KABANATA 2 "ATROS"

575 7 0
                                    

                Anim na taong gulang na si Kael nang maramdaman niya kakaiba siya sa mga ibang bata.

Lagi siya may nakikitang mga bagong mukha ng tao sa kanilang lugar, na hindi napapansin ng mga kasama niya. Madalas siya nakakarinig ng panaghoy sa gitna ng gabi. Inakala niyang normal lamang ito.

Isa sa mga kakaibang karanasan ni Kael na hindi-hindi nya makakalimutan ay ang tinatawag na “atros” sa kanilang lugar.

Maaga silang natulog noong gabing iyon. Setyembre noon kung kayat nanunoot sa dingding ng bahay nilang sawali ang lamig ng habagat. Balut na balut ng kumot ang kanyang katawan. Nasa kabilang kwarto ang kanyang apat na taong gulang na kapatid na babae, kasama ang kanyang lola. Samantalang nasa ibaba naman ng bahay ang kanyang mga magulang.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Maya-maya’y meron siyang narinig na tila kariton na dumadaan sa kalsada. Naalala niya tuloy ang kwento ng kanyang lola. Meron daw kinatatakutang maligno sa kanilang lugar. Ito iyong tinatawag na “atros”. Isa itong kalesa na ang hinete ay walang ulo. At ang laman sa loob ay pulos pinutol na ulo ng tao. Ang sino mang makakita rito ay mamamatay. Kaya ang kabilin-bilinan ng matatanda sa kanila, pag narinig ang “atros” ay huwag na huwag itong tatangkahing tignan o silipin. Meron din grupo ng mga maliliit na tao, na nakasakay sa maliliit na kabayo. Maririnig ang tunog ng kanilang tambol, hudyat ng kanilang pagdaan sa isang lugar. Madalas naririnig ang tunog ng tambol o ang kalesa ng mga “atros” bago may mamatay sa kanilang lugar. At malimit, pag may isang namatay—sunod-sunod ito.

Noong gabing iyon, natiyempuhan ni Kael ang pagdaan ng sinasabihing maligno sa kanilang lugar. Rinig na rinig niya ang kahoy na gulong ng kariton habang umiikot ito sa konkretong kalsada. Pakiwari niya’y palapit ng palapit sa kanyang higaan ang kariton. Hindi niya maigalaw ang kaniyang buong katawan. Tagaktak ang kaniyang pawis. Parang napakatagal ng pagdaan ng “atros” sa tapat ng kanilang bahay. Hanggang sa makatulog na siya.

Kinabukasan, nagulat siya ng magkwento ang kaniyang kapatid. Narinig din daw nito na may dumaang kariton noong gabing iyon. Nagtinginan na lamang ang kanilang mga magulang at lola.

Nag-gayak na papuntang eskwelahan si Kael. Pagdating sa eskwela’y naabutan niya nagkwekwentuhan ang kanyang mga kaklase, ang kanyang kapitbahay na si Ruby ang nagsabing narinig din niya ang pagdaan ng kariton kagabi. Dito’y napagtanto ni Kael na hindi lamang ordinaryong kwentong pantakot sa mga bata ang tinuran ng kanyang lola. Nakabase ito sa totoong nangyayaring kababalaghan sa kanilang lugar.

 Natapos ang isang araw sa eskwela na naglalaro sa murang isip ni Kael ang hiwaga sa kanilang lugar. At pagdating niya sa kanilang bahay. Malungkot na ibinalita ng kanyang ina, na pumanaw na ang si Tata Tino, ang kinagigiliwang matanda ni Kael na nakatira sa tapat lamang ng kanilang bahay.

MATATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon