Word count: 999
Ang pag-ibig ay isang sugal na walang katiyakang resulta, resultang humahantong lamang sa dalawa: ang manalo o matalo sa laban.
Si David na kung tawagin nang marami ay King of Hearts, ang bangka sa laro ng pag-ibig para sa akin.
Ako ang itinuturing nilang pinakamagandang mutya na hinahangaan ng kalalakihan. Hindi lang dahil sa aking kagandahan kung kaya't nahuhumaling ang lahat kundi dahil sa kagandahang loob na mayroon ako, maawain sa nangangailangan kung kaya't bantog ako sa tawag na Queen of Hearts.
Kahit kilala sa kalalakihan ay iisang lalaki lamang ang nasa puso ko, walang iba kundi si David.
Mula pagkabata'y nangako kami sa isa't-isa na sa paglaki nami'y kaming dalawa ang magmamahalan. Kaya nang dumating ang ikalabing-walong taon ko, matapos ang magarbong piging ay inimbitahan niya ako sa isang pag-uusap.
Sa ilalim ng maliwanag na buwan sa harding puno ng mga bulaklak ay nakaupo kaming pareho sa damuhan habang pinagmamasdan ang kalangitan. Katahimikan ang unang namagitan kaya't rinig na rinig ko ang malakas na kalabog ng aking puso at ang pagkakagulo ng mga paru-paro na siya lalong nagpakaba sa'kin.
Narinig ko ang pagkawala niya ng malalim na buntong-hininga tila iniibsan nito ang kabang bumabalot sa kalooban, hanggang sa narinig kong sinambit niya ang, "Elizabeth, ngayong ganap ka nang dalaga..." napatigil siya't unti-unting tumayo, lumuhod siya sa harap ko't, "Sa tingin ko'y ito na ang tamang panahon. Mula noon at hanggang ngayon ay walang nagbago, sadyang ang pag-ibig na mayroon ako sa iyo'y wagas at totoo. Nais ko sanang itanong kung maari bang ikaw ang maging kabiyak nitong puso ko?"
Kumurba ang ngiti sa aking labi at walang pag-aalinlangang sinagot ko sa kaniya ang aking matamis na, "Oo"
Sinelyuhan ng isang mahigpit na yakap at matamis na halik ang pag-iisa ng kanilang pag-ibig.
***
Lumipas ang ilang buwan hanggang umabot ng taon ay hindi nagbago ang pagtitinginan naming dalawa. Ngunit may isang hindi inaasahang bisita, isang dayong prinsipeng nagmula sa kung saan.
"Magandang araw, binibini!" Napatigil ako sa paglalakad ng harangin ako ng isang estranghero.
Gulat man sa inakto nito'y nagawa ko pa rin itong sagutin, "Anong maipaglilingkod ko sa'yo, ginoo?"
"Nais ko sanang maglibot kaya lamang ay wala akong maaaring kasama. Isa lamang akong hamak na turistang nais makita ang ganda ng lugar."
Matiim ang titig nito sa'kin tila may kung anong hiwagang nagkukubli sa mga mata nito, ilang saglit pa akong nabato-balani hanggang sa, "Masaya akong samahan ka." ang wala sa loob kong sagot.
Bumalatay ang tagumpay sa mukha nito.
"Lancelot." Nilahad niya ang isang kamay, ginagap ko ito't sinaad ang aking ngalan, "Elizabeth."
***
"Alam mo ba kung bakit naisip kong ilaan ang mga araw ko sa paglilibot?" tanong niya habang kami'y namamahinga galing sa paglilibot.
Umiling ako't hindi sumagot.
"Nakakatawa mang isipin, ang totoo'y hinahanap ko ang isang babaeng maari kong makasama bago ako mawala sa mundo. Isang babaeng magpaparanas sa akin ng pagmamahal." Nasa mata niya ang lungkot sa bawat salitang sinasaad. Ginagap niya ang palad ko't kinipkip ito sa kaliwang dibdib, "Nahanap na ng puso ko ang magpapatibok sa kaniya."
Agad kong binawi ang kamay ko't tinignan siya ng matalim, "Hindi mo ako madadaan sa mabulaklak mong salita."
Galit ko siyang tinalikuran ngunit ilang hakbang pa lang ay napaharap ulit ako sa kaniya. Narinig ko ang malakas niyang pag-igik habang sapo-sapo ang dibdib, agad ko siyang dinaluhan at itinakbo sa malapit na pagamutan.
Paulit-ulit ang pag-alingawngaw ng sinaad niya, hindi ito maalis sa aking isipan.
"Alas-kwatro ng hapon, bukas. Kapag nagpunta ka'y pumapayag ka pero kapag ni anino mo'y hindi nagpakita, tatanggapin ko ang pagkatalo ko."
Buong maghapon kaming magkasama ni David ngunit tila wala sa kaniya ang aking pag-iisip, lumilipad papunta sa kung saan kung kaya't ramdam ko ang pagkakasala sa kaniya.
"Elizabeth, ayos ka lang ba? Bakit tila wala ka sa iyong sarili? Masama ba ang pakiramdam mo o may masakit ba sa iyo?"
"Kailangan ko lamang yata ng pahinga, mahal."
"Kung ganoon ay babalik na lamang ako bukas upang ika'y makapagpahinga."
Hinalikan niya ako't isang bilin ang sinaad, "Magpagaling ka dahil mahal na mahal kita."
Pinagmasdan ko ang papalayong imahe niya. Unti-unting namumuo ang luha ko kasabay ng pagkabuo ng desisyon ko.
***
Mabilis na lumipas ang panahon kasabay ng mga pangyayaring naganap sa desisyon ko. Pinili kong makipagkita't sumama kay Lancelot na mas kilala bilang Jack of Hearts. Ang tinaguriang bluffer sa larong ito.
Natuklasan kong pinaikot niya lamang ako... kami sa palad niya. Isa siya sa kalalakihang hangad ay mapasa kamay ako, selos ang nagdulot upang magawa niya ito.
At ang pairalin naman ang awa laban sa pagmamahal, ang pinakamalaking kamaliang nagawa ko.
"Hanggang ngayon ba'y hindi mo pa rin siya makalimutan?" bakas ang pait sa boses niya.
"Kahit kailan ay hindi nawaglit sa'kin ang pagmamahal na mayroon ako sa kaniya. Siya lamang ang tunay kong mahal, siya lang at wala nang iba."
Umagos ang luha ng maalala ko ang balitang kumalat sa buong Arcana.
"Natagpuang patay si David, laslas ang pulso't wala nang buhay."
Nakatago ako sa likod ng puno, nakasilip habang hindi magkamayaw ang luha habang tinatanaw ang ibinababang kabaong ni David.
"Mahina, pareho kayong mahina ngunit mas mahina siya. Hindi ko akalaing mapipili niya ang ikalawang trump, ang kamatayan. Hindi siya sumugal at sinayang ang bet na itinaya. Mabilis siyang nag-fold. Kaya sa lahat ng baraha'y siya ang tinaguriang "Suicide King", siya ang sumira sa sarili niya. Hindi siya maituturing na tunay na bangka dahil ang tunay na bangka'y nakalalamang sa kalaban."
"Ngunit kahit kailan ay hindi ka lumamang sa pag-ibig ko kaya kung tutuusin ay ikaw ang talo."
"Talaga bang wala kang nararamdaman sa akin?"
"Mahal kita pero ang pagmamahal ay hindi lang isang simpleng pakiramdam. Pakiramdam ko ay mahal kita ngunit hindi ko alam kung ito'y totoo bang pagmamahal. Dinaan mo sa armas mong panloloko ang lahat, kaya ng malaman ko iyon ay hindi ko magawang ipusta ang damdamin ko para sa'yo."
Gusto kong lumapit sa puntod niya ngunit hindi ko magawa, wala akong karapatan dahil ang puno't dulo ng larong ito'y... ako.
BINABASA MO ANG
FINALS
RandomThe Wattpad, Game Ka Na Ba? Finals will be having two sets of different mechanics. In that way, scores will be added and divided by two, to get the mean score and to hail the champion! Entries are to be evaluated by the assigned judges.