LUTANG ANG ISIPAN KO habang naglalakad sa daanan. Hindi rin ako sigurado kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Pauulit-ulit na nagsusumiksik sa aking isipan ang lahat ng nangyari ngayong gabi: ang pagpapalayas sa akin ni Mama, ang pag-amin ko kay Ashley, at ang pagsapak sa akin ni Tito Arthur. Iniisip ko kung malas ba talaga ako ngayon o malas na talaga ako habambuhay. Hindi ko naman kasi ginusto ang lahat ng ito, gusto ko lang namang magpakatotoo sa kanilang lahat na walang itinatago sikreto. Isa rin sa mga gusto ko ay ang matanggap nila ako bilang ako ngunit parang malabong mangyari iyon dahil sa ngayon pa lang ay nahihirapan na silang tanggapin ang kung ano ako ngayon.
Buti na lang din at nakikisama ang panahon sa akin ngayon dahil sa liwanag ng buwan ibinibigay nito mula sa itaas. Kahit papa’no ay naiisip ko pa ring hindi ako nag-iisa ngayong gabi kahit na nilalayuan ako ng mga taong mahal ko.
“Ar!” tawag sa akin ng isang pamilyar na boses nang makarating ako sa tapat ng tindahan ni Aling Tasing. Nakita ko sa labas ng tindahan ang dalawa kong kaibigan na sina Roger at Geraldine na mas kilalang “Gerald” dito sa amin — isa rin itong lesbian kagaya ko at kapwa silang nag-iinuman. Nakatingin sa aking pwesto si Roger na patuloy akong tinatawag palapit sa kanila.
Inayos ko muna ang aking sarili bago lumapit. Kinusot-kusot ko muna ang aking mga mata na sa palagay ko ay namumugto na ngayon dahil sa kakaiyak mula pa kanina.
“Uy!” kunwari masigla kong bati nang makalapit na ako sa kanilang pwesto. Nginitian naman ako ni Roger samantala si Gerald naman ay tinaasan ako ng kilay. Mukha itong nagtataka sa kanyang nakikita ngayon.
“Upo ka muna rito,” yaya sa akin Roger at pinaupo ako nito sa isa pang bakanteng upuan na nasa tabi lamang ni Gerald. “Aling Tasing! Pahiram pa nga po ng isang baso!” sigaw pa nito sa matandang tindera na nasa loob ng tindahan na abala sa panonood ng TV.
“Napaaway ka?” usisa sa akin ni Gerald habang nilalantakan nito ang pulutan nilang chicharon.
Napalunok ako ng sariling laway. Napansin na rin ni Gerald ang remembrance sa akin kanina ni Tito Arthur.
“Hindi...” simpleng sagot ko at kinuha na kay Roger ang basong hiniram pa niya kina Aling Tasing. Sinalinan ito ni Roger hanggang sa mapuno at pati rin siya ay nagtaka sa ayos ng pagmumukha ko ngayong gabi.
“Anong nangyari diyan?” tanong na rin sa akin ni Roger. “Ba’t may pasa ka sa mukha?”
Napasapo ako sa aking pisngi na kanina pa kumikirot. Ngayon ko lang din napag-alaman na nagkapasa na pala ako. Hindi lang pala isa ang naging pabaon sa akin ni Tito Arthur kundi dalawa, hindi pa yata siya naging masaya do’n.
Napailing-iling ako at tinungga ang isang baso ng beer. Diretso at hindi man lang ako nag-alangan kahit na gumuguhit ang pait sa aking lalamunan. Wala pa rin ito sa kalingkingan ng sakit na nararamdaman ko ngayon.
“Mahabang kwento...” tanging nasabi ko na lamang at nagpasalin pa ulit ako ng beer kay Roger.
“Eh, paikliin mo.” Pabalang na sagot sa akin ni Gerald na halatang nainis sa sinagot ko. “Mahaba pa ang gabi, Ar. Anong oras pa lang, matatapos din ang kwento mo buong magdamag.”
“Oo, kahit ilang bote pa ng beer ang ubusin natin basta matapos lang ang kwento mo,” gatong pa ni Roger sa sinabi ni Gerald. Napahigpit na lamang ang pagkakahawak ko sa baso at napayuko na lamang ng ulo. Nagsimula ulit na tumulo ang aking mga luha. Napakabigat na bagahe ang dinadala ko ngayon. Gusto ko ng kausap. Gusto ko nang may makikinig. Gusto ko rin nang may makakaintindi.
![](https://img.wattpad.com/cover/69147963-288-k122846.jpg)
BINABASA MO ANG
Kissing Ashley (Revising)
General FictionIsang lesbiana si Arianne Come. Ito ang sikretong kanyang iniingat-ingatan. Takot siyang magladlad sa kanyang ina, lalong-lalo na sa kanyang matalik na kaibigan na si Ashley Tolibas. Takot siyang magbago ang takbo ng kanyang buhay kaya't minabuti ni...