Title: SALAMIN NG ISANG VIDEOKE QUEEN
Song inspiration: Videoke Queen
Patuloy ang pag-ikot ni Alaine sa harap ng salamin habang pilit na inaalala ang bawat hakbang sa sayaw na gaganapin ilang buwan mula sa kasalukuyan. Bawat galaw ay kailangang tugma sa bawat saliw ng musika. Ang bawat hakbang ay dapat akma sa ugoy ng kanta.Sa kanyang pag-ikot, napansin niya ang isang lalaking matamang na nakamasid sa kanya. Kapuna-puna ang mga titig nito sa kanya.
Saglit na natigilan si Alaine sa pag-ikot at saka sinagot ang mga titig ng lalaki. Kasabay naman ng kanyang titig ay ang pagyuko ng lalaki at saka nagmamadaling umalis. Napakunot-noo na lamang si Alaine at saka inisip na marahil ay isa ito sa kanyang mga tagahanga.
Muli siyang humarap sa salamin, itinaas ang kanang paa at saka dahan dahang iniangat ang buong katawan gamit ang kaliwang paa. Tiningnan niya ang sarili sa salamin. Nagugustuhan niya ang pigura ng katawan na nakikita niya. Balingkinitan ang kanyang pangangatawan. Tamang-tama sa anyo ng sayaw na minahal na niya. Tinitigan niya ang kanyang mukha. Maamo at nakakaengganyo ang mga matang tumitig pabalik sa kanya. Ngunit ang nakahuli ng kanyang atensiyon ay ang waring pagkasalat nito ng buhay kahit na punung-puno ng ambisyon ang kanyang isipan.
Sa pagkakataong iyun, bigla na lamang siyang nagkaroon ng kagustuhan na hawakan ang larawan sa kanyang harapan. Naramdaman niya ang pagdikit ng kanyang puson sa kahoy na siyang hawakan tuwing siya'y nag-eensayo ngunit itinuloy pa rin niya ang pag-abot sa kanyang mukha sa salamin. Maganda siya. Maayos ang hugis ng kanyang kilay na hindi na kailangang guhitan ng anumang lapis. Mapupula ang kanyang mga labi na para bang sariwang mansanas na handa ng mapitas. Ang kanyang mga talukap ay mahahaba na umaakit ng sinuman na handang malunod sa lalim ng kanyang kulay-kape na mata.
Napasinghap pa siya ng biglang lumiyab ang mata sa kanyang harapan. Napaurong siya sa gulat ng biglang humalakhak ang larawan sa kanyang harapan. Kumurap siya at saka muling tumitig sa salamin. Wala na ang nakakatakot na imahe na una niyang nakita.
Huminga siya ng malalim at saka tumayo. Isiniwalang-bahala ang natunghayan. Alam niya ang dahilan ng kanyang mga nakikita. Ang kanyang mga magulang na parehong naghahanap-buhay sa ibang bansa ay nagpadala ng isang kahon na imahe ng kung anu-anong anito. Nasiyahan raw sila na kahit sa ibang bansa ay meron pa ring iilan na hindi nakakalimot sa kultura ng mga sinaunang pilipino.
Nagmamadali siyang nag-ayos at saka umuwi ng kanilang bahay. Pinihit niya ang busol ng kanilang pintuan at saka pumaitaas patungo sa kanyang silid. Iniiwas niya ang tingin mula sa mga nagkalat na imahe ng nakaupong mga anito na nakahilera sa bawat baytang ng hagdan. Swerte raw ito sabi ng kanyang mga magulang na kahit na matagal nanirahan sa ibang bansa ay hindi pa rin naaalis ang mga makalumang paniniwala.
Pagkapasok sa kanyang silid ay mariin niyang isinara ang pinto. Ang mga bagong anito na nakatanghal sa kanilang bahay ay nagdudulot sa kanya ng masamang panaginip at takot sa hindi maipaliwanag na dahilan at tanging ang kanyang silid ang nagbibigay sa kanya ng seguridad na ligtas siya sa sariling pamamahay.
Ilang minuto pa ang nakalipas mula ang ikatatlo ng umaga nang bigla siyang magising sa lamig ng hangin. Nagmulat siya ng kanyang mga mata at napansin ang nakabukas na bintana. Pumapasok mula rito ang malamig na simoy ng umaga at ang mahinang pagpatak ng ulan. Nagmamadali siyang bumangon sa pagkakahiga at saka isinara ang bintana. Noon niya lamang napansin na basa ang sahig ng kanyang silid. Babalik na sana siya sa kanyang higaan nang muling umihip ang hangin sa kanyang batok. Napahinto siya, ang mga mata ay nakatitig sa kamay na nakahawak sa sapin ng kanyang higaan. Muling umihip ang hangin sa kanyang batok. Walang ibang panggagalingan ang hangin na iyun at sigurado siya na naisara niya ng maayos ang bintana. Isa pang ihip ng hangin na para bang may tao sa likod niya na hinihingahan ang kanyang batok.
BINABASA MO ANG
FINALS
RandomThe Wattpad, Game Ka Na Ba? Finals will be having two sets of different mechanics. In that way, scores will be added and divided by two, to get the mean score and to hail the champion! Entries are to be evaluated by the assigned judges.