Chapter Thirty Nine

189K 2.6K 154
                                    

Pangatlong araw na ng burol ni Kuya. Ayaw sana akong papuntahin ni Maico dahil nga sa nangyari at mahigpit na bilin ng doktor na kailangan ko ng pahinga. Pero nagpumilit ako. Kahit naman ano pang nangyari, kapatid ko pa rin siya. Bukod doon, kailangan ako ng Lola at higit sa lahat ay si Gelai. Hindi na lang ako nagpupuyat at hindi nagkikikilos. Nakaupo lang ako sa sulok at inaalo ang pamangkin ko.

Ilang araw na ring hindi makausap si Gelai. Labis niyang dinamdam ang pagkawala ng ama niya. Hindi ko naman siya masisisi. Kahit naman hindi naging ulirang ama si Kuya eh alam kong minahal niya ng labis ang anak niya. Marami siyang naging pagkukulang pero naipadama niya sa anak ang pagmamahal na yun.

Niyakap ko  si Gelai na nasa tabi ko. Mugto ang mga mata niya sa kakaiyak. Titigil lang siya panandalian at maya-maya eh makikita na naman ang pangingilid ng luha niya.

Naisip ko ang anak ko. O mas akmang sabihin na sana'y naging anak ko. Sa totoo lang eh may hinanakit pa rin ako kay Kuya dahil sa nangyari. Pinatawad ko siya sa mga nagawa niya sa akin dati ng walang pagdadalawang isip pero ang nangyari sa laman ng sinapupunan ko? Hindi ko yun basta-basta makakalimutan na lang.

Hindi ko sinabi kay Maico kung ano talaga ang nangyari at dinugo ako ng mga oras na yun na nauwi sa pagkawala ng magiging anak namin. Pero alam ko, base sa mga galos ko nun eh alam na ni Maico kung ano ang nangyari. Hindi ko alam kung anong iniisip niya at hindi niya yun inuungkat. Siguro eh nag-aalala lang siya sa akin dahil nagiging emosyonal pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang pangyayari.

"Inaasahan ko nang ganito ang mangyayari kay James," narinig kong sabi ni Lola na naupo sa tabi ko. "Hindi ko lang inaasahan na ganitong kaaga."

Hinawakan ko ang kamay ni Lola at marahan iyong pinisil.

"Paano na ngayon niyan si Gelai? Nakaka-awa naman ang bata."

Pinag-iisipan ko rin ang bagay na yun. Paano na si Gelai ngayon? Hindi naman na ganun kalakas si Lola para mag-isang palakihin ang bata tulad ng ginawa niya sa amin noon ni Kuya. Alam kong ayaw iwanan ni Lola ang lupain dito pero hindi rin naman pu-pwedeng ako ang manatili dito sa probinsya dahil nasa syudad ang trabaho ko.

"Wag ho kayong mag-alala. Magagwan natin ng paraan ang problema kay Gelai."

Ilang sandali ring natahimik si Lola. Tila nag-iisip siya at may gustong sabihin na hindi niya mailabas. Maya-maya'y humigpit ang kapit ni Lola sa kamay ko. Napalingon ako sa kanya. Nakatingin siya sa akin at kita ko ang awa sa mga mata niya.

"Humihingi ng tawad ang kapatid mo," aniya.

Kunot noo akong nagtanong. "Para saan naman po?" pagkasabi nun ay iniwas ko ang tingin ko at inalis ang kamay ko sa pagkakahawak niya. Alam ko kung ano ang tinutukoy ni Lola.

"Kahit na hindi siya naging mabuting kapatid sa'yo ay alam kong minahal ka rin naman niya," sabi ni Lola habang hinahaplos ang kamay kong nakakapit ng mahigpit sa hita ko. "Nang dumating siya rito ay umiiyak siya. Ang sabi niya, pinagsisisihan niya raw ang nagawa niya sa iyo. Noong una ay hindi ko naintindihan kung anong ibig niyang sabihin pero ngayong narito ka at nalaman ko ang nangyari sa'yo ay alam ko na kung anong ibig niyang sabihin."

"Problemadong-problemado siya nun sa pagkaka-utang niya na yung pananalita niya eh tila nagpapa-alam na sa  akin," pagpapatuloy ni Lola. "Hindi ko naman siya matiis kaya naman ibinigay ko sa kanya ang ipon ko mula sa ibinibigay mo sa akin buwan-buwan. Hindi yun sumapat sa kailangan niyang halaga pero humigit na iyon sa kalahati. Ang sabi niya'y pakikiusapan niya na lamang ang mga taong iyon para bigyan siya ng palugit sa natitirang halaga."

Nakita ko ang pagtulo ng luha sa mga mata ni Lola. "Bago siya umalis, ibinilin niyang hingin ko sa iyo ang pagpapatawad mo kung sakali mang may mangyaring masama sa kanya." Nagpunas ng mga luha si Lola at tumingin sa akin. "Apo, alam kong mahirap pa rin pa sa iyo ang patawarin siya ng ganun na lang dahil sa nangyari sa bata sa sinapupunan mo pero sana dumating din ang oras na mapatawad mo ang kapatid mo."

Naramdaman ko ang pag-agos ng luha sa mga mata ko. Mula nang dumating ako rito ay ito ang unang beses na umiyak ako.  Pakiramdam ko kasi eh manhid na ako sa kakaiyak noong nasa ospital pa ako. Walang patid yun kahit na hindi iniwan ni Maico ang tabi ko. Pakiramdam ko pa rin kasi ng mga oras na yun ay may malaking bahagi ng pagkatao ko ang nawala.

Oo isang araw pa lang mula ng malaman kong nagdadalangtao ako pero pakiramdam ko eh napakatagal na nun. Ang sarap kasi sa pakiramdam na naibigay ko sa wakas kay Maico yung gustong-gusto niya tapos sa isang iglap lang, nawala yun lahat.

________

Tahimik lang ako habang nakaakbay sa akin si Maico. Huling gabi na ito ng burol at bukas na ang libing. Binabantayan niya ako na hindi ako masyadong magpagabing gising dahil baka makasama yun sa akin.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko sa mga sandaling ito. Sa tuwing makikita ko kasi si Maico pakiramdam ko eh bumabalik yung sakit ng pagkawala ng anak namin. Kaya nga madalas eh iniiwasan ko na lang siya. Hindi lang ako naka-iwas sa ngayon dahil umakbay agad siya sa akin pagkakita niya.

"Matulog ka na, Beauty."

"Maya-maya na."

"Please, wag namang matigas ang ulo mo. Nag-aalala ako lalo sa'yo eh," inalis niya ang pagkaka-akbay sa akin at hinawakan ako sa magkabilang pisngi.

"Maico..."

"Please."

"Hindi ko yata kayang magpakasal..." nasabi ko bigla.

Napabitaw siya sa akin. Kita yung shock sa mukha niya.

"You're not breaking up with me are you?" malamlam ang mga matang tanong niya sa akin.

"I just think I need space. Mag-iisip muna ako," tumayo ako at naglakad papunta sa kwarto ko.

Naramdaman ko ang pagsunod niya hanggang sa makarating kami sa harap ng pinto ng kwarto. Hindi ko pinansin ang presensiya niya pero hinayaan ko siyang makapasok din sa loob. Direderetso akong naupo sa gilid ng kama.

"We can move the date of our wedding if you like," aniya habang nagi-squat ng upo sa harap ko.

Nag-isip ako sandali saka tumango. Tila nakahinga naman siya ng maluwag at inabot ang dalawang kamay ko saka inilapit yun sa bibig niya.

"We can get through this... I love you."

Ngumiti ako ng bahagya saka kinuha na ang mga kamay ko mula sa kanya. Dahan-dahan akong nahiga at tumayo na rin siya para alalayan ako. Siya na rin ang kumuha ng kumot at inilatag yun sa katawan ko.

"Good night, Beauty," hinalikan niya ang noo ko saka mabilis na tumalikod. Pinigilan ko ang braso niya at agad naman siyang tumingin.

"Salamat," sabi ko.

Ngumiti pa siya muli saka tuluyan nang lumabas ng kwarto.

to be continued...

The Nerdy Rebound GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon