HINDI KO LUBOS AKALAIN na sa araw kung kailan ako pinakamasaya ay iyon din ang magiging araw kung kailan ako pinaka magiging malungkot dahil sa araw na iyon ay araw din kung kailan inilayo ulit ni Tito Arthur ang aking kasiyahan na si Ashley. Labis akong nagalit sa sarili ko dahil wala man lang akong nagawang hakbang upang ipaglaban ko si Ashley at ipakita sa ama nito na totoo at seryoso ang aking intensyon sa kanyang unica hija. Galit ako sa sarili ko dahil hinayaan ko lamang ang aking sarili na lamunin ng takot at pangamba sa mga maaaring gawin ng ama nito sa akin.
Mahal ko si Ashley. Labis ko siyang mahal kahit na ako ay paulit-ulit na lamang na nasasaktan.
Ilang gabi na akong hirap makatulog dahil sa kaiisip kay Ashley. Sa mga gabing nakahiga ako sa aming higaan ay hindi ko maiwasang yakapin nang palihim ang nag-iisang unan na kanyang gamit-gamit sa tuwing kami ay matutulog na nang mahimbing. Naiiyak na lamang ako sa mga sandaling sumasagi siya sa aking isipan hanggang sa unti-unti kong sinasariwa ang mga araw at gabi na kami ay magkasama.
Malungkot ako sa bawat gabi na mag-isa na lamang akong natutulog sa dati naming hinihigaan pareho. Bakante ang pwesto kung saan si Ashley natutulog. Kulang ako kapag wala si Ashley sa aking tabi.
“Hanggang kailan ka magmumukmok diyan?” tanong sa akin ni Gerald na nakasandal sa may pintuan ng aking kwarto.
Napabuntong hininga ako at napatingin sa kaisa-isang larawan ni Ashley na nakaipit sa aking lumang pitaka. Masaya itong nakaupo sa isang swing habang nakatrintas ang kanyang mahabang buhok. Sa pagkakaalala ko ay nasa second year college kami noon, katatapos pa lamang ng aming final exam at nagyaya itong tumambay sa may People’s Park.
“Hindi ko alam kung ano ba ang naging kasalanan ko sa buhay, Gerald.” Mahinang tugon ko sa kanya. “Hindi ko alam kung bakit ako pinaparusahan ng ganito. Nagmahal lang naman ako. Kasalanan ba iyon? Ha?”
Wala akong narinig ni isang sagot mula kay Gerald. Maski rin siguro siya ay walang alam na tamang sagot tungkol sa mga tanong ko. Ako rin naman eh, wala ding mahanap na matinong sagot para sa mga katanungan ko. Kahit anong pilit kong gawin at kahit na anong pilit kong isipin ay nananatili pa ring blangko ang lahat nang naging katanungan ko tungkol sa pag-ibig ko kay Ashley.
Mali ba talaga na minahal ko siya? O, mali ba talaga ang magmahal ng kapareho kong kasarian?
Ito ba ang mga dapat na tanong para lamang masagot nang tama ang mga katanungan ko?
“Wala ka bang gagawin?” basag ni Gerald sa katahimikan.
“Ano ang ibig mong sabihin?” nalilitong tanong ko sa kanya.
“Ibig kong sabihin eh, wala ka bang plano?”
Natulala ako. Hindi ko alam. Hindi ko na alam pa ang gagawin ko. Magulo na ang isipan ko. Galit si Mama sa akin. Itinakwil na niya ako. Si Kuya Alrick... hindi ko alam. Wala na akong balita sa kanya ngunit alam kong siya lamang ang kakampi ko. Samantala, si Ashley ay wala na... inilayo siya sa akin. Si Tito Arthur naman, lampas langit na yata ang galit sa akin. Hindi ko na alam. Parang ayaw ko nang mag-isip. Parang gusto ko nang sumuko. Parang gusto ko nang tumigil ang lahat. Pagod na ako. Talo na ako. Tanggap ko nang isa akong duwag at talunan sa kahit na anong parte ng aking buhay.
“A-Ayaw ko na...” mahinang sambit ko.
Napatikhim si Gerald. Ramdam ko ang paglapit niya sa akin nang napatigil ito dahil sa biglaang may kumatok sa pintuan ng bahay.
“Babalik ako... pag-uusapan natin ‘yan,” paninigurado nito sa akin at tuluyan nang lumabas ng kwarto. Ibinalik ko na sa loob ng pitaka ang larawan ni Ashley. Napahiga ako ulit sa higaan at niyakap ulit ang unan na iniwan ni Ashley dito sa kwarto. Ipinikit ko ang aking mga mata at inalala ulit ang maamong mukha ng aking nobya. Napabalik-tanaw ulit ako sa nakaraan hanggang sa naputol ito nang marinig ko ang pagtawag ni Gerald sa aking pangalan.
“Ar!” malakas na pagkakatawag nito. Hindi ko ito pinansin at nanatili lamang ako sa aking posisyon.
“Ar!” pag-uulit pa nito hanggang sa tuluyan na nitong kinatok ang pintuan ng aking kwarto. “Ar, nandito ang kapatid mo...”
Napabalikwas ako nang marinig ko ang huling sinambit ni Gerald. Magkahalong emosyon ang aking naramdaman nang makita kong muli ang aking nakakatandang kapatid. Nakatayo lamang ito sa tabi ni Gerald habang maluha-luhang nakatingin sa akin.
“Kuya!” magiliw kong tawag sa kanya at mabilis ko siyang niyakap nang mahigpit.
BINABASA MO ANG
Kissing Ashley (Revising)
General FictionIsang lesbiana si Arianne Come. Ito ang sikretong kanyang iniingat-ingatan. Takot siyang magladlad sa kanyang ina, lalong-lalo na sa kanyang matalik na kaibigan na si Ashley Tolibas. Takot siyang magbago ang takbo ng kanyang buhay kaya't minabuti ni...