One

18.9K 270 21
                                        

LABING-DALAWANG TAONG GULANG pa lamang ako noon nang maranasan ko ang sinasabi nilang identity crisis. Napapansin ko kasi noong una na parang may mali sa nararamdaman ko sapagkat kahit kailan ay hindi ko naranasang magkagusto sa isang lalaki. Lahat ng mga kaibigan at kaklase kong babae noong high school ay halos mayroong mahabang listahan ng mga crush nilang kalalakihan na hindi ko naman maintindihan kung bakit ni isang crush na lalaki noong una ay wala ako. Sa madaling salita, hindi ako makasabay sa kanila dahil pakiramdam ko ay may kakaiba sa akin na hindi ko maipaliwanag ng husto.

Ngunit, isang araw, nang maganap ang culmination namin ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin dahil sa wakas ay nakahanap din ako ng kasagutan sa samu't saring mga tanong ko sa aking sarili.

Kasali noong araw na iyon ang kaklase kong si Miranda Palma sa isang pageant. Maraming mga kalalakihan sa aming paaralan ang halos ilabas na pati kanilang mga bituka sa kasisigaw ng pangalan ni Miranda. Syempre, sino ba ang hindi mababaliw noon sa kagandahang taglay ng isang Miranda Palma? At saka, hindi lang 'yon maganda, mabait at matalino na rin.

Habang pinapanood ko noon si Miranda sa itaas ng entablado na rumarampa ay hindi ko mapigilang mapangiti at mapatulala na lamang. May kakaiba akong nararamdaman sa puso ko na hindi ko alam, 'yon bang parang gusto ko siyang makausap at maging ka-close man lang kahit sandali.

Alam kong bata pa ako noon pero may ideya na ako kung ano ang nangyayari sa akin sa mga oras na iyon. Gano'n na lamang kadali akong nahulog kay Miranda na hindi ko namamalayan.

Nakakagulat mang nagkagusto ako sa isang babae sa kauna-unahang pagkakataon ngunit sa panahong iyon ay mas lalo ko pang natanggap at nakilala ang sarili ko. Alam kong mali sa paningin ng iba pero tama ang nararamdaman kong iyon para sa sarili ko. Ngunit sa kabila ng kasiyahang iyon sa puso ko ay mas lalo namang nananaig ang takot na umamin ako sa pamilya ko. Natakot akong mahusgahan nila at hindi matanggap ang buo kong pagkatao kaya ang nangyari matagal na panahon kong inilihim itong aking sikreto.

"Arianne, anak. Heto, bagay 'to sa'yo." Sabi ni Mama sa akin habang inaabot ang isang sleevless na damit na mayroong sangkatutak na print na mga bulaklak.

Napahilot na lamang ako sa sentido nang makita ko ang damit na iniaabot sa akin ni Mama. Sa dalawampu't isang taon kong pamumuhay dito sa mundo ay hanggang ngayon pinipilit pa rin ako ni Mama na isuot ang mga damit na hindi naman pasok sa panlasa ko.

Mula pa noong bata ako ay wala akong hilig sa mga kikay na damit. Mas gusto ko 'yong istilo ng damit ng mga lalaki kasi mas komportable akong suot 'yon.

Kinuha ko 'yong damit kay Mama at tinignan ito nang paulit-ulit. Iniisip ko pa lang na susuotin ko 'to ay parang masusuka na ako sa sobrang sagwa. Hindi ko kayang isuot ang ganitong klaseng damit kaya ibinalik ko ito sa kanyang lalagyan at pumunta ako sa may Men's Section. Tumingin-tingin ako ng mga damit doon at may isang damit ang pumukaw sa atensyon ko, isang white t-shirt na mayroong print ng watawat ng United States of America. Kaagad ko naman itong kinuha at ipinakita iyon kay Mama.

"Ma, ito ang gusto ko." Nakangising wika ko sa kanya habang ipinapakita ang natitipuhan kong damit.

Nalukot ang mukha ni Mama pagkakita sa damit na gusto ko. Umiling-iling ito at inagaw sa akin ang hawak kong damit at saka naman niya ibinalik ito sa dating lalagyan.

"Hindi natin 'yan bibilhin," mariing wika ni Mama. "Tignan mo nga ang sarili mo Arianne parang hindi ka babae kung manamit, dinaig mo pa ang Kuya Alrick mo." Mahinang sermon pa nito sa akin ngunit nadidinig pa rin ng iba naming mga kasabay dito sa mall.

Tama naman talaga si Mama, dinaig ko pa ang nakakatandang kapatid ko na si Kuya Alrick dahil jologs 'yon manamit.

Napansin ko namang binalikan ulit ni Mama sa may lagayan ang kaninang damit na ibinalik ko. "Ito ang bibilhin natin," pag-uulit pa niya at naglakad na ito patungong counter upang magbayad.

"Mama naman..." tanging nasambit ko na lamang at napakamot sa ulo ng dahil sa inis. Kahit kailan talaga ay hindi ko pa rin magawang manalo kay Mama. Pero bahala na, hindi niya pa rin ako mapipilit na suotin ang damit na iyon.

Kissing Ashley (Revising)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon