KINWENTO KO KAY ASHLEY lahat ng hinanakit ko kay Mama tungkol sa mga bagay na ipinipilit sa akin kahit ayaw ko naman talaga.
Katulad na lang sa ginagawa niya sa akin ngayon do’n sa Reynan na ‘yon. Hindi ko naman pwedeng ipagpilitan ang sarili ko na magustuhan ang taong iyon dahil malabo talagang mangyari iyon. Kahit papagsibakin pa ni Mama ng kahoy si Reynan sa bahay (kahit may stove kami) ay hindi pa rin talaga gagana kasi mas nagkakagusto talaga ako sa babae. At kung ipagpipilitan man ni Mama ang gusto niyang mangyari ngayon pa lang ay nagsasayang na siya ng oras para lamang sa bagay na iyon.
“Ahh, Ashley,” tawag ko sa kanya, “uuwi na pala ako.” Pagpapaalam ko at naglakad na ako patungong pintuan ng kwarto.
“Ingat ka,” nakangiting sabi pa ni Ashley at kinawayan pa ako. Tumango na lamang ako at kaagad nang lumabas ng kanyang kwarto. Kailangan ko kasing makauwi agad ngayon dahil baka mapagalitan pa ako ni Mama kapag mahuli ako ng uwi. Darating kasi mamaya sina Ninang Martha para doon maghapunan sa bahay at paniguradong tungkol na naman sa kanya ang pag-uusapan nilang lahat.
Nalilito na tuloy ako kung aamin na ba ako o hindi.
Bago pa ako makababa ng hagdan ay nakasalubong ko si Tito Arthur kaya umusbong na naman ang kaba sa dibdib ko.
“Mauna na po ako,” mahinang wika ko at mabilis na lamang akong naglakad papunta sa pintuan para makalabas agad. Mabuti na rin ang ginawa kong iyon dahil baka pagsabihan na naman ako nito ng huwag na akong bumalik kagaya ng dati.
Palaging gano’n na lamang ang pakikitungo sa akin ni Tito Arthur sa tuwing nagpupunta ako sa bahay nila. Parang ayaw na ayaw niyang nakikita ang pagmumukha ko. Siguro iniisip niyang hindi ako magandang impluwensiya kay Ashley pero wala naman talaga kaming ginagawang masama.
Tinakbo ko na lamang ang daan pauwi upang makarating kaagad ng bahay ng walang sabit. Kabilin-bilinan pa naman sa akin ni Mama na huwag ko raw papaghintayin ang bisita dahil kapag iba ang nangyari paniguradong sermon ang aabutin ko kay Mama.
Nang makarating na ako ng bahay ay nadatnan ko si Mama na naghahanda na ng hapunan sa hapag-kainan. Buti na lang pala at hanggang ngayon ay wala pa sina Ninang Martha, saktong-sakto lang ang dating ko.
“Magbihis ka na do’n, Arianne,” utos sa akin ni Mama pagkakita niya sa akin. “Hindi na magtatagal at darating na sina Ninang Martha mo at pati na rin si Reynan.” Pahabol pa nito sa akin.
Hindi na ako umimik at walang ganang naglakad patungong kwarto. Sana naman at maghimala na makansela ang lakad nila papunta rito sa amin.
“Isuot mo pala ‘yong binili kong damit!” sigaw pa ni Mama na mas lalong nagpakunot ng noo ko. Seryoso ba talaga si Mama sa sinabi niyang iyon sa’kin? Hindi ba siya nagbibiro kasi parang nagbibiro ‘yong dating sa’kin, eh. Pero bahala na, hindi ko pa rin ‘yon susuotin kahit sermonan pa niya ako mamaya. Mas mabuti na ‘yon dahil turn off na kaagad si Reynan sa akin ‘pag nagkataon.
Pumili na ako ng damit sa may closet na sa palagay ko ay magiging komportable ako mamayang hapunan. Sinuklay ko na rin nang maayos ‘yong mahaba kong buhok na matagal na akong kating-kati na pagupitan. Pagkatapos kong magsuklay ay pinusod ko na lamang ang buhok ko para hindi masyadong makalat tignan. Umupo na rin ako sa may paanan ng higaan at doon na ako nagsimulang suotin ‘yong white sneakers ko.
Nang matapos na ako sa mga ritwal na ginawa ko ay kaagad naman akong humarap sa salamin upang tignan ang sarili ko.
“Oh, Ar, mas pogi ka na kaysa kay Kuya Alrick.” Kausap ko sa aking sariling repleksyon na natatawa pa.
Nag-pose pa ako ng kung ano-ano sa harapan ng salamin na nagkukunwaring tinalo ko na nga ang kapatid ko sa kagwapuhan pero nagbibiro lang naman ako do’n.
Napatigil na lamang ako sa ginagawa ko ng may biglang kumatok sa pintuan ng kwarto ko.
“Lesbian, lumabas ka na diyan. Nandito na sina Ninang Martha pati ‘yong ka-forever mong si Reynan.” Natatawang pahayag pa nito sa akin mula sa labas.
Nalukot na naman ang mukha ko dahil sa pambabadtrip ng kapatid ko sa akin. Quotang-quota na siya sa pambubuysit ngayong araw.
“Walang hiya ka talaga! Masasapak ka talaga mamaya!” singhal ko mula sa loob ng kwarto at dali-dali nang lumabas para makaganti sa hinayupak kong kapatid.

BINABASA MO ANG
Kissing Ashley (Revising)
Ficción GeneralIsang lesbiana si Arianne Come. Ito ang sikretong kanyang iniingat-ingatan. Takot siyang magladlad sa kanyang ina, lalong-lalo na sa kanyang matalik na kaibigan na si Ashley Tolibas. Takot siyang magbago ang takbo ng kanyang buhay kaya't minabuti ni...