Chapter 20
KEI'S P.O.V
December 24 na ngayon at kararating lang namin sa bahay nila Kyle. Ang ganda ng bahay nila, puro salamin. Kitang-kita yung loob nito, at sobrang liwanag din dahil sa Christmas lights.
"Ready?" Nakangiting tanong niya bago kami bumaba ng kotse niya. Tumango ako. Dinala niya yung regalo ko para sa parents niya pati yung mga ireregalo niya.
Pagpasok namin sa loob sinalubong kaagad kami ng mga kapatid niya.
"ATE KEI!!!" Excited na sigaw nilang apat. Nakakatuwa dahil pakiramdam ko welcome na welcome ako sa kanila. Humalik sila sa pisngi ko, pagkatapos isa-isa naman silang hinila ni Kyle at hinalikan niya sa noo ang mga ito.Napangiti ako. Ang sweet niya talaga kahit sa mga kapatid niya.
"Kuya! Yung regalo mo sa akin ha!!" Sigaw ni Anne.
"KPOP concert?" Natatawang sabi ni Kyle saka kinuha yung wallet niya at inilabas doon ang dalawang ticket ng KPOP concert. Nakita ko naman ang excitement sa mata ni Anne.
"Woohoo! Thank you, Kuya! The best ka talaga!" Sigaw nito.
"Basta ako okay na sa akin ang pera," pagpaparinig ni Misha at Cassandra. Nakakatuwa silang tignan.
"Mamaya na kayo. Asan ba si Love?" Natatawang sabi ni Kyle.
"Daya mo! Nasa kusina sila ni Daddy!" sigaw ni Misha. Si Kesiah naman ngiting-ngiti dahil inabot sa kanya ni Kyle yung isang pair ng sapatos. Kasama ako ni Kyle nung binili namin 'yon.
Hinila ako ni Kyle papunta sa kitchen nila. Amoy na amoy ko yung niluluto ng Mama niya. Napangiti ako nang madatnan namin sila na sinusubuan ng Mama niya ang Daddy niya ng pagkain.
"Sweet talaga." Natatawang sabi ni Kyle habang yakap ako sa bewang.
Humarap ang Mama at Daddy niya, at nginitian nila ako.
"Nandito na pala kayo! Tamang-tama, matatapos na 'tong niluluto ko." Nakangiting sabi ng Mama niya. Lumapit ako sa kanya at humalik ako sa pisngi niya.
"Good evening po Tita, Tito. Merry Christmas po!" Nakangiting bati ko. Si Kyle naman niyakap agad ang Mama niya at hinalikan ito sa noo.
"Merry Christmas, hija. Buti nakarating ka," masayang sabi ni Tita Sabrina na siyang nginitian ko.
"Love, pupunta daw ba sila Lola?" tanong ni Kyle.
"Nako hindi, masyadong malayo ang biyahe kapag pumunta pa sila dito. Sabi ko naman bukas tayo pupunta, dun tayo lahat matutulog. Ikaw, hija, gusto mong sumama?" tanong ng Mama niya.
Umiling ako.
"Pasensya na po pero uuwi po kasi ako bukas sa Laguna," sabi ko.
"Sayang naman, kung ganon sa New Year na lang?" sabi ng Daddy niya. Tumango na lang ako. Hindi pa ako sure kung sa Laguna ako magbabagong taon, kadalasan kasi may pasok pa rin kami n'on kahit New Year.
Katatapos lang namin kumain. Nakikipaglaro si Kyle ng Xbox sa mga kapatid niya. Ang kulit nga nila eh!
Nandito ako ngayon sa kwarto ng Mama at Daddy niya. May ipapakita raw sa akin na picture ang Mama niya.
"Eto na hija!" masayang sabi ni Tita. Umupo siya sa tabi ko. Naibigay ko na rin yung regalo ko sa kanila, at gagamitin daw nila yung comforter na bigay ko.
Binuklat ni Tita yung isang photo album. Napakunot ang noo ko nang makita ko ang isang baby na may nakakabit na tubo sa katawan at nasa incubator pa ito. Medyo maputla pa ito at sobrang payat.
"Si Kyle yan," nakangiting sabi ng Mama niya. Nanlaki ang mata ko.
"Po?"
"Hindi niya sinabi sayo noh? Ayaw niya kasing malaman ng ibang tao kung ano yung pinagdaanan niya nung baby pa siya, pero since girlfriend ka na niya sa tingin ko dapat mas makilala mo pa ang anak ko." Nakangiting sabi ng Mama niya. Hinimas ko yung picture. Bakit pakiramdam ko nasasaktan ako ngayong nakita kong ganito si Kyle dati?
"Premature baby si Kyle. 7 months pa lang siya ng ipanganak ko. Alam mo ba akala ko mawawala na siya sa akin? Pero masyadong matapang si Kyle, at lumaban siya hanggang sa gumaling na siya." Napansin kong namumuo ang luha sa mata ng Mama niya pero kaagad niyang pinahid ang luha doon.
Ikinuwento sa akin ni Tita kung bakit humantong sa ganun si Kyle. Masyado pa lang madaming pinagdaanan ang parents ni Kyle bago pa sila maging maayos. Kagaya ng sinabi niya sa akin noon, sobrang bata pa niya nung ipinagbuntis niya si Kyle, 16 years old.
Hindi ko akalain na ang isang Kyle Cando na ubod ng gwapo at bolero ngayon ay may pinagdaanan pa lang malala simula baby pa lang siya. Hindi biro yun ha? Tumitigil ang paghinga ni Kyle sa loob ng 15 seconds nung bata pa siya. Mahigit tatlong buwan siya sa ospital para lang mabuhay. Tapos kaya pala Love ang tawag sa kanya ni Kyle dahil nung bata pa lang si Kyle hilig na niyang gayahin ang Daddy niya. Yung Love kasi ang endearment ni Tito Michael kay Tita Sabrina, at simula raw ng marinig ni Kyle na 'Love' ang tawag sa kanya ni Tito Michael, 'Love' na rin ang itinawag sa kanya nito. Sobrang cute siguro ni Kyle nung bata pa siya kapag nangungulit.
"Baby pa lang si Kyle, alam ko ng hindi siya basta basta sumusuko, kaya naman nung naikwento ka niya sa amin, alam kong hindi rin siya susuko hangga't hindi ka niya napapasagot. Tignan mo naman ngayon. Masayang-masaya kayong pareho." Nakangiting sabi ni Tita Sabrina. Totoo naman 'yon. Si Kyle yung tipo ng lalaki na mahirap pasukuin lalo na at gusto niya ang ginagawa niya.
"Alam mo bang bukod dun kay Tine na muntik nang ikasal kay Kyle dahil sa kasinungalingan ng mga magulang niya, ikaw pa lang ang sunod na nakilala namin. Siguro nga madami nang naging girlfriend 'yang si Kyle, pero ikaw lang talaga ang bukang-bibig niya palagi kahit na noong hinahanap ka pa lang niya." Nakangiting kwento ng Mama niya. Hindi ako makapaniwala na talagang ikinukwento ako ni Kyle.
"Bata pa lang 'yan si Kyle, talaga namang gustong-gusto ka na niya. Akala ko nga nung una biro-biro lang 'yon kasi bata pa, pero nung nagbinata na, lalong lumala yung pagka-gusto niya sa'yo."
Napapangiti ako sa mga kwento ng Mama niya sa akin.
Tinignan ko pa yung ibang pictures niya nung bata pa siya. Nakita ko rin yung kasal nila Tita Sabrina. Nakakatuwa lang dahil ang kulit ng mga kuha ni Kyle d'on.
"Love?" Narinig kong tawag ni Kyle mula sa labas ng kwarto.
"I'm here, baby!" sigaw ng Mama niya.
Pumasok si Kyle sa loob ng kwarto. Napangiti ako nang makita kong nagpalit siya ng damit, at suot na niya ngayon yung regalo ko sa kanyang polo shirt na pink.
"Pinakita ko kay Kei yung mga pictures mo." Nakangiting sabi ng Mama niya. Tumabi sa akin si Kyle.
"Edi lalo kang na-inlove sa akin?" Natatawang sabi ni Kyle.
"Kapal mo ha!" sigaw ko sa kanya. Narinig ko namang tumawa ang Mama niya.
"Ay! Bago ko makalimutan Kyle, bakit hindi mo ipakita kay Kei yung picture niya na kinuha mo dun sa teacher niyo nung kinder pa kayo?" Nakangiting sabi ng Mama niya. Naalala ko sinabi niya sa akin dati 'yon na kumuha siya ng picture ko d'on sa teacher daw namin.
Narinig kong tumawa si Kyle. Hinila niya ako palabas ng kwarto ng Mama niya at pumasok kami sa kwarto niya.
Ang bango ng kwarto niya at sobrang linis. Hindi pa ba ako nasanay sa malinis niyang unit? Napansin ko kaagad yung isang class picture na nasa frame. Nakapatong 'yon sa side table ng kama niya. Kinuha ko 'yon at napangiti ako nang makita ko kaagad siya dun sa class picture. Tama nga siya magkaklase nga kami nung kinder, at ako nga itong nasa gitna na katabi ng isang teacher. Masyadong mapagpahalaga si Kyle. Hindi ko maisip na pati itong class picture na kasama niya ako naka-frame pa talaga.
"Kahit nung mga bata pa lang tayo maganda ka na talaga." Pambobola niya. Napailing na lang ako. Binuksan niya yung drawer ng side table niya saka kinuha ang isang picture na naka-laminate pa.
"Here..." Umupo siya sa kama niya, at hinila naman niya ako para maupo ako sa hita niya. Nakayakap siya sa bewang ko habang hawak niya yung picture. Hinalikan niya ang leeg ko at napangiti ako dahil d'on.
"Ito yung picture mo na kinuha ko sa teacher natin." Natatawang sabi niya. Hinawakan ko yung picture na 'yon. Nakasuot ako ng short at simpleng sandong kulay puti d'on sa picture.
"Stalker talaga kita." Natatawang sabi ko.
"Ang gwapo ko namang stalker." Sabi niya.
Tinawanan ko naman siya. Naalala ko yung picture na nakita ko kanina, nung 7 months pa lang siya.
"Kyle, wala ka ng sakit, 'di ba?" tanong ko sa kanya.
"Wala, baby. Sabi ko na nga ba ipapakita sayo ni Mama yung picture na 'yon. Wala na, magaling na ako. Nakakahiya man, pero baby, hikain ako dati." Natatawang sabi niya.
"Pero wala ka ng hika, 'di ba?"
Umiling iling siya.
"Wala na baby, don't panic. Nag-e-exercise ako palagi. Yun nga lang nitong mga nakaraang araw hindi na ako nakakapag work out. Bukas paghatid ko sa'yo didiretso ako sa gym." Pagyayabang niya. Hinampas ko siya sa kamay niya. Narinig kong tumawa na naman siya. Kahit kailan talaga ang sexy niyang tumawa, lalaking-lalaki.
"Pero seryoso, baby, ito ang pinakamasayang Christmas ko. Kasama kasi kita," bulong niya at naramdaman kong humigpit ang yakap niya sa akin.
"Ako rin, Kyle." Nakangiting bulong ko.
Naramdaman kong inilagay niya sa kanang balikat ko ang buhok ko at napapikit ako nang halikan niya ang batok ko.
"I love you so much, baby." Bulong niya ng hindi inaalis ang labi niya sa batok ko.
"I love you."
BINABASA MO ANG
Akin Ka [Published under Sizzle/Summit Media]
General FictionMatagal nang pangarap ni Kyle ang pag-ibig ni Kei, ngunit mailap ang babaeng ilang taon na niyang sinusuyo. Mapapatunayan ba ni Kyle na ang lalaki na tunay na nagmamahal, kayang gawin ang lahat para sa babaeng mahal niya? Kahit na ang pagmamahal na...