Kinaumagahan ay maganda kaagad ang timpla ng gising ko. May bahid pa rin ng kahapon ang isip ko at hindi pa rin nakalilimutan ang mga nangyari. Nang tignan ko ang telepono ko, medyo nagtaka ako dahil ni isa ay walang mensahe para sa 'kin si Lars kaya ako na lang ang nag-mensahe sa kaniya.
" Good Morning, Lars. Gising ka na... :) "
Hindi siya kaagad nakasagot sa mensahe ko dahil nahuli raw siya ng gising.
Habang tumatagal, mas nagiging komportable at gumagaan ang loob ko sa kaniya. Yung tipong kaya ko nang magbiro sa kaniya at magkwento ng mga ayaw at gusto ko, mga hilig at tipo ko sa mga bagay-bagay. Ganoon din naman siya sa akin. Humahanga nga ako dahil parang walang kahirap-hirap para sa kaniya ang pakisamahan ang isang babaeng katulad ko na mas matanda pa sa kaniya.
Kahit ilang linggo na kaming magkausap sa pamamagitan nang pagpapalitan ng mga mensahe, alam kong hindi pa rin namin kilala nang lubos ang isa't-isa pero alam ko rin naman na darating din 'yon. Kailangan lang namin ng sapat na panahon. Minsan, may mga araw na hindi kami nagkakausap nang maayos ni Lars dahil sa trabaho niya. Pero ayos lang sa akin dahil maswerte na nga ako kung tutuusin. Mayroon kaming magandang pakitungo sa isa't-isa ng taong hinahangaan ko. Pero minsan naiisip ko rin na ganito pa rin kaya ang maging sitwasyon namin kung sakaling magtapat ako sa kaniya? May magbabago kaya?
Dalawang araw na lang at pasko na. Kailangan si Lars sa kaniyang trabaho dahil sa ilalabas na bagong kopya ng kanilang magasin na syempre, pasko ang tema. Ang buong akala ko ay hindi ko makakausap si Lars nang buong araw dahil nga sa trabaho niya pero a las cuatro nang hapon, may kumatok sa pinto. Binuksan ko iyon at nagulat sa nakita ko. Si Lars na nakatayo at may hawak na supot. Lumitaw ang malawak na ngiti sa mga labi ko nang makita ko siya. Napakasaya talaga ng mga bagay na bigla na lang mangyayari sa hindi mo pinakainaasahang pagkakataon. Pinapasok ko siya sa loob at pinaupo.
" May dala akong pagkain, pagsaluhan natin. Kumain ka na ba? " -magiliw na tanong niya habang ako naman ay kumukuha ng plato.
" Hindi pa e. But I was surprised! Hindi ka man lang nagpasabi na darating ka. Ang akala ko ba busy ka? " -tanong ko.
" Kanina pa 'yun, sa trabaho. Pero hindi na ngayon kaya I decided to get here and visit you. Matagal na kitang hindi nakikita " -para akong masisiraan ng bait dahil sa mga sinasabi niya. Sobrang nakakatuwa at syempre, nakakakilig. Inilapag ko ang plato sa mesa at inihain ang chicken barbecue na dala niya.
Umupo ako sa harapan niya. Mukhang masaya siya dahil maaliwalas ang mukha niya ngayon kaya hindi ko na naiwasang magtanong. Ang sabi niya, masaya lang siya dahil mukhang magiging maganda at matagumpay ang paglabas ng mga kopya ng kanilang magasin.
" Yayayain sana kita na kumain sa labas kaso lang malamig kaya ako na lang ang pumunta rito "
" Thank you ha? Salamat sa effort " -ako.
Dahil sa chicken barbecue na dala niya, nakapasok siya sa loob ng condo unit ko sa unang pagkakataon. Unang beses rin na magsalo kami sa hapag-kainan na hindi isang date. Tipikal na pagsasalo lamang sa mesa pero naguumapaw ang puso ko sa saya. Nagkukwentuhan na kami na para bang wala nang bukas, nagtatawanan at nagbibiruan na para bang matagal nang magkakilala at nagtuturingan sa isa't-isa nang kakaiba. Hindi ko alam kung ano bang maitatawag 'to pero ang alam ko lang ay masaya siya at ganoon din ako. Masaya kami pareho. Pero hindi ko iniaalis sa isip ko na magkaibigan lang kami. At kahit maganda ang aming samahan ay wala pa rin akong kasiguraduhan sa kaniya kaya iniingatan ko pa rin ang sarili ko; ang puso ko. Ayaw ko na lumalim pa lalo ang nararamdaman ko kay Lars kung alam kong hind iyon masusuklian. Ayaw kong magmahal nang mag-isa. Ayaw kong masaktan.
Pero ano pa man, ang pagbisita niya rito at ang pinagsaluhan naming chicken barbecue ay siyang kumupleto sa araw ko.

BINABASA MO ANG
Three Years Of December
General FictionDisyembre. Buwan kung kailan ko nakikilala ang taong akala ko, magpaparamdam sa 'kin na hindi ako nag-iisa. Buwan kung kailan nangyari ang mapagpanggap na pagmamahalan. Buwan kung kailan niya ko iniwan. -3 Years of December. @augustusaugustin