Ika-14 ng Disyembre, sabado. Ngayon ang christmas party na gaganapin sa isang maliit na pribadong resort. Nagmamaneho ako papunta sa bahay ni Keith dahil nagpapasama ako sa kaniya na bumili ng bagong damit para suotin mamaya.
Sa paglilibot namin sa buong mall, isang pulang bestida ang napili kong bilhin. Simple lang ito na lagpas sa tuhod kaya natipuhan ko. Natawa nga si Keith, dahil hanggang ngayon daw, walang nagbago sa istilo ko. Manang pa rin kung manamit. Pagkatapos mamili ay naghiwalay na kami. Ang sabi niya, a las ocho nang gabi magsisimula ang party kaya may mahabang oras pa kaming pareho para magasikaso sa sarili.
Hindi ko alam pero sobrang nasasabik na kong pumunta roon. Hindi naman ako mahilig sa mga ganitong bagay pero iba ang pakiramdam ko, nag-dalawang isip ako kung tutuloy pa ba ako. Pero hindi naman pwedeng hindi ako sumipot dahil nangako ako kay Keith. Pakiramdam ko nga, kahit hindi ko kilala ang mga tao mamaya e magiging masaya naman ako.
A las seis pa lang nagsimula na kong mag-asikaso sa sarili ko. Nang matapos ako, pinatay ko ang ilaw sa loob ng kwarto at isinara ang pinto. Pumunta ako sa garahe para sumakay sa kotse. Hindi ko pa napupuntahan ang resort na 'yon pero itinuro naman na sa 'kin ni Keith ang ruta papunta roon. Sinundan ko ang pagkasunod-sunod ng mga kalye't lugar na binanggit niya kanina pero hindi ko pa rin mahanap ang resort. Mahuhuli na ko sa party pero maya-maya lang, tinawagan ako ni Keith. Hinahanap na niya ako at tinatanong kung nasaan na 'ko, sinabi ko sa kaniyang naligaw ako. Hindi na niya binaba ang telepono at itinuro sa 'kin ang tamang direksyon. Nakapunta rin naman kaagad ako sa nasabing lugar. Buti na lang hindi ako masyadong napalayo.
Ipinarada ko ang kotse at pagkatapos ay bumaba. Dire-diretso akong pumasok at bumungad sa 'kin ang malawak na hardin, malayo pa lang ako pero naririnig ko na ang malakas na tugtog at hiyawan ng mga tao. Pagkapasok ko sa isa pang gate, nabingi ako sa ingay. Malakas ang tugtog at maraming tao, yung iba nasa swimming pool. Syempre, ang hinanap ko kaagad ay si Keith. Balak ko sanang libutin ang buong resort para hanapin siya pero nakita ko na rin kaagad. Nasa isang mesa siya at may iba pang mga kasama, kinakawayan niya ako. Pumunta ako at umupo sa tabi niya. Nagpasensya naman ako sa kaniya dahil nahuli ako nang kaunti. Umpisa pa lang, hindi na ako komportable. Parang gusto ko na kaagad umuwi.
Ipinakilala ako ni Keith sa mga kaibigan niya. Sina Bethany, Rowan, Chelsea at ang nagiisang lalake sa kanila, si Erik. Lahat sila binati ako at si Erik lang ang nakipagkamay. Maganda naman ang pagtanggap nila sa 'kin, lalo na 'tong si Erik. Palabiro at madaldal siya kaya siguro, madali para sa kaniya ang makibagay sa mga babae. Dahil sa unang pagkakataon pa lang namin magkita-kita ng mga kaibigan ni Keith, marami silang tanong na isa-isa ko namang sinagot. Mababait sila at masaya kasama kaya medyo nabawasan ang hiya ko. Tinanong ako ni Erik kung may dala daw ba akong damit, kaso wala kaya nadismaya siya dahil yayayain niya sana akong lumangoy. Nanghinayang din si Keith dahil nakalimutan niya kong sabihan. Pero kahit sabihan pa ko ni Keith, hindi rin naman ako magdadala dahil wala naman akong balak.
BINABASA MO ANG
Three Years Of December
Genel KurguDisyembre. Buwan kung kailan ko nakikilala ang taong akala ko, magpaparamdam sa 'kin na hindi ako nag-iisa. Buwan kung kailan nangyari ang mapagpanggap na pagmamahalan. Buwan kung kailan niya ko iniwan. -3 Years of December. @augustusaugustin