Three

9.3K 174 2
                                        

GAGO TALAGA SI KUYA ALRICK. Kung alam lang niya kung gaano ako kinabahan dahil doon sa sinabi niya kanina. Paano na lang kaya kapag narinig ‘yon ni Mama? Katakot-takot na interogasyon ang aabutin ko dahil sa pambabadtrip niyang iyon. Hanggang ngayon kasi ay wala pa rin akong lakas ng loob para umamin kay Mama. Hindi ko pa nga alam kung paano ko sasabihin sa kanya ang sikreto ko. Wala pa akong konkretong plano para sa pag-amin ko sa kanila.

Kung nagkataon mang narinig ‘yon kanina ni Mama, hindi ko talaga alam ang gagawin ko.
Hindi lang din gago ang kapatid ko, sobra-sobra na ang pagiging gago niya. Eh, hindi ko naman talaga girlfriend si Ashley dahil kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Oo, kaibigan lang talaga. Tama, kaibigan nga... sa palagay ko. Siguro?

Hindi nagtagal ay narating ko rin ang bahay nina Ashley. Walking distance lang ang bahay nila mula doon sa amin kaya hindi masyadong masyadong hassle para sa katulad kong patambay-tambay lang ang alam.

“Ashley!” tawag ko sa kanyang pangalan at kaagad na kumatok sa pintuan ng kanilang bahay.

Mga ilang minuto din akong nanatili sa labas ng bahay dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pinagbubuksan ng kaibigan ko. Paulit-ulit akong sumilip sa may bintana ng bahay upang tignan kung may tao ba sa loob ngunit wala akong maaninag dahil nakaharang ang kanilang kurtina.

“Ashley!” ulit na tawag ko at kumatok ulit sa pintuan. Ilang sandali lang ay bumukas na ang pinto ngunit hindi si Ashley ang bumungad sa akin kundi ang ama niyang si Tito Arthur.

“Maganda umaga po, Tito Arthur.” Bati ko sa kanya ngunit hindi man lang ito nagsalita. Nakatikom lamang ang bibig ni Tito Arthur at mariin akong tinignan mula ulo hanggang paa. Nanliit ako sa sarili ko dahil sa ginawang iyon ni Tito Arthur. Ramdam ko namang ayaw niya sa’kin ngunit kinakapalan ko na lamang ang mukha ko na magpunta rito sa kanila dahil kaibigan ko ang anak niya.

Iba kasi makatingin si Tito Arthur sa akin parang alam niya ang sikreto ko. Kahit hindi pa ako nagsasabi ng katotohanan sa pamilya ko at kay Ashley, parang si Tito Arthur na kaagad ang unang nanghuhusga sa akin. Para siyang diring-diri sa akin na parang ako na ang pinaka-maduming tao rito sa mundo.

“Nandiyan po ba si Ashley?” lakas loob kong tanong sa kanya. Wala naman kasi akong balak na masama sa anak niya. Kaibigan ko si Ashley at wala akong gagawin na ikakagalit niya.

“Wala si Ashley dito,” diretsong sagot sa akin ni Tito Arthur na kulang na lang rin ay paalisin niya kaagad ako sa bahay nila.

“Arianne!” dinig kong sigaw ni Ashley sa pangalan ko kaya mabilis kaagad akong napatingin sa likuran ni Tito Arthur at doon ko nga nakita si Ashley na nagmamadaling makalapit sa amin.

Hindi naman na ako kinibo ni Tito Arthur. Umalis na lamang ito sa kanyang kinatatayuan na parang inis na inis.

“Yan,” banggit ni Ashley sa isa ko pang palayaw na ibinigay naman niya sa akin. “Narinig ko si Papa kanina. Pasensya ka na sa inasal niya.” Paghingi nito ng paumanhin sa akin habang paakyat kami sa itaas ng kanilang bahay.

“Okay lang ‘yon, Ash. Huwag mo nang problemahin ‘yon.” Nakangiting wika ko sa kanya hanggang sa makarating na kami sa tapat ng kanyang kwarto.

Nang makapasok na kami sa loob ay kaagad ko namang ibinagsak ang aking katawan sa malambot na higaan ni Ashley. Babaeng-babae ang kwarto ni Ash. Marami ang stuff toys sa loob na nagmumukha na ring toy museum dahil sa sobrang dami. Samantala, ‘yong kwarto ko naman do’n sa bahay ay boring. Wala kang makikita na kung ano pa mang anek-anek dahil wala akong hilig sa mga gano’n.

“Naiinis talaga ako kay Mama,” himutok ko kay Ashley habang diretsong nakatingin sa kulay pink niyang kisame.

“Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Ashley at umupo ito sa may paanan ng higaan.
Kaagad naman akong bumangon na sambakol ang mukha.

“Eh, pupunta kasi mamaya si Ninang Martha kasama ‘yong anak niya na si Reynan,” kwento ko sa kanya. “Alam ko namang gusto lang ni Mama na ireto sa’kin ‘yong lalaking iyon, eh.” Maktol ko pa.

Tinawanan lamang ako ni Ashley kaya napaismid ako. Ano naman kasi ang nakakatawa do’n?

“Alam mo, Yan,” sabi nito sa akin, “gusto lang siguro ni Tita Remy na magka-boyfriend ka na kaya gano’n.”

Natawa ako sa isipan dahil sa sinabi ni Ashley. Boyfriend ba kamo ang sabi niya? Eh, hindi naman kasi ‘yon ang hanap ko. Siguro kung alam lang talaga ni Ashley ‘yong sikreto ko baka hindi na boyfriend ang gamitin niyang salita kundi girlfriend na.

Kissing Ashley (Revising)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon