Kinabukasan, isang ordinaryong araw na naman. Walang bago, walang luma. Walang trabaho, walang ginagawa. Kahit ang lalakeng gusto ko sanang makausap o makasama, wala. Hanggang ngayon, nasasaktan at nalulungkot pa rin ako. Hindi ko rin maiwasan na mag-alala kay Lars, pwede ngang may hindi magandang nangyari o pwedeng hindi lang talaga niya ako naaalala.
Lumipas ang ilang araw na wala pa ring pagpaparamdam si Lars. Pinilit ko ang sarili kong kalimutan at huwag na rin siyang i-text. Alam kong magsisinungaling ako sa sarili ko kung sasabihin kong hindi siya espesyal sa akin, pero kailangan ko siyang kalimutan kung ako naman ang walang halaga sa kaniya.
Hanggang sa sumapit ang ika-30 ng Disyembre. Habang papauwi ako galing sa aking dentista ay nakasalubong ko si Erik na naglalakad nang mag-isa. Binati ko siya at nagulat ako nang siya ang unang magtanong sa akin kung nasaan at anong nangyayari kay Lars. Wala akong maisagot sa kaniyang tanong dahil wala akong balita sa kaniyang kaibigan. Hindi rin ako makapaniwala na kahit pala kay Erik at sa iba pang mga kaibigan nila ay wala siyang paramdam. Huli naming nakita at nakasama si Lars noong bisperas ng pasko. Lalo kaming nag-alala dahil kahit pala sino ay walang balita sa kaniya. Hindi rin sumasagot sa mga mensahe at tawag ni Erik si Lars. Siguro nga ay may nangyayari talagang hindi maganda sa kaniya. Pero bago kami maghiwalay ay sinabi sa akin ni Erik na huwag daw akong masyadong mag-alala kay Lars dahil malaki na ang lalakeng iyon. Oo nga naman. Pero hindi ko pa rin maiwasan, mahalaga si Lars sa akin at may pakialam ako sa kaniya.
Pagkarating na pagkarating sa bahay, tinawagan ko siya at kinulit sa paulit-ulit kong pagmemensahe pero ni isang sagot ay wala akong napala. Lubos akong nagaalala sa kaniya. Tinawagan ko si Erik para sana magpasama sa kaniya upang puntahan ang bahay ni Lars pero ang sabi niya, wala ito sa tinutuluyan niyang apartamento. May nakapagsabi raw na walang tao sa bahay niya mula pa noong pasko.
Hindi ko alam kung ano ba ang iisipin ko. Kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman.
Kinabukasan, ang buong mundo ay nagbibilang na ng mga nalalabing oras para sa pagpapalit ng taon. Wala akong makakasalo sa pagdiriwang ng Bagong Taon kaya mas pinili ko na lang na mag-isa at mamalagi sa loob ng pamamahay ko. Nakapaghanda na rin ako ng kaunting putahe na ako lang naman ang kakain.
Hanggang sa sumapit ang a las nueve nang gabi. Tatlong oras na lang at may panibagong taon na naman. Kumuha ako ng salad para kainin at saka humarap sa telebisyon. Hindi rin naman ako naaaliw dahil hanggang sa ngayon, si Lars pa rin ang inaalala ko. Baka 2013 na't lahat-lahat ay wala pa rin siya. Sana naman ay ayos lang siya.
Media Noche. Habang palapit nang palapit ang selebrasyon, paingay na rin nang paingay sa labas. Tumayo ako para sumilip sa bintana. Maraming tao at iba-iba ang ginagamit nila para paingayin ang paligid. Makapal ang usok na nakakasulasok. Naaaliw na ako sa mga nakikita ko nang may kumatok sa pinto. Naglakad ako papunta roon para buksan.
" Happy New Year! " -sabay ihip sa kaniyang hawak na torotot dahilan para tumunog ito nang napakalakas.
" Lars?! " -tinignan ko siya mula ulo hanggang paa nang nanlalaki ang mga mata sa gulat.
" Oh yes! It's me. What are doing here? Tara labas tayo! " -sabay hipan ulit sa torotot.
" Ikaw?! Saan ka ba galing? Pumasok ka nga! " -sabi ko sa kaniya na may halong pagkainis.
" Ilang araw kang nawala! Hindi lang ako ang naghahanap sa'yo pati si Erik! " -sermon ko sa kaniya habang kumakain kami sa hapag.
" Wow?! Really? May tao palang may pakialam sa 'kin. That's rare " -siya.
" Rare? Teka, mag-sabi ka nga? Ano bang ginawa mo nang halos 1 week at wala ka? "
" Wala. Pinili ko lang na magdiwang nang mag-isa. May masama ba ro'n? "
" At bakit mo naman naisipan 'yon? Anong problema mo? "
" Wala. Wag na natin pag-usapan. Kaya nga kita pinuntahan e para maging happy ang New Year ko " -sinundan ko nang mahinang pag-tawa ang pambobola niyang iyon.
Ewan ko ba pero parang kuryente ang biglaang pagdating ni Lars. Nagbigay sigla at buhay sa madilim kong gabi at tahimik kong selebrasyon. Tatlumpung minuto na lang bago mag-a las doce nang umaga ay niyaya niya akong lumabas. Sa lansangan ko nadama ang kasiyahan ng pinagdiriwang ngayong gabi. Habang naglalakad ay hawak ni Lars ang braso ko, may ngiti at pananabik sa kaniyang mukha. Aaminin ko na ganoon din ang nararamdaman ko sa ngayon. Tulad ng mga lusis ay kumikislap at nagliliwanag din ang puso ko dahil narito siya; kasama ko. Huminto kami sa lugar kung saan mausok, maraming tao at napakaingay pero tanaw ang magandang fireworks display sa kalangitan. Kahit na matanda na 'ko, Hindi pa rin kumukupas ang tingin ko sa mga fireworks, sobrang ganda kasi talaga. Ito ang nagbibigay kulay at sigla sa madilim na kalangitan. Patuloy ang paglilibot namin sa buong kalsada. Nang mag-bilang na ang lahat ng sampung segundo ay nakisabay na rin kami. Bagong Taon na. Lahat ay kaniya-kaniyang bati, may mga kasintahang humagkan sa isa't-isa, nagyakapan, simpleng ngiti at bati lang. Nagulat ako nang yakapin ako ni Lars at binati ako nang pabulong sa tenga. Binati ko rin naman siya. Naramdaman ko ang matigas niyang katawan at mga bisig pero mistulang nasa ulap ako sa mga yakap niya. Napakasarap at napakagaan sa pakiramdam nang pag-yakap niya sa akin sa unang pagkakataon.
Naglibot-libot pa kami kung saan-saan. Kumain, nagsindi ng lusis, naglaro at nanuod ng mga magagandang paputok at fireworks display. Nang makalipas ang dalawang oras, kapwa kami napagod at napagdesisyunan nang umuwi. Dahil hindi naman kami nakalayo sa condominium, inihatid na niya ko. Pinapasok ko siya sa loob at nagkaroon pa kami nang kaunting kwentuhan.
" Bakit naman naisipan mong ako yung puntahan ngayon? " -naitanong ko.
" Bakit ayaw mo ba? "
" Hindi naman sa ganoon pero usually kasi family and friends yung kasama tuwing ganitong okasyon di ba? "
" Yes, you have a point. Pero mas masarap kasama yung special someone sa mga ganitong celebration " -nagulat ako at nag-init ang pisngi ko sa mga sinabi niyang iyon pero idinaan ko na lang sa tawa.
Umalis na siya. Sobrang hindi ako makapaniwala na ganito ang magiging takbo ng aking selebrasyon. Hindi ko akalain na ang swerte ko; ako ang pinili ni Lars na samahan ngayon. Sabay naming hinarap ang pagpasok ng bagong taon. Ang sarap lang sa pakiramdam tuwing iisipin ko na may halaga rin pala ako sa kaniya. Parang sasabog ang puso ko sa tuwa. Ngunit ang mas importante, bumalik na si Lars at ang pinakamasaya ay ang nakasama ko siya. Pero ano naman kaya ang naging problema niya nang halos isang linggo at nawala siya nang ganoon na lang?
BINABASA MO ANG
Three Years Of December
Genel KurguDisyembre. Buwan kung kailan ko nakikilala ang taong akala ko, magpaparamdam sa 'kin na hindi ako nag-iisa. Buwan kung kailan nangyari ang mapagpanggap na pagmamahalan. Buwan kung kailan niya ko iniwan. -3 Years of December. @augustusaugustin