Siya

24 1 0
                                    

Bumukas ang tanging pinto palabas rito at pumasok siya. May dala siyang tray ng pagkain at inilapag niya iyon sa mesa sa tabi ng higaan namin.

“Buti gising ka na. Kainin mo na ito bago pa ito lumamig.”

Nilapag niya sa harap ko ang plato na may fried chicken at gulay sa gilid. Pagkatapos ay hinalikan niya ang noo ko at umupo sa harap ko.

Dati, kinikilabutan ako tuwing ginagawa niya iyon, minsan nagwawala o kaya naman naiyak pa. Ngayon, wala akong ginawa kundi ang tumango at kumain nang tahimik. Masarap ang pagkakaluto niya. Iyon at ang pagiging maalagain ang tanging gusto ko sa kanya pero dapat wala akong nararamdamang ganito. Siya naman ang dahilan kaya napipilitan akong makulong dito. Ang huling subok ko na takasan siya ay noong isang linggo lang.

Tinanggal niya kasi ang tali sa mga kamay at binti ko. Inakala niya na talagang sumuko na ako sa kanya pagkatapos kong sabihin na ako ay sa kanya lang. Nakatakbo ako hanggang sa hardin ng bahay niya ng may matigas na bagay na humataw sa likod ko at saka sinipa niya ang tuhod ko. May tunog akong narinig kasabay ang matinding pagsakit ng tuhod at likod ko. Tumumba ako at napadapa. Nabalian siguro ako. Gumapang ako papalayo kahit alam kong wala namang magagawa ang pagsubok ko nang itihaya niya ako at suntukin sa tiyan. Nawalan ako ng hangin at saka nakatulog.

Paggising ko, nandito na naman ako sa kama ng kwartong pinagkulungan niya sa’kin. Nakatali na naman ang mga kamay ko sa ulunan ng kama. Ang mga binti ko naman ay nakapatong sa isang mababang unan. Sinubukan kong igalaw ang kaliwang tuhod ko at doon ko naramdaman ang matinding sakit na parang kuryente.

‘Bali na siguro ang tuhod ko dito.’

Masakit din ang likuran ko. Tapos saka ko lang napansin na nasa tabi ko lang pala siya at mukhang galit na galit.

“Sa tingin mo ba, natutuwa akong saktan ka? Iniisip mo pa rin ba na matatakasan mo ako? Gaano ka na ba katagal na nandito ka?
Isang taon ka na ring nandito at ipapaalala ko ulit sa’yo na tumigil na sila na hanapin ka. At kung may magsusubok man, papatayin ko sila gaya ng lalaking iyon. Ayaw mo rin naman sigurong madamay ang pamilya mo di ba?” pagkatapos niyang sabihin iyon ay hinalikan niya ako sa may luha kong mga pisngi at tiniinan ang kaliwa kong tuhod.

“Aray! AH!”

Tumawa lang siya at iniwan na akong muling mag-isa dito sa kulungang nagbabalat kayo lamang bilang magandang kwarto.

Tayong Dalawa LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon