Natigil ang tawanan nilang magkaibigan nang biglang tumunog ang cell phone na nasa bulsa ng suot na shorts ni Selene.
Hindi niya kilala ang number pero sinagot pa rin niya ang tawag. "Hello!"
"Selene Samonte?" Tinig ng lalaki ang nasa kabilang linya.
"Yes, speaking!" Kinabahan siya. Tahimik lang si Isadora habang nakikinig sa kanya.
"Masakit bang makitang nasasaktan ang isang kaibigan?"
"Ano'ng ibig mong sabihin? Sino ka ba?"
"Kilala mo ako, Selene Samonte. Kilang-kilala..."
"Okay. So what do you want?"
"Your life. Pero hindi ko mamadaliin iyon. Alam kong mahirap kang lapitan dahil sa katayuan mo ngayon. Kaya iisa-isahin ko muna ang mga taong nagpoprotekta sa iyo."
"Linawin mo nga ang sinasabi mo," sigaw niya. Ngunit makahulugang humalakhak lamang ang lalaki.
Nanlalambot na nabitiwan niya ang cell phone. Agad namang nakahalata agad si Isadora. "Problema ba? Sino ang tumawag?"
"W-wala, Isadora,"pagsisinungaling niya. Ayaw niyang bigyan pa ng alalahanin ang kaibigan dail sa kasalukuyang kalagayan nito.
"Anong wala? Eh, halatang-halata na may problema ka. Huwag mo na akong paglihiman, honey girl. Alam na alam ko ang likaw ng bituka mo. Para ano't naging magkaibigan tayo kung hindi mo ipagtatapat sa akin ang kung anomang gumugulo sa isip mo ngayon?"
Napalunok siya. Ang totoo'y noong isang araw pa talaga siya litong-lito mula nang makita niya sa restaurant si Marco Sandoval. At ngayon nga ay malakas ang loob niya na ito ang tumawag kanina.
"Isadora, ayokong bigyan ka ng alalahanin pero palagay ko ay may karapatan ka ring malaman ito," simula niya.
"Ang ano 'yon?"
"Natatandaan mo si Marco Sandoval? Iyong ikinuwento ko sa iyo dati?"
"Oo. Iyong manyakis na stepbrother mo na nang hindi nagawa ang gusto sa iyo ay pinagbintangan kang pumatay sa malupit niyang ina? Pero matagal na iyon, di ba? Halos sampung taon na yata. Bakit ba?"
"Isadora, nakita ko siya noong isang araw habang nasa loob kami ni Paris ng isang resto."
"Sus, baka naman kamukha lang. Ang tagal na mula nang huli kayong nagkita, imposible namang natandaan ka pa niya at ikaw naman ay nakilala pa siya."
"Hindi ako maaaring magkamali, Isadora. Siya talaga iyon. At tingin ko ay sinusundan niya ako. Ngumisi pa nga siya nang magtama ang aming mga mata."
"O sige, siya na nga iyon. Ngayon, ano'ng konek sa tumawag sa cp mo ngayon? Huwag mong sabihing..." Unti-unting nawalan ng kulay ang mukha ni Isadora.
"Tama ka, Isadora. Siya ang tumawag sa akin ngayon. Hindi ko masyadong kilala ang boses pero malakas ang kutob ko na siya iyon dahil pinagbantaan niya ako."
"Ano'ng sabi niya?"
"Tinawag muna niya ako sa aking pangalan. Tapos tinanong niya kung nasasaktan daw ba ako na nakikitang nasasaktan ang aking kaibigan. Sabi niya, he needs my life pero hindi niya magagawa agad iyon dahil sa katayuan ko ngayon kaya iisa-isahin niya ang mga taong nagpoprotekta sa akin."
"Talaga?" lalong namutla si Isadora. "Hindi kaya may kinalaman ang Marcong iyan sa pambubugbog at tangkang pagpatay sa akin?"
Nagsikip ang kanyang dibdib sa narinig. "Mukhang may point ka sa sinabi mo, Isadora."
"Kung ganoon ay kailagang malaman agad ito ng mga pulis."
"Huwag," malakas niyang sabi.
"At bakit?" maang na tanong ni Isadora.
"Alam mo kung ano ang mangyayari kapag ipinaalam natin ito sa mga pulis. Siguradong aalamin nila kung ano ang motibo ni Marco, at makakalkal ang isang lihim na matagal ko nang itinatago."
"Alin? Ang nakasuhan ka ng murder sa isang kasalanang hindi mo naman ginawa?" mataray na tanong ni Isadora. "Eh, ano naman ngayon? Na-acquit ka naman, hindi ba? Nilinis ng hukuman ang iyong pangalan."
"Tama ka. Pero ayaw ko nang balikan iyon, Isadora. Ayoko na."
"Away mo o natatakot ka sa maaaring sabihin ng mga tao? Lalo na ni Senior Inspector Paris Montejano?"
"Isadora,' hirap na sabi niya. "Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Ang mas importante sa akin ay ang pingdadaanan ko. Alam mo naman kung ano ang mga ibinunga ng mga masasakit na pangyayaring iyon sa buhay ko. At hanggang ngayon ay dinadala ko pa rin iyon hindi lang sa aking puso't utak, kundi maging ng kaluluwa at buo kong pagkatao."
Napabuntong-hininga si Isadora. "Alam ko. At nauunawaan kita. Pero ano'ng gagawin mo? Habambuhay ka na lang bang magtatago? Paano kung hindi mo na matakasan ang Marcong iyon? Hindi sa lahat ng oras ay kaya itong protektahan, honey girl. Tingnan mo nga kung ano'ng nangyari sa akin? Ni hindi ko kayang ipagtanggol ang sarili ko."
"I'm sorry, Isadora. Nadamay ka pa sa problema ko."
"It's okay, honey girl. Hindi naman kita sinisisi sa nangyari. Saka hindi pa naman siguradong may kinalaman ang Marcong iyon sa nangyari sa akin. Pero ang mas importante ngayon ay ang kaligtasan mo. Kailangan mo ng proteksyon ng isang pulis. At si Senior Inspector Montejano ang makapagbibigay noon."
Natahimik na lang siya. Mapapayagan ba niyang malaman ni Paris ang kanyang nakaraan? At kung sakaling malaman nito, matanggap pa rin kaya siya nito sa kabila ng lahat? At makakaya ba niyang ilagay sa panganib ang buhay ng binata?
"O, ano? Ipapaalam na natin kay Captain Montejano ang tungkol kay Marco Sandoval at ang tungkol sa banta sa buhay mo?"
Napabuntong-hiniga siya. "Huwag muna, Isadora. Nakikiusap ako. Baka sakaling maayos ko pa ito."
Ginagap ni Isadora ang kanyang mga kamay at mariing pinisil iyon. "Ikaw ang bahala, Selene. Tutal, buhay mo naman iyan. Pero kapag totoong nalagay na sa panganib ang buhay mo, hindi ako magdadalawang-isip na tawagan si captain Montejano. Ayokong mawala ka, honey girl. Ikaw na lang ang meron ako. Hindi ko alam ang gagawin kapag nawala ka sa buhay ko."
"Ako din, Isadora. Ikaw na lang din ang meron ako. At ayokong mawawala ka rin. Susubukan ko munang ayusin ito. Kapag hindi ko ito kayang lusutan, hihingi na ako ng tulong kay Paris."
"Good girl," ngumiti si Isadora. "Sa ngayon, ang dapat nating gawin ay sundin si Captain Montejano. Kailangan nating magdoble ingat. Lalo ka na. Huwag na huwag kang aalis ng bahay nang walang kasamang escort. At kung hindi naman kailangan, mas makabubuting dito ka na lang. Marami naman akong wedding coordinators na puwedeng gumawa ng trabaho mo. Pinakamahalaga sa lahat ang kaligtasan mo, honey girl."
Ngumiti na rin siya sabay yakap sa kaibigan. Ganito ang ginagawa niya kapag may problema siya. Niyayakap lang niya si Isadora at sapat na ang mga balikat nito upang mapawi ang lahat ng agam-agam niya.
Pero hindi ngayon. May hatid na kilabot ang pagku-krus muli ng landas nila ni Marco Sandoval. Alam niya kung gaano kahalang ang kaluluwa ng lalaking iyon. Nasangkot ito noon sa iba't-ibang krimen sa Davao. At natatakot siya hindi lang para sa kaniyang sarili, kundi maging sa mga taong malalapit sa kanya, kabilang na si Captain Paris Montejano.
![](https://img.wattpad.com/cover/67677695-288-k130708.jpg)
BINABASA MO ANG
My Drifting Star (To Love, To Serve and To Protect Series Book 2)
RomanceI was adrift in my own battle against the madness of the past. I was as fragile as the thin air that envelops my weakened soul. But the fire of your passion to love me and to protect me made me breathe life again. Now, I am feeling reborn, free a...