KAPWA NAMIN HINAHABOL ang aming paghinga nang tuluyan ng magkahiwalay ang aming mga labi. Nanlambot ang mga tuhod ako at bumagsak ako sa harapan ni Ashley na kasalukuyang nalilito sa mga nangyayari. Marahan kong inabot ang kanyang mga kamay at dinala ito palapit sa akin upang mahawakan nang mahigpit. Hindi nagprotesta si Ashley sa aking ginawa, tinignan lamang niya ako sa mga mata na pakiwari ko ay mayroon siyang mga katanungan. Nilagyan ko ng mga mumunting halik ang kanyang mga kamay at nagsimula siyang magsalita.
“Tama ba ang narinig ko kanina?” halos pabulong na tanong nito sa akin.
“Na ano?”
Napansin ko ang paglunok ni Ashley. Iniisip niya siguro kung tama ba ang tanungin niya ako sa bagay na kanina pa bumabagabag sa kanyang isipan.
Hinigpitan ko ang paghawak sa kanyang mga kamay. Gusto kong maramdaman niya na ayos lang ang lahat at wala akong masamang intensyon sa kanya. Malinis ang konsensiya ko ngayon at puro naman ang aking hangad sa kanya.
“Na ano, Ash?” pag-uulit ko sa aking tanong.
“N-Na...” nag-aalangan niyang usal. “Mahal mo ako.”
Napangiti ako sa kanyang sinabi. Akala ko kanina ay wala siyang pakialam nang sabihin ko iyon. Akala ko ay wala lang iyon sa kanya dahil sa hindi niya pagpansin dito.
“Matagal na kitang gusto, Ashley.” Pag-amin ko sa kanya. “Noon pa pero hindi ko lang magawang sabihin sa iyo dahil natatakot ako.”
Lumalim ang paghinga ni Ashley. Hindi pa rin niya iniiwas ang tingin sa akin. Marami pa siyang katanungan sa isipan, gusto pa niya nang maraming kasagutan sa mga oras na ito.
“Natatakot ako kasi baka iwasan mo ako kapag ginawa ko ang gusto kong mangyari,” sabi ko pa sa kanya at idinantay ko ang aking ulo sa kanyang hita. “Natatakot din ako na baka husgahan at pandirihan mo ako dahil sa aking sekswalidad kaya mas pinili ko na lamang maglihim kahit alam kong hindi dapat.”
Hindi umimik si Ashley kaya binalot kami ng katahimikan sa loob ng kwarto. Hindi rin ako nagsalita dahil pinakiramdaman ko muna ang aking kasama ngayon. Hawak ko pa rin ang kanyang kamay na hindi naman niya inilalayo sa akin. Mga ilang minuto rin kaming nagtagal sa aming posisyon nang maramdaman ko ang marahan niyang paghaplos sa aking buhok.
“Yan,” malumanay na banggit niya sa pangalan ko. Hindi ako kumilos upang tignan siya, nanatili lamang ako sa aking pwesto habang dinarama ang malambot na kamay ni Ashley na humahaplos sa aking buhok. “Sa tingin mo ba galit ako ngayon?”
“Hindi ko alam,” pagsabi ko ng totoo. “Galit ka ba sa akin, Ash? Galit ka ba dahil sa ginawa ko at sa pagtatapat ko ng totoo sa’yo?”
“Hindi, Yan. Hindi ako galit sa’yo.” Mahinahon nitong sagot sa akin na para akong hinihele upang makatulog. “Tanggap kita kahit maging ano ka man. Ikaw pa rin naman ang Arianne na nakilala ko mula noon hanggang ngayon.”
Napangiti ako sa aking narinig.
“Maraming salamat, Ash.” Nakangiti kong sambit habang patuloy pa rin siya sa paghaplos ng aking buhok.
“Sasamahan kita kahit saan ka man makarating,” dugtong pa ni Ashley. “Hindi ako mawawala sa tabi mo. Ako ang magiging sandalan mo.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ko sa kanya at dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakasalampak ko sa sahig. Sinalubong ako ng mga tingin ni Ashley na punong-puno ng emosyon. Inilapat ko ang aking kamay sa kanyang mga pisngi at naghintay ng kanyang sagot.
“Mahal din kita...”
Labis na natuwa ang puso ko nang marinig ko iyon mula mismo sa kanya. Hindi ako naka-imik kundi pagngiti lamang ang aking naging pagtugon. Hinalikan ko siya sa labi dahil sa labis na saya at ang mga sumunod na pangyayari ang hindi ko inasahan.
Sa tagpong iyon nahuli kami ni Tito Arthur. Sa tapat ng pintuan kung saan siya mismo nakatayo ay labis-labis na takot ang aking naramdaman habang nakatingin sa galit na rumerehistro sa kanyang mukha. Malaki ang naging mga hakbang ni Tito Arthur palapit sa pwesto ko.
“Demonyo ka!” galit na sigaw ni Tito Arthur sa akin hanggang sa tamaan na ako sa mukha ng suntok na kanina pa niya gustong pakawalan.

BINABASA MO ANG
Kissing Ashley (Revising)
General FictionIsang lesbiana si Arianne Come. Ito ang sikretong kanyang iniingat-ingatan. Takot siyang magladlad sa kanyang ina, lalong-lalo na sa kanyang matalik na kaibigan na si Ashley Tolibas. Takot siyang magbago ang takbo ng kanyang buhay kaya't minabuti ni...