iba kung hindi siya. Para bang kinikiliti ang tyan ko tuwing iisipin ko na naman kung gaano kaganda ang ngiti niya. Hindi siya ganoon kagwapuhan pero ang lakas ng tama ko sa kaniya. Pareho kaming 'tipsy' kanina pero ako, lasing na lasing kay Lars.

Malalim na ang gabi. Nagtimpla ako ng kape para mawala ang kaunting kalasingan ko dulot ng ininom namin kanina. Sinubukan kong magbasa ng libro sa pagbabakasakaling maiaalis ko siya sa isipan ko pero wala ring epekto. Ano bang nangyayari sa 'kin? 'Yun pa lang ang unang pagkakataon na nagkita kami pero parang ito na yata ang simula para sa aming dalawa. Natawa ako sa sarili ko nang maisip ko 'yon. Naabutan ko na naman ang sarili ko na nagpapantasya.

A las dos na nang madaling araw nang makatulog ako. Hanggang sa huling pagkakataon na dilat ang mga mata ko, siya ang laman ng isip ko.

Nagising ako sa ingay ng relo. Sa sobrang irita ay nasanggi ko iyon at bumagsak sa lupa dahilan para tumigil sa pag-iingay. Hinanap ko kaagad ang cellphone ko. Nagising ang natutulog kong diwa nang makita kong mayroon akong sampung mensahe galing kay Lars. Umupo ako at isa-isa iyong binasa...

' Hey! Good Morning :) '

' Nag-almusal ka na? Wag kang magpapalipas ng gutom '

' Good Morning! Gising na! :) '

At iba pang texts messages mula sa kaniya. Umagang-umaga, nagiinit ang pisngi ko sa tuwa. Mukhang hindi ko na yata kailangan ng kape at almusal, sa kaniya pa lang gising at busog na ko. Ewan ko pero natawa ako sa sarili ko. Pakiramdam ko kasi, para akong isang bata na unang beses pa lang magmamahal. Pero hindi ko naman mahal si Lars, sadyang una pa lang e hinahangaan ko na siya.

' Good Morning, Lars. Sorry... kagigising ko lang. :) '

Unang pagkakataon na sumagot ako sa mga mensahe niya.

Pagkatapos ligpitin ang kama ko, sumilip ako sa bintana. Palamig na nang palamig ang simoy ng hangin, marami ng parol at palamuti sa labas. Nakalimutan kong maglagay ng mga palamuti sa loob ng kwarto at isang maliit na parol pa lang sa pinto ang nakasabit. Kaya ngayong araw, habang kausap si Lars, pagmumukain ko nang paskong pasko dito sa buong kwarto ko.

Three Years Of DecemberTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon