Entry #3: Pinto

191 6 5
                                    

Word count: 998

HIM


Mainit ang palad ko at malamig naman ang sa iyo. Kaya naman gustong-gusto kong hinahawakan ito at sabay nating dinadama ang init. Kasi, kahit mainit ang mga kamay ko, nanlalamig din ito sa tuwing ika'y umaalis.


Aalis ka na naman ba? Ang parati kong tanong sa 'yo. Sapagkat sa ilang gabi mong mananatili sa aking tabi, parati akong naniniwalang ito'y totoo, tayo'y totoo.


Subalit sa bawat pagsikat ng araw ay hinahanap-hanap kita at ang tangi ko lang nakikita ay ang iyong mga marka.


Sa braso, naalala mo ba noong una tayong magkita, bigla ka na lamang hinimatay at sinapo kita sa aking braso.


Sa mata, wala nang mas gaganda pa sa 'yong mukha.


Sa tainga, ang boses mong kinaadikan kong musika.


Sa labi, wala ng ibang makakaangkin, kun 'di ikaw lang.


Sa puso, ikaw ang una kong pag-ibig at wala na 'kong ibang gusto pang ibigin maliban sa 'yo.



Kalalaki kong tao naranasan kong magka-regla nang dahil sa 'yo, 'yong tipong irregular ba. Malalaman ko na lang na nandyan ka na, kapag naramdaman ko na ang sakit, ang kirot, ang hapdi. Hindi ang alaga ko ang nagdurugo kun 'di ang aking puso parating umaasa sa 'yo. At kahit ilang beses itong magdugo, handa akong magtapal ng ilang napkin, manatili ka lamang.


Parati mo na lang akong dinadaan sa 'yong mga ngiti at tawa, at oo, palagi akong bumibigay. Palaging gusto kong sabayan ang saliw ng musikang tayong dalawa ang kumukumpas. Pero, mahal, isang buwan kang nawawala. Isang araw mo lang akong pinakanta pero isang buwan akong nababaliw kakantang mag-isa. At ilang beses ko nang sinabi sa sariling ko tama na, nagmumukha na 'kong tanga. Pero sa oras na malapit na akong bumitaw, darating ka.


Bumabalik ka kasama ang pareho mong mga ngiti at tawa na para bang hindi isang buwan kang nawala na hindi nagpaparamdam. Hindi ko na alam kung gusto pa ba kitang sabayan sapagkat alam kong sa gitna ng kanta, ako na lang mag-isa. Pero isa akong malaking tanga na kahit hindi na dapat, sinasabayan pa rin kita. Masabi lang na patuloy pa rin ang kanta, kahit ako na lang mag-isa, kahit hindi na ngiti at tawa ang tunog kun 'di ang hikbi ng isang tanga.



Tinatanong kita, habang hawak ko ang iyong kamay nang mahigpit pinapanatili ang init sa ating mga palad, "Mahal mo ba ako?"


Bakit hindi ka makatingin nang diretso? Dalawa lang ang sagot, oo o hindi. Hindi mo kailangang luwagan ang pagkakahawak sa akin o mag-iba ng tingin. Hindi ang sagot ng hangin ang gusto kong marinig, bakit kailangan mong manahimik?


Kinakabahan, halos mautal-utal mong sinagot, "Mahal kita pero ang pagmamahal ay hindi lang isang simpleng pakiramdam. Pakiramdam ko ay mahal kita ngunit hindi ko alam kung ito'y totoo bang pagmamahal."



Tangina.


Hindi talaga simpleng pakiramdam ang pagmahahal. Hindi mo ba nakikita ang aking hindi simpleng pakiramdam sa tuwing ika'y darating pagkatapos ay iiwan mo ako nang kay tagal.


Totoong pagmamahal? Paano mo malalaman na tunay mo 'kong mahal kung parati mo 'kong iniiwan at basta na lang babalikan. Ano, kung kailan mo lang pakiramdam na gusto mong magmahal tsaka mo 'ko babalikan at kapag ayaw mo na ay iiwan na? Mahal, tayo ba'y naggagaguhan?


Kasi ako, mahal na mahal kita. Hindi ito simpleng pakiramdam at ito'y totoo, hindi pa ba halata?



Pero, kahapon, may iba akong minahal. Ang sarili ko. Kasi ilang taon na siyang mag-isa kakamahal ng iba pero wala namang nagmamahal sa kanya.


Tiningnan kita nang diretso sa mata. Bumitaw sa hawak nating dalawa.


Mahal, hindi ako isang pintuan na pwede mong pasukan at labasan kung kailan mo lang gusto.


Simula ngayon, magsasara ako ng pinto.


Mamimili ka lang kung saan ka mananatili.


Sa labas o sa loob.




HER


Ramdam ko ang iyong titig sa akin at ang tuluyan mong pagbitaw.


Hindi ko inaasahang tatanungin mo ako kung mahal kita. Hindi pa ba halata?


Naiinis ako sa tuwing tatanungin mo ako kung aalis na naman ba ako. Bakit kailangan mong magtanong? Hindi mo pa ba naiintindihan na ilang beses man akong mawala ay babalik at babalik ako sa 'yo.


Babalik ako.


Para sa 'yo.


Handa kong tiisin ang lahat ng turok ng gamot sa akin at ang nakamamatay na amoy ng hospital. Kung pwede lang madaliin lahat ng ito para makita ka kaagad pero, patawad. Patawad kung palagi akong natatagalan.


Kailangan ko pa kasing mag-ipon ng lakas para maipakita sa 'yo ang aking ngiti at tawa para malaman mong ayos lang ako. Ayokong mag-alala ka sa akin. Ayokong makita mo akong nakahiga sa kamang namumutla't nanghihina. Hindi ko gusto ang senaryo na inaalagaan mo ako hanggang sa mamatay na lang ako. Ang gusto kong iwan sa 'yo ay ang memorya nating dalawang nakangiti at tumatawa.


Kasi, ikaw lang ang nakapagpapasaya sa akin nang ganito. Ikaw lang ang nagbibigay sa akin ng dahilan para ngumiti at tumawa. Ikaw lang ang nagbibigay sa akin ng lakas, kasi alam kong saan man ako dalhin ng sakit na ito ay babalik ako sa 'yo.


Ikaw ang aking tahanang palaging inuuwian.



Kung pwede lang sanang ibalik ang oras at tanungin mo akong muli kung mahal kita. Kung hindi lang sana ako nakaramdam nang panghihina kaya bahagyang lumuwag ang pagkakahawak ko sa 'yo. 'Yun pa rin ang aking isasagot.


Pero sana naghintay ka muna.


Mahal kita pero ang pagmamahal ay hindi lang isang simpleng pakiramdam. Pakiramdam ko ay mahal kita ngunit hindi ko alam kung ito'y totoo bang pagmamahal. Baka kasi nagiging makasarili na ako. Kasi alam kong darating ang araw na hindi na kita mababalikan, kahit kailan. Pero maniwala ka sana na mahal kita. Pero, hanggang kailan mo kayang maghintay?



Kaso, mukhang hindi ko na rin kailangang ituloy pa ang sasabihin ko noon, kasi sinagot na ako ng iyong mga mata.


Nagsara na ang pinto at naiwan ako sa labas. Gustuhin ko mang manatili sa loob, wala na akong lakas.


Isang hiling ko lang sa 'yo bago matapos ang lahat, sa tamang panahon, buksan mong muli ang pinto sa babaeng hindi katulad ko.




FINALSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon