Prologue

5K 115 3
                                    

Palabas na sila ng court room. Nakaakbay sa kanya ang kanyang mabait na abogado mula sa Public Attorney's Office na si Atty. Liezl Abayon habang iginigiya siya nito patungo sa hagdan. Nasa second floor kasi ng building ng Regional Trial Court na iyon ang sala ni Judge Cruz.

"Calm down," alo sa kanya ng abogado. Kanina pa kasi siya iyak nang iyak magmula nang marinig ang hatol ng judge sa kasong murder na kinaharap niya ilang buwan na ang nakakalipas. "You were acquitted by the court. This is something to be rejoiced about. Dapat ay nagtatatalon ka sa tuwa ngayon."

"Wala naman talaga akong kasalanan, Atty. Aksidente ang pagkakahulog ni Tiya Sonia sa hagdan. Gusto niya kasi akong saktan, idinepensa ko lang ang sarili ko hanggang sa nadulas siya."

"Naniniwala ako sa iyo. Self-defense ang ginawa mo nang tangkaing saktan ka ng iyong madrasta. At nakita rin iyon ng korteng ito kaya nga pinawalang sala ka ni Judge Cruz." Bahagya pang pinisil ng abogada ang kanyang balikat. Palabas na sila ngayon ng building.

"Pero paano naman ang dangal at dignidad ko na niyurakan nang akusahan nila ako ng pagpatay? Maibabalik pa ba iyon?"

"Hindi na," isang tinig ng lalaki ang narinig nila mula sa likuran. Nang lumingon siya ay nakita niya si Marco Salgado, ang nag-iisang anak ni Sonia, step-brother niya. Galing din ito sa court room. Maaaring nang lumabas sila ay sinundan sila nito. "Ang kriminal ay kriminal kahit ano pa ang gawin mong paghuhugas-kamay. Huwag ka nang umasa na makakalimutan ng pamilya namin ang ginawa mong ito."

"Alam mong hindi ko sinasadya ang nangyari, Marco." Muling bumulwak ang luha sa kanyang mga mata.

"Ano'ng hindi sinasadya? Ang sabihin mo, galit ka kay mommy dahil sa inaakala mong pag-agaw niya sa tatay mo. Ang kapal ng mukha mo. Matapos ka naming kupkupin nang maglayas ka sa nanay mo dahil diumano ay pinagtangkaan kang halayin ng stepfather mo, ito pa ang iginanti mo sa mga taong nagmalasakit sa iyo? Siguradong kung buhay lang ang tatay mo, siya pa ang nagpakulong sa iyo."

"Stop it, Mr. Salgado," sansala nang hindi nakatiis na abogada ngunit hindi ito pinansin ng galit na galit na lalaki.

Ngunit tila walang narinig si Marco. "Ito ang tandaan mo, Selene Samonte," sabi nito sabay duro sa kanya. "Isinusumpa ko ang araw na tumuntong ka sa pamamahay namin at nagmakaawang kupkupin ka dahil wala kang mapuntahan. Mas lalo naman ang araw na walang awa mong kinitlan ng buhay ang aking ina. Kung kaya, isinusumpa ko sa pangalan niya, pagbabayarin kita. Susundan kita saan ka man magpunta upang singilin sa kawalanghiyaan mo. Lintik lang ang walang ganti."

Lalong nagsikip ang dibdib niya. Kinailangan niyang sumigaw upang pakawalan ang sakit at pagkapahiyang umaalipin sa buo niyang pagkatao. "I didn't kill your mother, Marco. Wala akong kasalanan. Wala akong kasalanaaannn..."

My Drifting Star (To Love, To Serve and To Protect Series Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon