Six

6.4K 143 5
                                        

“PUTANGINA, ARIANNE!” galit na sigaw sa akin ni Reynan nang marinig niya mula sa bibig ko ang katagang mas gusto ko ang babae. Dahil na rin sa tindi ng kanyang galit ay nahampas pa niya ang hapag-kainan at kaagad namang napatayo sa kanyang kinauupuan. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo?”

Tumango ako sa kanya bilang tugon sa kanyang tanong. Hindi ko na pwedeng bawiin pa ang sinabi ko kanina dahil ‘yon naman talaga ang totoo. Mukhang ito na rin ang tamang panahon para aminin ko sa kanilang lahat dito ang tunay kong nararamdaman.

“H-Hindi...” usal ni Reynan. “Hindi ito totoo.” Paulit-ulit nitong sabi at bakas pa rin sa kanyang mukha ang pagkagulat dahil sa rebelasyon na ibinato ko ngayong gabi. Parang ayaw niyang maniwala sa narinig niya kanina mula sa akin. Gusto pa niya yatang ulitin ko pa para maliwanagan na silang lahat.

Tinignan ko si Mama na katabi ni Kuya Alrick. Nakatulala lamang ito na parang pinoproseso ng kanyang utak ang mga nangyayari ngayon. Napalunok na rin ako ng sariling laway dahil sa kaba na unti-unti nang umuusbong sa dibdib ko.

“M-Ma...” kabadong tawag ko sa kanya hanggang sa bigla na lamang itong tumayo sa kanyang kinauupuan. Nilingon ako ni Mama sa aking pwesto at tinignan ako nang masama.

“Bawiin mo ang sinabi mo,” galit na utos sa akin ni Mama na mas lalong nagpakaba pa sa akin ng husto. Ngunit, nilabanan ko ang aking kaba, lakas-loob akong umiling sa kanya bilang pagprotesta. Hindi ko na babawiin pa ang sinabi ko dahil desidido na ako sa desisyon kong ito.

Matagal na akong nagtatago sa likod ng maskara kong ito. Ayaw ko nang magsinungaling pa sa sarili ko at sa kanilang lahat.

Hindi nagustuhan ni Mama ang pagsuway ko sa utos niya. Mabilis niya akong nilapitan sa aking kinauupuan at doon na dumapo sa aking pisngi ang kauna-unahang sampal na naranasan ko sa buong buhay. Natigilan ako na parang bato dahil sa lakas ng sampal na ibinigay sa akin ni Mama. Ramdam ko ang tindi ng kanyang galit sa akin sa mga oras na ito.

“Isa kang kahihiyan sa pamilya.” Malutong na sumbat ni Mama sa akin na nagbigay kirot sa aking puso. Ito na ang kinakatakutan ko simula pa noon, ang hindi ako matanggap ng magulang ko.

Pinigilan ko ang pagtulo ng aking luha dahil sa dami ng realisasyon na parang tubig na pumupuno sa mala-timba kong isipan. Tinignan ko si Kuya Alrick na nasa aking tabi. Tinignan ko siya sa kanyang mata na puno ng pagmamakaawa na sana ay tulungan niya ako at ipagtanggol — siya na lamang ang taong masasandalan ko sa mga sandaling ito.

“Ikaw, Alrick!” sita ni Mama sa kapatid ko. “Matagal mo na bang alam ito? Bakit hinayaan mo lang ang kapatid mo?”

Napabuntong hininga si Kuya Alrick at sinagot nito si Mama. “Matagal na akong may alam, Ma. Wala namang kaso sa akin. Kapatid ko pa rin naman si Arianne kahit anong mangyari.”

Mas lalong nagpalambot sa puso ko ang sinabing iyon ni Kuya Alrick tungkol sa akin. Kahit na inaasar niya ako minsan ay may pagmamahal pa rin naman pala siya sa akin.

“Hindi!” bulalas ni Mama at tinignan ako. “Hindi ko matatanggap ‘yan. Wala akong anak na tomboy. Hindi kita pinanganak para lamang maging ganyan!”

Doon na ako napatayo sa aking kinauupuan. Hinarap ko si Mama at pinilit ko ang aking sarili na ilabas sa kanya lahat ng hinanakit ko sa mga oras na ito.

“Wala namang mali sa pinili kong sekwalidad, Ma.” Paliwanag ko sa kanya. “Wala namang mali sa akin, ako pa rin naman ang anak mo na si Arianne. H-Hindi ko na kasi kayang itago ito, eh. Matagal ko nang gustong sabihin ito pero naduduwag ako, Ma. Naduduwag ako dahil baka hindi niyo ako matanggap... na baka husgahan niyo ang buo kong pagkatao. Ito na talaga ako, Ma. Ito na talaga ang totoong ako.”

Umiling-iling lamang sa akin si Mama. Mukhang wala siyang interes sa mga hinaing ko sa kanya. Ako pa rin ang mali. Sa akin pa rin ang sisi. Ako pa rin ang talo sa huli.

“P-Pakiusap,” halos pabulong na usal sa akin ni Mama. “Umalis ka rito. Ayokong makita ang pagmumukha mo.”

Napahikbi na ako nang marinig ko iyon mula sa sarili kong kadugo.

“Ma... Mama naman...”

“Lumayas ka, Arianne. Umalis ka rito sa bahay. Huwag na huwag kang babalik hangga’t baluktot pa ‘yang pananaw mo sa buhay.” Mahinahong wika nito na halata namang pinipigilan lamang ang kanyang emosyon.

Napaluhod na ako sa harapan ni Mama at paulit-ulit na nagmakaawa sa kanyang harapan. Niyakap ko ang kanyang mga tuhod at doon na ako humagulgol ng iyak. Iniyak ko sa kanya ang lahat ngunit hindi niya ako pinakinggan. Nagbingi-bingihan si Mama sa bawat palahaw ko ng pagmamakaawa.

“Umalis ka na,” giit ni Mama sa akin at pilit akong nilalayo mula sa kanya. “Lumayas ka na!”

Nanlambot ako sa mga sandaling ito. Si Mama na inaasahan kong matatanggap ako ang siyang nagpalaho sa tanging pag-asa na kinakapitan ko. Tumayo na ako mula sa pagkakaluhod habang pinipilit ang sarili na pigilan ang pag-iyak. Labag sa loob akong naglakad patungong pintuan ng bahay. Iniisip ko kung may mali ba talaga sa ginawa ko dahil sa laki ng galit sa akin ni Mama. Ngunit, nagpapakatotoo lang naman ako. Wala namang mali sa akin. Wala namang mali sa pagkatao ko.

Pagkalabas ko ng bahay ay napatakip na lamang ako ng bibig at doon ulit ako nagsimulang humagulgol ng iyak. Naglakad ako sa daanan na umiiyak. Kahit na maliwanag ang buwan at marami ang bituin sa kalangitan ay ramdam ko pa rin ang aking pag-iisa.

Umiiyak at kalaban ang mundo. Nagpasya akong magtungo sa bahay nina Ashley para sa napipintong pag-amin ko sa aking pagkatao.

Kissing Ashley (Revising)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon