SAMBAKOL ANG MUKHA KO nang makalabas ako ng kwarto. Kung hindi ba naman isa’t kalahating gago ang kapatid kong iyon para ipadinig kay Mama ang salitang lesbian. Kapag talaga narinig ‘yon ni Mama, aba ewan ko na lang, baka takasan na ako ng dugo mamaya dahil sa labis-labis na kaba. Kasalanan talaga ‘yon ng kapatid ko.
“Magandang gabi, hija.” Bati sa akin ni Ninang Martha na parang maghahapunan lang sa isang five star restaurant dahil sa suot nitong damit. Nakipagbeso-beso naman sa akin si Ninang Martha na kaagad ko namang tinanggap, may pagka-sopistikada rin kasi itong si Ninang Martha parang ang taas lagi ng standard na hindi mo maabot.
Nang magkalayo na kami ni Ninang ay siya namang pagsingit ni Reynan na mas lalong nagpapakulo ng dugo ko. Bukod sa inirereto siya sa akin ni Mama, naiinis din ako sa kanya dahil sa sobrang yabang nito na pati makahiya ay mahihiya na rin sa kanya.
Pinilit ko na lang din ang sarili ko na ngitian siya kahit labag sa kalooban ko. Ni hindi ko nga siya binati eh, para naman maramdaman niya na ayaw ko talaga sa kanya. Para naman hindi ako magmukhang bastos sa harapan niya ay inabot ko na lamang ang kamay ko sa kanya upang makipag-kamay para sa pormalidad. Gayon na lamang ang paggapang ng kilabot ko sa katawan ng biglang hinawakan ni Reynan ang kamay ko sabay halik dito.
Putangina talaga!
Mabilis ko namang inagaw ang kamay ko kay Reynan at napalingon din ako sa likuran nang marinig ko ang paghagikhik ng tawa ni Kuya Alrick na nasaksihan ang kababuyang ginawa sa akin ni Reynan. Kung pwede lang ako manapak ngayon ay talagang ginawa ko na.
“Jusko, Arianne!” bulalas ni Mama nang makita niya ako. “Ba’t naman ‘yan ang sinuot mo?” dismayadong tanong nito sa akin.
Napatingin naman ako sa suot ko ngayon. Wala namang problema rito, ah? ‘Yong mga mata lang siguro ni Mama ang may problema kaya gano’n.
“Mama naman, hindi ba’t sinabi ko na noon pa na wala talaga akong hilig sa mga ganoong damit.” Reklamo ko pa na kaagad namang pinagitnaan ni Kuya Alrick para hindi na humaba ang usapan naming dalawa.
“Hayaan mo na si Ar-Ar, Ma.” Mahinahong sambit ni Kuya Alrick at pinandilitan naman siya ni Mama.
“Anong Ar-Ar, Alrick?” sita ni Mama sa kapatid ko. “Arianne ang pangalan ng kapatid mo.”
Napansin ko namang nakatingin na sa amin sina Ninang Martha kaya nakaramdam na ako ng hiya. Ano ba naman ‘to, gabing-gabi na pagkatapos ito pa ang eksenang aabutan nila sa aming mag-anak.
Nang huminahon na kaming lahat ay nagsimula na kaming maghapunan. Tahimik lamang kami pareho ni Kuya Alrick dahil wala naman kaming balak makisawsaw sa usapan ng mga matatanda. Si Reynan naman ay abala sa pagkain. Panaka-naka naman siyang kinakausap ng kapatid ko ngunit dinededma ko lang siya.
“Alam mo Martha, gustong-gusto ko talaga si Reynan para sa anak kong si Arianne.” Magiliw na sambit ni Mama na muntikan ko nang maibuga ang kinakain kong ulam. Pasimple ko namang tinignan si Reynan sa kabilang banda na ngingiti-ngiti pa dahil boto si Mama sa kanya.
“Ma...” saway ko sa kanya sa mahinang tono.
Napatingin naman si Mama sa aking gawi.“Bakit naman? Mabait naman si Reynan. Saka, wala pa namang nanliligaw sa’yo.”
Napatigil na ako sa pagkain. Nawalan na rin ako ng gana. Naputol na rin ang pisi na matagal na panahon ko nang kinakapitan.
“Hindi ko po siya gusto,” malamig na tugon ko kay Mama.
“Pero, anak...”
“Kahit kailan po ay hindi ko siya magugustuhan,” pagpapaliwanag ko pa ulit at tinignan ko sa aking gilid si Kuya Alrick na tahimik lamang sa pagkain.
“Bakit, Arianne?” singit na ni Reynan sa usapan na mukhang dismayado sa kanyang narinig. “Alam mo namang matagal na kitang gusto.”
Binitiwan ko na ang hawak kong kutsara’t tinidor. Matagal na pinroseso ng utak ko ang susunod na sasabihin ko. Ito na ba talaga ang panahon para sa pag-amin ko?
“Simple lang ang sagot, Reynan. Hindi tayo talo.” Mariin kong ipinaintindi sa kanya ang kahuli-hulihang salita na binitiwan ko.
Gulat naman akong tinignan ni Reynan na nakaawang pa ang bibig. Si Mama at si Ninang Martha ay nakatingin naman sa akin na parang litong-lito na sa pinagsasasabi ko.
“Tomboy ka?” walang alinlangang tanong sa akin ni Reynan.
Inilibot ko muna ang aking paningin bago ko sagutin ang sagot ni Reynan. Sigurado na ba talaga ako sa gagawin kong ito?
“Oo,” kumpirma ko sa kanya. “Mas gusto ko ang babae.”
Napasinghap si Mama na nasa tabi ni Kuya Alrick. Si Ninang Martha naman ay hindi nakapagsalita. Si Reynan naman ay naikuyom ang kanyang kanang kamay. Samantala, si Kuya Alrick ay walang naging reaksyon. Mukhang may alam na rin siya tungkol sa akin.

BINABASA MO ANG
Kissing Ashley (Revising)
General FictionIsang lesbiana si Arianne Come. Ito ang sikretong kanyang iniingat-ingatan. Takot siyang magladlad sa kanyang ina, lalong-lalo na sa kanyang matalik na kaibigan na si Ashley Tolibas. Takot siyang magbago ang takbo ng kanyang buhay kaya't minabuti ni...