Entry #2: Desiderata

108 6 2
                                    

Word count: 625

ABARURAY! ABARINDING!

Labing-dalawang taon na mula nang ikasal ako sa aking asawa.


Noong una'y masaya kami. Walang problema't hinanakit.


Araw-araw na sabay nag-aalmusal at papasok sa trabaho. Pagsapit ng alas singko ng hapon, aalis sa trabaho't magkikita sa LRT upang sabay rin ang pag-uwi. Gabi-gabi'y magkatabi kami sa kama. Maglalambingan hanggang sa mauwi sa pagkakaisang dulot ng pagmamahalan. Matapos noon ay matutulog nang mahimbing sa bisig ng isa't isa.


Ngunit sa pagpatak ng bawat taon, unti-unti kong naramdaman ang kanyang panlalamig.


"Wala. Sa trabaho lang." Madalas na sagot niya sa t'wing nagtatanong ako, ngunit kapag pinipilit kong sabihin niya kung ano iyon, pinagtataasan niya ako ng boses.


Patuloy lang iyon hanggang sa lumayo na ang kanyang loob.


Doon lang din ako nagsimulang magisi kung ano ang problema sa amin... sa akin.

ANG PANGAKO'Y TUTUPARIN!

Nakipagkita ako sa isang doktor upang magpakunsulta. Naluha ako sa hindi inaasahang resulta. Mahina raw ang matres ko. Ibinalita ko ito sa aking asawa. Alam kong nalungkot din siya ngunit itinago niya na lang. Siguro, para hindi na ako masaktan pa?


Sa pagkakataong ito, alam ko na talaga ang dahilan ng kanyang panlalamig. Gusto niya nang magkaroon ng anak, subalit hindi ko iyon maibigay dahil sa aking kundisyon. Bakit ba hindi ko kaagad napansin?


Marahil ay nilamon ako ng alab ng pagmamahal hanggang sa sunugin ako nito nang tuluyan hanggang maging abo at liparin sa himpapawid sa pag-ihip ng hangin.


Sinubukan namin ang iba't ibang paraan upang mabuntis ako kahit masakit sa bulsa. Ang problema nga lang, imbes na maging matibay ay pinaghiwalay pa kami nito. Umabot kasi sa puntong natanggal kami sa trabaho't nabaon sa utang na madugo. Hindi na namin alam kung paano iyon babayaran.


Kaya ang pagsibol ng pag-asa'y natigil ang paglago.

ABARURAY! ABARINDING!

Isang gabi, lumabas ako sa banyo dala ang instrumentong may isang kulay pulang guhit. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong gumamit nito kahit na alam ko namang malabong mangyari ang aking gusto.


Laking gulat ko nang nakita ko ang aking asawa, nakatayo sa sala't may limang bag sa harapan. Nag-init ang gilid ng aking mga mata hanggang sa naramdaman kong may tumulong luha sa aking pisngi. Tandang-tanda ko pa kung paano niya binitawan ang mga salitang pakiramdam ko ay mga kutsilyong diretsong isinaksak sa aking dibdib.


"Mahal kita pero ang pagmamahal ay hindi lang isang simpleng pakiramdam. Pakiramdam ko ay mahal kita ngunit hindi ko alam kung ito'y totoo bang pagmamahal."


Hindi ko napigilan ang aking sarili't humagulgol na. Nais ko sanang sabihin na huwag siyang sumuko gaya ng pagtuloy kong pagbuo sa pag-asang hindi ko alam kung kailan darating. Nais ko sana siyang pigilang umalis, at marahil ay pigilan din siyang sumama sa iba. Ngunit ano nga ba ang magagawa ng isang babaeng tulad ko? Biniyayaan ng matres, subalit hindi naman kayang magdala ng bata.


"Kailangan ko ng anak. Kahit isa lang, pero bakit hindi mo ako mabigyan?"


Bakas sa kanyang boses ang galit at lungkot. Gusto ko siyang yakapin, pero pakiramdam ko'y wala akong karapatan. Ang tanging nagawa ko na lang ay pagmasdan siyang maglakad palabas ng bahay dala ang kanyang mga gamit hanggang sa hindi ko na nakita maski ang kanyang anino.


At sa kaiiyak ay nakatulog ako... sa sahig na malamig... nang nag-iisa.

ANG PANGAKO'Y TUTUPARIN!

Ikalabing-walo ng Mayo. Desidido na ako.


Madaling-araw pa lang ay naghanda na ako para sa pagpunta sa isang pista. Ito ang huli kong pag-asa nang sa gayon ay makuha kong muli ang aking asawa at maabot-kamay na sa wakas ang biyaya. Kahit na malayo ay nagtiis. Kahit na mahirap ay pinilit.


At ito ako ngayon. Nasa Obando. Nakikiparada sa ilalim ng mainit na araw. Humihiling kay Santa Clara. Kumakanta nang masaya. Sumasayaw ng pandanggo kasabay ng kapwa ko nais maging isang ina.


FINALSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon